2
NILARO-LARO ni Duke ang ulo ni Missy---ang kulay puting pusa na napulot ng asawang si Misha tatlong buwan na ang nakakaraan. Sabi nila, nakakawala raw ng pagod ang paglalaro sa mga hayop. Umaga pa lang naman at mali para mapagod si Duke. Pero ganoon na rin naman ang pakiramdam niya. Buong gabi silang hindi nagkikibuan ni Misha.
Hindi sanay si Duke na ganoon sila ng asawa. Sa dalawang taong relasyon nila bilang mag-asawa, bihira silang mag-away. Kung nag-aaway man sila, madali lamang nila iyon na nareresolba. Isang oras lang, magkabati na sila. Maintindihin si Misha. Napakarami nitong magagandang qualities. Pero ngayon ay nalipasan na sila ng gabi, hindi pa rin siya nito pinagsasalitaan.
Nababagabag si Duke. Mabilis na magpatawad si Misha. Pero may pakiramdam siya na mahihirapan siyang makuha ang pagpapatawad nito. O siguro, hindi talaga niya lubos pang kilala ang asawa. Dahil siya, alam niyang hindi pa rin siya nito lubos na kilala.
Kagaya ng hindi maggawa ni Misha na mabigyan siya ng anak, hindi rin niya kayang ibigay ang kagustuhan nito na mag-ampon. Hindi niya gusto...
"Why the sudden decision, Babe?" sumama na kaagad ang timplada ni Duke sa pasabog ng asawa. Gusto na daw nitong magkaanak! What the hell?
"Dalawang taon na tayong kasal, Duke. Sa tingin ko ay hindi na ito mabilisang desisyon. Ito ang natatamang gawin."
Umiling si Duke. "Alam mo na hindi ka maaaring magkaanak."
Infertile si Misha. Na-diagnose ito na may hormone imbalance noong teenager pa lamang ito. Pero hindi iyon problema kay Duke. Pabor pa iyon sa kanya.
Dapat ay pumabor rin kay Misha ang kondisyon nito. Sadyang may lahi ang pamilya nito na hirap sa pagbubuntis. Namatay ang ina nito sa hirap sa pagbubuntis at panganganak rito. Ganoon rin ang Lola ni Misha. Hindi na gusto ng pamilya na maulit ang tila sumpa sa pamilya kaya iniiwasan na magbuntis si Misha. Alam niyang ikinatuwa rin ng ama nito ang tungkol sa kalagayan ng anak. Nag-iisang anak si Misha. Hindi na kasi nag-asawa ang ama nito pagkatapos.
Hindi gusto ng ama ni Misha na mawala ang natatanging babae sa buhay nito kung sakaling maggaya rin ito sa ina. Mahal na mahal nito ang anak.
"And that hurts." Makikita nga ang sakit sa mata ng asawa. Sandaling natigilan si Duke. Nasaktan rin siya na nakikitang nasasaktan si Misha. It made him weak.
Kilala si Duke bilang matapang at walang kinakatakutan na lalaki. Kailangan niya ang mga attributes na iyon para maging magaling at matagumpay na business man. Pero siguro nga ay lahat ng mga tao ay may kahinaan rin. Misha was his weakness. She was his Achilles Heels. Sa tuwing nasasaktan ito ay nasasaktan rin siya. Nanghihina siya. Hindi niya gustong nasasaktan ang asawa.
Pero may magagawa ba si Duke? Nature na ang gumawa ng paraan para hindi rin mangyari ang kinatatakutan niya.
Niyakap ni Duke si Misha. "It's all right, Babe. Masaya naman tayong dalawa, ah? We're a family. Us and our adopted cats..."
Umiling si Misha. Kumawala ito sa yakap niya. "Hindi lang pusa ang gusto ko, Duke. I also wanted to have a child. Iyong tao talaga na aalagaan natin at mag-aalaga rin sa atin kapag tumanda na tayo. Subukan natin na mag-ampon ng bata."
Namutla si Duke. "M-mahirap iyon."
Hinawakan ni Misha ang pisngi ni Duke. "Kaya natin iyon. Alam mo na mahilig ako sa mga bata---"
"I don't like kids." Tinatagan ni Duke ang boses.
"You've learned how to love cats. Matutunan mo rin na magustuhan ang mga bata."
"No!" tumayo na si Duke sa winebar. Gusto na niyang tapusin ang usapan. Maraming masasamang pangyayari ang pumapasok sa isip niya kapag napapag-usapan ang anak.
"Duke..."
"Napakalaking responsibilidad na magkaroon ng anak, Misha."
"Handa na ako roon."
"Puwes, ako ay hindi." Hindi na napigilan ni Duke na sabihin.
"Kung ganoon, sabihin mo sa akin kung bakit."
Natigilan si Duke. Kung mayroon man nag-iisa siyang tao na pinagkakatiwalaan, si Misha na iyon. Nararapat lang naman iyon. Asawa niya ito. Pero may mga pag-aalinlangan siya. Hindi na niya gustong ibalik pa ang masakit na nakaraan. O siguro, hindi pa rin talaga niya lubos na pinagkakatiwalaan ito.
"S-sapat na ang dahilan na malaking responsibilidad nga iyon. Napakalaki ng pinagkaiba noon sa pag-aalaga ng mga pusa!"
"Matatanda na tayo. I'm thirty and you're thirty five. Tama ba na matakot tayo sa responsibilidad? Ikaw nga ay nagagawang mamahala ng multi-million company. Mas malaking responsibilidad iyon. And I'm here, Duke. You know I am good with kids----"
"No, no, no!" halos sumigaw na si Duke. "Hindi pa rin ako papayag na mag-ampon!"
Nagdilim ang mukha ni Misha. Umalis na ito sa winebar at inilayo ang sarili sa kanya nang matulog sila sa kanilang malaking kama.
Alam ni Duke na may mali rin siya. Hindi siya maiintindihan ni Misha habang hindi niya lubos na ipinapaliwanag ang saloobin niya. Ganoon pa man, pilit na iniiwasan niyang gawin iyon. Kung ang pagtitiis ng panlalamig ni Misha ang consequence, titiisin rin niya huwag lang siyang mapilit ni Misha na sabihin iyon. Hindi na niya gustong buksan ang lihim ng kanyang nakaraan. Matagal na panahon na niyang nilimot iyon. Wala na rin siyang balak na ibalik.
Limang minuto rin na nakipaglaro si Duke kay Missy nang bumaba si Misha. Iyon rin ang dahilan kung bakit nilaro niya ang pusa. Kailangan niya ng paglilibangan habang inaantay na bumaba ang asawa. Papasok na siya sa trabaho at gusto naman niyang maabutan na gising ito.
Walang kaayos-ayos ang bagong gising na si Misha. Pero kahit ganoon, nanatili pa rin itong maganda. He had always loved all her physical features---straight hair, brown eyes, pointed nose and thin sexy lips. Paborito rin niya ang ngiti at biloy sa pisngi nito kapag ginagawa iyon. Pero mukhang sa lagay nila ngayon, malabong makuha niya iyon.
Ramdam ni Duke na sinadya ni Misha na magpahuli ng gising. Hindi ito natural na ganoon. Mas maaga itong nagigising sa kanya sa kabila ng mas nauuna siyang pumasok para sa trabaho. Madalas kasi ay tanghali ang duty nito sa ospital. Pero sinisikap nito na gumising ng maaga para magampanan nito ang mga responsibilidad sa kanya. Ito ang nagluluto ng almusal at nag-aasikaso sa kanya. Misha had always been the good wife. Maliban ngayon...
Tinaasan siya ng kilay ni Misha. Tumingin ito sa orasan. Wala itong binitawan na salita pero naintindihan na naman niya ang ibig sabihin nito.
"Gusto kitang makita bago ako pumasok sa trabaho. Good morning," bati ni Duke sa asawa. Nginitian niya pa ito.
Tumango lang ito at naglakad na papunta sa dining room. Nawala ang ngiti ni Duke. Napatiim-bagang si Duke. Mukhang balak magmatigas ng asawa. Hindi siya sanay sa ganoong ugali nito.
Mukhang magiging mahirap ang susunod na araw para kay Duke. Pero kahit ano pa man, ipinapangako niya na hindi niya hahayaan na dumating ang araw na kinatatakutan.