5
NAGING malaki ang epekto ng muling pagkakaharap ni Liv sa kanyang mag-ama. Hindi siya makatulog kahit komportable naman ang lagay niya sa bahay ni Therese. Kahapon, nang makarating siya sa bansa ay nag-hotel muna siya. Ngayon ay ipinatuloy na siya ng kaibigan sa bahay ng mga ito. Pero hindi niya maggawang mapakali.
"I have to leave," giit ni Liv sa kaibigan. Alas nuwebe na ng gabi. Pinipilit siya ng kaibigan na matulog lalo na nang malaman ang lagay niya.
"Liv, ipagpabukas mo na. Marami ka pa namang oras para bumawi sa kanila. Sa ngayon ay kailangan mo munang magpahinga."
Umiling si Liv. "Hindi ako mapakali. Hindi ako makakapahinga habang hindi ko sila kasama o alam man lang ang lagay nila. Tama na ang tatlong taon..." Napaiyak na si Liv. She felt so frustrated. Hindi niya maggawang tanggapin ang rejection.
Bumuntong-hininga si Therese. "Sige na nga. Ihahatid na kita sa kanila."
Inihatid nga ni Therese si Liv. Pagdating roon ay nagpaalam na siya rito. "I can manage. Gabing-gabi na. Pasensya na talaga sa abala," wika niya sa kaibigan nang gustuhin pa nito na kausapin muna si Rafe para masiguradong pakikisamahan siya ng ayos.
Humikab ang kaibigan. "Sige. Pasensya ka na rin, pagod na rin kasi talaga ako. It's been a long day. Tawagan mo na lamang ako kapag may problema, ha?"
Tumango si Liv. Pero kalahating oras ng nakaalis si Therese ay ni hindi niya mapindot ang door bell. Naduwag siya. Ganoon pa man, sinilip-silip niya ang bahay. Sarado na ang mga ilaw at hindi naman siya pansin ng guard sa gate. Tulog kasi ito nang ibaba siya ni Therese sa tapat. Nagtago pa siya ngayon sa may halamanan sa gilid ng malaking bahay.
Kaya lang, hindi yata siya gusto ng Diyos na maduwag. Nagbuhos ito ng grasya sa iba, malas para sa kanyang nasa labas. Ulan. Lumakas pa iyon. Natataranta siyang naghanap ng masisilungan nang may magsalita mula sa likod niya.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo at nagpapaulan ka?" nakakunot noo si Rafe nang magsalita. Lumukso ang puso niya, lalo na nang lumapit ito sa kanya at pinayungan siya. May ibinigay itong tuwalya sa kanya.
"Salamat." Napasunod siya rito nang maglakad ito papunta sa loob ng bahay. Pinapasok siya nito, pinaupo at tinawag ang isang katulong para magpatimpla ng kape.
"Now say," Malakas na ang kabog ng puso ni Liv sa simpleng pagtingin lamang niya kay Rafe pero ngayon ay tila binobomba na iyon sa maawtoridad nitong tono.
"P-paano mo nalaman na nasa labas ako?"
"From your good friend. Who else? Tinawagan niya ako. Inantay ko na mag-door bell ka. Ikaw ang may kailangan kaya bakit ako ang lalapit?"
Nakagat ni Liv ang ibabang labi. "I'm sorry."
Tinaasan ni Rafe ng kilay si Liv. "Sorry? Hindi iyon ang hinihingi ko mula sa 'yo. Sagutin mo ako."
Huminga nang malalim si Liv. "All right. Saan mo ako gustong magsimula?"
"Sa tanong ko, what else? Iyon lang naman ang interesado akong malaman."
"May paliwanag ako sa lahat, Rafe..."
"Paliwanag?" sarkasmong tumawa si Rafe. "Hindi na kailangan. Alam ko na ang lahat."
Nanlaki ang mata ni Liv. "A-alam mo? Paano?"
"I cared for you, Liv." Hindi nakaligtas kay Liv ang past tense na ginamit ni Rafe. "Siyempre ay mag-iimbestiga ako kung ano talaga ang nangyari kung bakit ka nawala, bakit mo kami iniwan. At hindi ko na gustong pag-usapan pa natin ang tungkol roon. That's a part I just wanted to forget."
Ganoon rin naman si Liv. Hinding-hindi na niya gustong balikan pa ang kabanata na iyon ng kanyang buhay. It was the worst of all.
"N-naiintindihan mo ba ang dahilan ng pag-alis ko, Rafe?"
Umiling ito. "Hindi kahit kailan."
Tumango-tango si Liv. Hindi man iyon ang inaasahan niyang sagot mula kay Rafe ay tinanggap pa rin niya. Inisip rin naman niya kasi ang mangyayari sa kanyang mag-ama sa pag-alis niya. Masakit iyon. Pero may isang bahagi pa rin ng isip niya na maiintindihan siya ni Rafe. Na maiisip nito na magiging masakit kung kasama siya nito at ni Scarlett pero wala siyang silbi. Alagain pa siya.
Iniwas lamang niya ang pamilya niya sa emotional pain. Hindi niya gustong pagdaanan ni Scarlett ang pinagdaanan niya sa Mommy niya noong bata pa siya. Isa pa ay wala rin na kasiguraduhan ang lahat. Ayaw niyang makita ng mga ito ang paghihirap niya. Pinangakuan lamang siya ni Rafe ng pangalan nito. Hindi siya nito mahal para maggawa niya itong sandalan sa hirap na dinanas niya sa loob ng tatlong taon na iyon.
"Okay. Ang tungkol sa tanong mo ngayon...nahiya ako. Natakot ako sa rejection. Kahit ginusto ko ay parang nawalan ako ng lakas ng loob. Kaya nagpapasalamat ako na pinapasok mo na ako. Ikaw na mismo ang nagrescue sa akin."
"Yeah. Pero 'wag mong asahan na sa mga susunod ay magiging considerate pa rin ako. Nag-alala lang ako nang sabihin sa akin ni Therese na may sakit ka raw kaya ginawa ko iyon." Tinitigan siya nang mataman ni Rafe. Pagkatapos ay umiling-iling. "Nagkamali ako ng pagkilala kay Therese. I thought she was good and fair. Pero niloko niya ako. Ang sabi niya ay may sakit ka raw kaya 'wag na kitang pahirapan."
"Hindi na sa ngayon though---"
"Still, nagsinungaling siya sa akin. Walang bakas ng kahit anong sakit sa 'yo." Umiling-iling si Rafe. "Ipapahatid kita sa driver kapag tumila-tila na ang ulan. Masyadong malakas pa ang buhos ng ulan ngayon, mahihirapan siya na mag-drive."
"H-hindi! Hindi ko gustong umalis, Rafe. Please, let me stay. Babawi ako kay Scarlett, sa 'yo..."
"We don't ask for that."
"But I want to. Please, Rafe. Bumalik na ako ngayon. Maayos na ako ngayon at---"
"Hindi ka pa rin maayos sa memorya ko! Sa memorya ng anak mong iniwan mo!" nagngitngit na naman ang ngipin ni Rafe sa galit.
Nanghina si Liv sa galit ni Rafe. Kahit naman pinagkasundo lamang sila ay maayos ang relasyon nila ng lalaki. Mabait ito sa kanya. Kahit kailan ay hindi sila nag-away. Napakaayos ng relasyon nila.
Pero ano pa ba ang inaasahan niya kung siya mismo ang sumira ng maayos na relasyon na iyon? May dahilan siya pero hindi iyon naintindihan ni Rafe. Hindi nito iyon natanggap.
"Hindi ko na kaya pang mawalay sa inyo muli ni Scarlett, Rafe. Please, pagbigyan mo na naman ako..."
Napakatagal ng tatlong taon na hinirap ni Liv sa ibang bansa. Lumaban siya para makapiling muli ang kanyang pamilya. Hindi niya gustong masayang lamang ang pinaghirapan niya.
Napaiyak na si Liv. Natagpuan rin niya ang sarili na lumuluhod ng dating asawa. Namutla ito sa ginawa niya.
"'Wag mong gawin 'yan." Pinatayo siya nito.
"'Wag mo rin na gawin ito. Alam ko na nasaktan ko kayo ni Scarlett sa pag-alis ko. Pero naririto na ako muli ngayon. Handa na akong bumawi sa mga taon na nawala ako. Please let me be part of this family again."
"'Wag mo akong gawin na tanga, Liv. Iniwan mo kami. Paano pa ako magtitiwala sa 'yo?"
"Alam ko na magiging mahirap. Hindi madali. Pero bigyan mo man lang sana ako ng chance..."
Hindi nagsalita si Rafe. Tinitigan lamang siya nito.
"Gagawin ko ang lahat makasama lamang kayo, kay Scarlett. Kahit anong paraan ay gagawin ko. Nag-aalala ako, Rafe. Naikuwento sa akin ni Therese ang lahat. Nagbago ka raw. Si Scarlett..." nalusaw ang puso niya nang maalala ang pagiging matigas at hindi kagandahan na ugali ng anak na una niyang nakita. "Naririto na ako. Gagawin ko ang lahat para mapabago siya. Bata pa siya, hindi pa huli ang lahat."
"Problema ko nga si Scarlett pero---" natigilan muli si Rafe. Umiling-iling ito at maya-maya ay napabuntong-hininga rin. "Fine, bibigyan kita ng chance. Pero ito ay dahil lang sa mahal ko ang anak ko. Bibigyan kita ng pagkakataon na makasama siya dahil ina ka pa rin niya. But it is under my terms."
Napayakap sa tuwa si Liv kay Rafe. Nabunot ang malaking tinik sa dibdib niya. Napalitan iyon ng napakasayang pakiramdam, lalo na at nagkalapit pa sila ni Rafe. Sa pagkakayakap niya ay naamoy niya pa ang minty na pabango nito na paborito niyang amuyin dati. Hindi pa naman pala talaga ito nagbabago ng tuluyan...at ganoon rin ang damdamin niya rito.
Naapektuhan pa rin si Liv kay Rafe. Naroroon pa rin ang malakas na tibok ng puso niya at nakakilabot na pakiramdam sa tuwing nahahawakan niya si Rafe. Sa lalaki lamang niya naramdaman ang ganito.
Pero hindi rin nagtagal ang saya. Kumalas si Rafe. Lumayo ito sa kanya at pinasunod siya rito. Ang bahay kung nasaan sila ngayon ay ang sa dati pa rin kaya alam niya kung saan sila papunta. Sa maid's quarter siya dinala ni Rafe, sa isang separate pero alam niyang parte pa rin ng mga kuwarto ng kasambahay.
"Wala pang isang linggo simula nang umalis ang Yaya ni Scarlett. Dahil bakante pa ang posisyon, ikaw na ang pupuno noon. Your job will start tomorrow. Seven in the morning kailangang gumising ni Scarlett. I'll expect you to do your duties by then. Good night." Iniwan na ni Rafe si Liv pagkatapos buksan ang pinto at papasukin siya sa kuwarto.
Natulala si Liv sa bilis ng mga nangyari. Magulo ang damdamin niya. Masaya siya na nagkaroon na nga siya ng pagkakataon na makasama ang kanyang pamilya. Pero hindi sa ganitong pagkakataon.
Yaya ni Scarlett. She was downgraded.
Huminga nang malalim si Liv. Okay, hindi nga ganoon kaganda at deserved naman niya sa ginawa niya sa pamilya ang mangyayari sa kanya. Isa pa, sa pagiging Yaya niya sa anak mapapalapit rin siya rito. May papel na siya sa buhay ni Scarlett. Pero hindi lang naman si Scarlett ang binalikan niya. Ganoon rin si Rafe.
Anong papel niya sa buhay ng lalaki? Hindi malinaw. Maaaring wala na siguro. Sino ba naman kasi ang lalaking babalikan pa ang isang asawa na kagaya niya samantalang hindi naman siya nito mahal?
Masasaktan si Liv sa mga susunod na mangyari. Makakasama nga niya ang kanyang pamilya pero malamig na ang mga ito sa kanya. Walang kahit sino ang nag-aalaga, kahit ang nagmamahal. Pero dapat pa nga ba siya na masaktan? Sanay na siya. Pinakasalan lamang siya ni Rafe bilang utos. Maayos nga ang relasyon nila at pinapahalagahan siya nito pero napakalaking pagkakaiba noon sa nagmamahalan na relasyon.
Kinalma ni Liv ang sarili. Wala nga ba talagang nagmamahal? Mali. Dahil siya, kahit alam niyang wala siyang mapapala ay nagmamahal. Patuloy pa rin na nagmamahal. Too bad, mananatili lamang talaga na nasa one-sided love ang pag-ibig na mararamdaman niya habang buhay.