Library
English
Chapters
Settings

6

(past scene)

ANIM na taong gulang si Liv nang una niyang makita at makilala ang labing dalawang taong gulang na si Rafe. Dahil kamamatay lamang ng kanyang ina, madalas niyang hinahanap ang kanyang Daddy. Dinadala siya ng Yaya niya sa opisina nito dahil kakaunti lamang ang oras ng ama sa kanya sa bahay. Sa opisina siya nito madalas na tumatambay. Naging pangalawang bahay na niya iyon. Hindi naman siya naiinip dahil marami namang reading materials at pati na rin TV roon. Ang gusto lamang niya ay madalas na makita ang kanyang Daddy kahit papaano. Wala naman problema dahil ang Daddy naman niya ang boss at mabait siyang bata.

Isang araw ay dumating ang kaibigan ng kanyang Daddy sa negosyo na si Rafaelle Navarro. Kasama nito ang anak na si Rafe. Masayang ipinakilala sila ng magulang sa isa't isa.

"When you two get old, you will marry." Anunsiyo pa ng Daddy ni Liv sa kanya at sa harap ni Rafe.

Dahil sadyang matalino kahit bata pa lamang ay alam ni Liv ang salitang marry. Kasal iyon sa tagalog at ayon sa Yaya niya, ginagawa lamang daw iyon ng lalaki at babae na nagmamahalan.

"Love niya ba ako para magpakasal kami, Daddy?"

Ginulo ng ama ni Liv ang kanyang buhok. "I know it isn't the right time for you to understand this. Pero mabuti ng mas maaga ay malaman mo na hindi lahat ng nagmamahalan ay nagpapakasalan. Puwede rin na ipagkasundo sila sa isa't isa. I know Rafe will be good for you, Baby. He will take care of you. He will take care of our business, too."

Tumingin si Liv kay Rafe. Nakangiti ito. Mukhang okay lang dito ang sinabi ng kanyang Daddy. Kung ganoon ay mukha ngang aalagaan siya nito. Mukha naman itong mabait.

Napatunayan pa ni Liv na totoo nga ang kanyang iniisip. Nang iwan sila ng ama upang mag-usap ay lumapit sa kanya si Rafe. Kinuha nito ang isang libro niya.

"You love reading fairy tales?" namilog ang mata ni Rafe. Na-amuse ito.

Tumango si Liv. "Favorite ko 'yung kuwento ni Cinderella."

Tumango-tango si Rafe. "Do you want me to read it for you? I mean, again?"

Ang laki ng naging ngiti ni Liv. "Oh, yes please!"

Kahit ilang beses na nabasa ni Liv ang kuwento, iba pa rin kapag may nagbabasa noon para sa kanya. Natutuwa siya. Noong nabubuhay at malakas pa kasi ang Mommy niya, palagi siya nitong binabasahan ng libro. Paborito rin nitong basahin sa kanya ang Cinderella.

Nakakaaliw magkuwento si Rafe. Natagpuan ni Liv ang sarili na tumatawa at iniisip na totoo nga si Cinderella at bawat babae ay may prince charming. Pinakasalan ni Cinderella ang prince charming nito kaya naniniwala siya na sa buhay niya, si Rafe ang kanyang Prince Charming.

Lumaki pa ang paniniwala ni Liv na si Rafe talaga ay isang Prince Charming sa paglipas ng mga taon. Kapag may okasyon sa kanya-kanyang pamilya ay nagkikita sila. Kapag birthday niya ay dumadalo ito sa party o kung hindi man naggawa ay sinisigurado nito na may padala itong regalo. Nakita niya ang sarili na palagi na lang nakatingin rito kapag nakikita ito. Masaya siya na kasama ito. Ramdam niya na ganoon rin naman ito sa kanya. Nang mag-eighteen years old siya ay ito rin ang naging escort niya sa debut niya. Wala naman kasi talagang nakapukaw ng atensyon niyang lalaki sa mga nakalipas na taon kundi si Rafe lamang. Pero ramdam niya na hindi iyon dahil sa kagustuhan iyon ng kanyang Daddy o ng pamilya ni Rafe. She just felt something special for Rafe.

Sino ba naman kasi ang hindi magkakagusto kay Rafe Navarro? Pampisikal pa lamang ay panalo na. Mayroon si Rafe na deep-set eyes, matangos na ilong at maganda ang hugis ng labi at mukha. Bagay na bagay rin rito ang kayumangging kutis nito na siyang nagpalalaki lalong tignan rito. Matangkad ito kaysa sa pangkaraniwang lalaki at maganda ang pangangatawan. Panalo rin pagdating sa pag-uugali si Rafe. Mabait ito sa kanya. Gentleman. Palaging ibinibida rin sa kanya ng ama ang achievements ni Rafe sa negosyo. Napakagaling at napakatalino ng lalaki.

Nineteen years old si Liv nang unang beses na yayain siya ni Rafe para sa isang real date. Dinner iyon sa isang fine-dining eat all you fancy restaurant sa loob ng isang sikat na hotel. Napakasaya niya. Mahilig kasi siyang pumunta sa mga fine-dining, lalo na sa mga ganoong klase na marami talaga na pagkain. Bilang HRM student, mahilig siyang mag-explore ng mga restaurants at makakita ng maraming masasarap at kakaibang pagkain. Pinagbibigyan naman ng kanyang ama madalas ang kanyang gusto. Mahilig kasi talaga siyang magluto. Suportado siya nito sa kahit anong gusto niya dahil kahit anak, hindi pa rin ito nagtitiwala sa kanya bilang babae para sa malaking business nito. Para rito, mahihina ang mga babae. Naka-set na rin sa utak nito na si Rafe ang hahawak ng kompanya dahil pakakasalan siya nito.

Pakiramdam ni Liv ay boyfriend na talaga niya si Rafe habang nililibot nila ang restaurant. Binigyan pa siya nito ng bulaklak. He held her like she was the most beautiful girl in the whole place. Nilibot nila ang buong restaurant na may naglalarong paru-paro sa kanyang tiyan sa kilig.

Napakaganda ng gabi hanggang sa may aminin sa kanya si Rafe.

"Aalis ako papuntang UK next week, Liv. Kukuha ako ng Masterals Degree sa Oxford University."

Nalungkot si Liv. Ibig sabihin lang ay hindi niya na makikita palagi si Rafe. Sanay naman siya na hindi sila nagkikita palagi. Madalas ay once a month lamang sila magkita pero they remain in contacts naman. Halos linggo-linggo ay tinatawagan siya nito at kinukumusta. Pero kung aalis ito ng bansa, mahihirapan sila na makipag-communicate sa isa't isa. "I-ilang taon ka roon?"

"Two years or so. Depende sa magiging standing ko."

Tumango si Liv. May magagawa ba siya? Isa pa, para kay Rafe rin naman iyon.

Tama muli ang hinala ni Liv. Dumalang nga ang communication nila ni Rafe. Isang beses sa isang buwan na lamang siya nito kung tawagan. Minsan nga ay hindi pa. Nang minsan na umuwi rin ito sa Pilipinas ay hindi pa niya ito naabutan dahil nagkaroon sila ng isang linggong immersion sa isang liblib na lugar, parte ng isang subject niya noong college. Hindi siya nakaalis para makipagkita kay Rafe. Hindi rin naman ito gumawa ng effort.

Sa huli ay natuklasan ni Liv kung bakit parang may nagbago sa pakikitungo sa kanya ni Rafe. May girlfriend na ito! Nahuli niya iyon nang i-stalk niya ang Facebook ni Rafe. May nag-tag ng picture rito na may kasamang babae at nakayakap rito. Nadurog ang puso ni Liv.

Nasaktan si Liv dahil may nararamdaman siya. Mahal na niya si Rafe. Ito lamang ang lalaking nakapagpasabik sa kanya, masaya kapag nakakasama at nakakausap. Kompleto na ang araw niya makita at marinig lamang ang boses nito.

Ang akala ni Liv ay may nararamdaman rin sa kanya ang lalaki. Kung ituring kasi siya nito ay espesyal. Pero siguro nga, ang tanging nag-uugnay lamang sa kanila ay ang kasunduan ng kanyang mga magulang noong bata pa sila. Masakit man ay inalis na niya ang pag-asa na kagaya ni Cinderella ay ikakasal rin siya sa Prince Charming niya na si Rafe. Kaya laking gulat niya nang tuparin pa rin ni Rafe ang usapan nang tuluyan ng hilingin iyon ng kanyang Daddy nang maramdaman nito na malapit na itong mawala. Gusto siyang makita ng ama na maikasal bago ito umalis sa mundo.

"Hindi mo naman kailangang gawin ito, Rafe. Alam ko na napipilitan ka lang dahil sa sitwasyon ni Daddy." Twenty three si Liv nang magkaroon ng malubhang sakit ang kanyang ama. Hiniling nito na sana ay bago ito mawala ay makita siya nitong ikinakasal kay Rafe. Halos kakauwi lamang ni Rafe noon mula sa UK. Sinubukan rin kasi na magtrabaho ni Rafe sa bansa para sa experience.

"Anong sinasabi mo? Matagal ng naka-set sa isip ko ito kaya hindi ko masasabi na napilitan talaga ako."

"P-pero 'di ba may girlfriend ka sa UK?" Hindi sigurado ni Liv dahil hindi kailanman umamin si Rafe.

Kumunot ang noo ni Rafe. "How did you know about Aria?"

"I saw someone tagged a picture of you two in Facebook. Nawala rin naman iyon pagkatapos pero---"

"It doesn't matter anymore. We will get married, Liv."

"Rafe..." Magagawa ba niyang pakasalan ang lalaking may mahal na iba?

"Nag-aalinlangan ka ba? Teka, baka may boyfriend ka kaya---"

"Ha? Wala." Paano siya magkaka-boyfriend samantalang kahit alam niyang wala na siyang pag-asa kay Rafe ay ito pa rin ang nanatili sa kanyang puso?

"Then good." Ngumiti si Rafe at hinaplos ang kanyang pisngi. "There's no need to worry, Liv. We are going to be good together. I will promise to take care of you and won't ever do anything that will hurt you. Poprotektahan kita sa abot ng makakaya ko."

Hinalikan ni Rafe ang noo ni Liv. Wala ng naggawa ang kanyang puso kundi sumuko. Pagkatapos ng lahat, may pagmamahal pa rin naman sa kasal na iyon---sa kanya nga lamang. Pero hindi na mahalaga. Nagtitiwala siya sa mga salita ni Rafe. Hindi man siya nito mahal ay hindi naman siya nito sasaktan. That just means something. Importante at espesyal rin siya rito.

Hindi na inalintana ni Liv ang pagkakaiba ng importante at espesyal sa salitang mahal basta kasama lang niya si Rafe.

Download the app now to receive the reward
Scan the QR code to download Hinovel App.