6
NAPAKUNOT-NOO kaagad si Duke nang maggising siya. Alas siyete y medya na ng umaga. Pareho naman silang walang pasok ni Misha sa trabaho. Bilang may bisita rin sila sa bahay, inaasahan niya na maagang gigising ito. Pero sa halip, tulog na tulog pa ang kanyang asawa.
Napabuntong-hininga si Duke. Nakakahiya kay Sean. Binida pa man rin niya si Misha rito kagabi---kung ganito ito kabuti at kaasikaso na asawa. Pagkatapos ngayon ay hindi pa pala sila nito maasikaso.
Hindi na dapat palakihin na issue iyon ni Duke. May mga kasambahay siya na binabayaran para mag-asikaso sa kanila. Pero siguro ay pinapangunahan siya ng makaluma niyang bahagi. Gusto niyang asikasuhin sila ng asawa dahil iyon naman talaga ang responsibilidad nito. Sadyang mabilis uminit ang ulo niya kaya siguro nainis siya. Pero dapat ay intindihin rin niya si Misha. Pagkatapos ng lahat, napapansin niya nitong mga nakaraan ay parang palaging masama ang pakiramdam nito.
Bumangon si Duke ng kama. Hindi na niya inistorbo si Misha. Gising na si Sean. Tinutulungan ito ni Manang Perla na magtimpla ng kape.
"Good morning," magkasabay nilang bati sa isa't isa.
"Si Misha?"
"Tulog pa. Mukhang masama na naman ang pakiramdam." Humingi si Duke ng kape kay Manang Perla ng kape. Hindi niya gusto na siya ang naghahanda para sa sarili. Nagrequest na rin siya rito ng mga makakain nila ngayon na almusal.
"'Wag na, Pare. Baka umalis na rin ako." Sagot ni Sean. "Nagtext na sina Mommy. Hinahanap ako. Isa pa, hindi ko trip luto ng kasambahay mo rito. Iba talaga dating sa akin ng luto ni Misha, eh."
"Pasensya ka na, Pare---"
Itinaas ni Sean ang kamay. "Okay lang."
Hindi okay para kay Duke. Ramdam kasi niya na hindi rin nagustuhan ng kaibigan na wala si Misha. Nasira ang expectation nito. Sa tuwina kasi talaga ay si Misha ang naghahanda ng makakain nila. Iyon ang dahilan ni Sean kung bakit aliw na aliw itong dumalaw sa kanya kapag nasa Pilipinas. Umalis rin ito ng hindi pa nagigising ang asawa.
Pasado alas nuwebe na ng maggising si Misha. Hinanap nito si Sean. Malamig na tinugon niya ito.
"Why the sad expression?" naggawa pang itanong ni Misha.
"I'm disappointed at you." Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Duke. "You should be entertaining us."
"Kasalanan ko ba na masama ang pakiramdam ko?" mataray naman na sagot nito.
Tinitigan ni Duke si Misha. Bahagyang hindi siya makapaniwala sa klase ng sagot nito. Ang inaasahan niya ay isang Misha na kilala niya kapag alam na may mali---hihingi ito ng tawad. Ito na mismo ang magpapakumbaba. Pero ngayon ay sinasagot na siya nito. Wala naman silang pinag-awayan ni Misha para tratuhin na naman siya nito ng ganoon.
Napahawak si Misha sa ulo. Ngayon ay namumutla na ito. "Damn."
Napalitan ng pag-aalala ang inis ni Duke. Na-guilty rin siya. Kahapon pa nga pala masama ang pakiramdam nito. "I think you need a visit with one of your colleagues."
Doctor si Misha kaya alam naman siguro nito kung may kakaiba itong sakit. Pero palagi nitong dinadahilan na pagod lang ang napapadalas na pagsama ng pakiramdam nito. Mukhang hindi iyon ang dahilan. Sanay na si Misha sa trabaho nito para mapagod.
"Kaya ko ang sarili ko." Pagmamatigas na naman ng asawa. Dumiretso ito sa dining room. Tinignan nito ang luto ni Manang Perla.
"Bakit ganito?" reklamo ni Misha. Napangiwi ito nang makita ang lutong bacon, itlog at garlic fried rice.
"Anong bakit ganyan? Paborito mo naman 'yan, ah."
"Ayaw ko nito." Maaarteng sabi ni Misha. Nagpunta ito sa kusina. "Gusto ko ng dried pusit. Mayroon ba tayo noon?"
"Titignan ko po, Ma'am." Sagot ni Manang Perla. Naghanap ito sa stock nila ng pagkain.
Napatitig lalo si Duke sa asawa. Malaki ang kanyang pagtataka. Hindi naman maselan si Misha sa pagkain. Kahit ano nga ay kinakain nito. Ano bang nangyayari sa asawa niya?
Nag-aalala si Duke kaya habang si Misha na ang nagprisinta na magluto ng hininging dried pusit ay binantayan niya ito. Hindi pa gaanong luto ang piniprito ay pinatay na nito ang kalan.
Tinakpan ni Misha ang bibig. "Parang lalo yatang sumasama ang pakiramdam ko sa amoy."
"There's something wrong with you."
Nilapitan na ni Duke si Misha. Tama lang ang tiyempo niyang paglapit rito dahil kasabay noon ay ang pagtakas ng kulay at malay ni Misha. She fell into his arms.
Sinakop ng nakakatakot na damdamin si Duke.