3
"HINDI ko kailangan ang pag-iinarte mo sa mga oras na ito, Misha."
May inis na sa boses ni Duke nang tawagan siya. Pasado alas kuwatro na ng hapon. Kanina pa naman tapos ang duty niya sa ospital pero hindi niya pa gustong umuwi. Nakatambay siya sa sariling clinic sa ospital at naghihintay ng oras. Tama naman si Duke. Isa lang ang dahilan niya kung bakit siya nagpapalipas ng oras roon. Nag-iinarte siya.
"Hindi mo rin naman ako kailangan sa party." Malamig naman na tugon ni Misha. Isang linggo na niyang kibuin ang asawa. Masama pa rin ang loob niya rito.
"You are my wife. You are entitled to be in my arms. Damn, Misha! Tigilan na natin ang away na ito."
"No." Matigas pa rin na sabi ni Misha. Kung alam lang ni Duke na araw-araw ay iniiyakan niya ang hindi nito pagtupad sa kagustuhan niya. Nasasaktan talaga siya. Pakiramdam tuloy niya ay isa siyang spoiled na bata.
Masasabi ni Misha na spoiled siya kay Duke. May pagkamainitin ang ulo nito pero naiintindihan naman niya. Mabigat ang responsibilidad nito sa trabaho. Madalas ay nape-pressure ito at pagod. Nagiging dahilan ang dalawa sa ugali nito. Pero sa kabila ng lahat ay hindi rin niya iyon binibigyan ng pagpapahalaga. Lahat naman kasi ay ibinibigay sa kanya ng asawa. Kaya ginagawa rin niya ang lahat para maging maayos ang relasyon nila.
Pero dahil siguro sa spoiled sa asawa, ngayong hindi siya nito mapagbigyan ay nagtatampo siya. Masyado nga lang na tumatagal ang pagtatampo na iyon. Mahirap rin naman para kay Misha ang pagtatampo. Nami-miss niya si Duke. Pero wala na siyang maisip na paraan para mapilit ito. Iniisip niya na sa pamamagitan ng pagtatampo niya ay mapapasunod rin niya ito. Hindi siya matitiis ni Duke. Marami ang nagsasabi na siya raw ang kahinaan ng matapang niyang asawa. Pero matigas rin ito kagaya niya.
"Everybody is expecting us on the charity ball, Misha. It's a yearly event. Expected ng mga tao na kagaya ng dati, sabay tayong dadalo. I'm almost ready. Ikaw na lang ang kulang."
Alas siyete ang charity ball. Tama ang lahat ng mga sinabi ni Duke. Scheduled na rin naman ang ball sa kanya. Pero dahil naiinis siya sa asawa, hindi niya gustong sumama. Hindi siya sanay na makipag-plastic-an. Panigurado kasing tatanungin ng mga kakilala kung kumusta siya, sila ni Duke.
"Let the tongues wag," balewalang sabi ni Misha. Gusto rin naman niya na pumunta sa charity ball. It was one of the prestigious charity ball in the country. Advocacy ni Duke pati na rin ng kanyang Daddy na pumunta roon at mag-donate.
"Last warning, Misha. Kapag hindi ka pa umuwi para mag-ayos ay ako na mismo ang pupunta diyan sa ospital para palabasin ka."
Napabuntong-hininga si Misha. Bihirang magbiro si Duke. Seryosong-seryoso rin ang boses nito. Makakaya nitong gawin ang pagbabanta. Sa puntong iyon, alam ni Misha na talo na siya. Hindi rin naman niya gustong magkaroon ng eskandalo. Gusto lang niyang iparamdam sa asawa na inis siya.
Umuwi na si Misha ng bahay. As usual, naihanda na ni Duke ang mga damit at gagamitin niyang accessories. Madalas na pinapabili nito ang sekretarya ng mga damit na gagamitin niya kapag may mga ganoong prestigious event. Pabor naman iyon sa kanya. Wala kasi siyang fashion sense. Pero sadya yata siyang pinagbago ng pagtatampo kay Duke. Nagiging sensitive siya. Unang beses na hindi niya nagustuhan ang binili ng sekretarya nito. Ayaw niya ng kulay.
Isinantinig ni Misha ang reklamo sa asawa.
"I was the one who picked the dress."
Dapat ay ma-touch si Misha roon. Hindi mahilig mag-shopping si Duke. Pero ito pa pala mismo ang nag-abala para sa susuotin niya. "Bakit pula?"
Nagkibit-balikat si Duke. "I just want to see you in red."
Napapalatak si Misha. "Red is the color of love. I preferred to wear black. Kagaya ng nararamdaman ko sa 'yo."
Tumiim ang bagang ni Duke. "Misha..."
Umingos si Misha. Wala na rin naman siyang magagawa kung mag-iinarte siya. Paniguradong pagtatalunan rin nila ni Duke kung ipipilit niya na ang lumang dress na lamang niya ang kanyang isusuot. Malamang ay mahuhuli sila sa party. Hindi naman niya gusto iyon. Kailangan pa rin kasi niyang mag-ayos.
Pasado alas sais ay handa na si Misha. Nakatingin siya sa salamin at napangiti rin naman siya. She looked so sexy in that red dress. Bumagay rin ang make-up na ginawa niya sa sarili pati na rin ang mga partner accessories na binili ni Duke. Nasa mata rin ng asawa ang paghanga nang makita siya.
Naging maganda ang ngiti ni Duke. "Alam ko na babagay ang dress na 'yan sa 'yo. You look gorgeous more than ever."
Kinilig si Misha sa compliment. Pero hindi niya ipinahalata. Hindi pa rin niya gustong makipagbati kay Duke. Pinili niya na hindi magsalita. Tahimik na nagbiyahe sila papunta sa event. Ganoon pa man, alam niya na hindi niya puwedeng balewalain si Duke kapag naroroon na sila. Anong iisipin ng mga tao kapag nakita silang dalawa ni Duke na hindi nagkikibuan kagaya ng sitwasyon nila sa loob ng isang linggo? Magiging usapan iyon. Iniiwasan nila ang eskandalo. Malaking event ang pupuntahan nila ngayon. Maaaring maraming makapansin sa pagtatampuhan nila.
"Mrs. Misha Jacques, you are really beautiful as ever!" puri ng isang kilalang news writer kay Misha nang makita siya. "How's life?"
"Good." Maikling sagot ni Misha. Hindi siya sanay sa limelight. Hindi naman siya artista. Pero kapag kasama niya si Duke, parang ganoon ang buhay. Isa kasing kilalang tao ang asawa.
"How's the relationship with one of the best hotelier in the country?"
Pinigilan ni Misha na sumama ang timplada ng mukha. "Good," sagot muli niya sa mas mahinang boses.
Mas hinigpitan ni Duke ang pagkakahawak sa baywang niya. Ngumiti ito nang malaki. "Very good. We're happy as always,"
Showbiz. Gustong mapangiwi ni Misha. Hinayaan na lang niya na si Duke ang sumagot. Pagkatapos ng lahat, sa kanilang dalawa ay ito naman ang mas may inaalagaan na reputasyon.
Pero sadyang nahihirapan si Misha na maging plastic. Isang oras pa lang ay gigil na siyang tapusin ang gabing iyon. Naiinis siya sa mga pagsagot ni Duke ng mga tanong sa kanilang dalawa. Wala raw silang problema. Palagi raw silang masaya. Hindi ganoon ang nararamdaman niya. May kulang sa relasyon nila. Pero hindi iyon gustong bigyan ng halaga at pansin ng asawa.
Nang hindi na makatiis, nag-excuse si Misha kay Duke. Humiwalay siya rito. Nagpunta siya sa table kung saan nag-o-offer ng mga cocktail drinks. Nakasabay niya roon si Chloe Arevalo, ang asawa ng sikat na restaurateur na si Garrett Arevalo. Kaibigan nila ni Duke ang mag-asawa. Hindi miminsan na nagkita sila sa iba't ibang event bilang miyembro ng alta-sosyalidad.
"Hey," bati ni Misha sa babae.
"Hi," sagot ni Chloe saka kimi na ngumiti. Parang wala na ang dating Chloe na kilala niya---may malawak na ngiti at palaging welcoming sa tao. Sa tingin ni Misha ay may pinagdaraanan ito.
"Where's Garrett? Bakit ka mag-isa?"
Nagkibit-balikat si Chloe. "Gusto ko lang. Nakakapagod rin na maging trophy wife, Misha."
Kumunot ang noo ni Misha. "Anong sinasabi mo?"
Umiling-iling si Chloe. Ininom nito ang alak na hawak. "Hindi mo maiintindihan."
Nilapitan niya ang babae. "Kung may pinagdadaanan ka, puwede mong sabihin sa akin."
Tinitigan ni Chloe si Misha. Parang maiiyak ito. "Sawang-sawa na ako sa buhay ko. I hate being used. I hate being a symbol. I hate this life..."
"Chloe..."
Hindi gaanong maintindihan ni Misha ang sinasabi ni Chloe. Pero ramdam niya na problema rin iyon sa relasyon nito at ng asawa. Nagsasawa na ba ito sa isyu na ibinabato rito at sa asawa? Malaki kasi ang agwat ng edad ng dalawa. Garrett was already thirty five years old when he married Chloe. Twenty years old lang noon ang babae. Pero para kay Misha ay hindi naman iyon mahalaga. They looked good together. Baka naman kagaya rin nila ni Duke ay may pinagdadaanan ito at ang asawa.
Pagak na tumawa si Chloe. "Bakit kailangan ko na maging ganito, Misha? Mahalaga lang ako kapag may kasiyahan. Mahalaga lang ako kapag may pangangailangan. Bakit hindi ko maramdaman ang pagpapahalaga na gusto? Bakit hindi ako puwedeng mahalin?"
Naguguluhan pa rin si Misha. Kailangan niyang tanungin ang babae para malinawan. Pero hindi ito ang tamang lugar. Makakaagaw sila ng atensyon. Akmang hahawakan na niya ang kamay nito para yayain sa ibang lugar para mag-usap nang dumating si Garrett. Madilim ang mukha na kinuha nito ang asawa. Wala na siyang naggawa.
Napaisip si Misha. Mukhang mabigat ang pinagdadaanan ni Chloe kaysa sa kanya. Masuwerte pa rin siya kung maituturing. Nagkakaroon man sila ng pagkakatampuhan nila ni Duke ngayon ay hindi naman iyon ganoon kalalim kagaya ng kay Chloe.
Ganoon pa man, aminado si Misha na may mga oras na nararamdaman rin niya ang mga pakiramdam ni Chloe sa asawa. Mahalaga lamang siya kapag may kailangan. Kagaya ngayon. Kibuin dili rin naman siya ni Duke nitong mga nakaraang araw. Hindi ito humingi ng sorry sa naging pagtatalo nila. Ngayon lang siya nito kinausap nang matagal dahil kailangan siya nito sa party. Pero gusto niyang intindihin ang parte na iyon. Sadyang ganoon naman talaga ang nature ng tao. Pero sa huling binitawang tanong ni Chloe ay bahagyang nanlamig siya.
Mahal. Kailan ba narinig ni Misha ang salitang iyon kay Duke? Hindi kailanman. Minsan ay ipinagtataka niya kung bakit. Minsan na rin niyang naitanong kay Duke kung bakit hindi ito nagsasabi ng ganoon. Tinawanan lang siya nito. Hindi pa raw ba sapat ang mga kilos nito sa kanya? Pinapahalagahan siya nito. Iyon raw ang pinakaimportante sa relasyon.
Hindi na rin naman binigyang issue ni Misha iyon. Love is just a word. Halos pareho lang rin iyon ng salitang mahalaga. Masaya rin sila sa relasyon nila. Bakit niya pa iintindihin iyon? Pero ngayon ay masyado na yata talagang magulo ang isip niya. Ginulo siya noon.
Maya-maya ay nilapitan ni Duke si Misha. Oras na ng sayawan. Niyaya siya nitong isayaw. Pero gaano pa man kalapit ang katawan nila sa isa't isa ay hindi niyon mabura ang gulo sa damdamin.
"Kailan ba tayo magbabati, Babe?" may sakit sa tinig na bulong ni Duke kay Misha.
"You are not even saying sorry."
"Because I am really not. Buo na ang desisyon ko. Hindi ko gustong pumayag sa gusto mo."
"This is my dream, Duke. Intindihin mo ako."
"Naiintindihan ko. Pero gusto kong intindihin mo rin na hindi ko gustong pumayag sa gusto mo."
Nagsisimula na naman silang mag-away. Mahina man ang tinig nila pero hindi pa rin matapos-tapos ang kanilang pinagtatalunan. Walang gustong magpatalo. Nainis si Misha. Kumawala siya sa bisig ni Duke. Umalis siya ng dance floor at lumabas ng hotel na siyang lugar na pinagdadausan ng event. Napunta siya sa isang walang tao na lugar. Kabisado niya ang lugar dahil hotel isa iyon sa pagmamay-ari ng kanyang ama noon na ngayon ay pinamamahalaan na ni Duke. Sinundan siya ni Duke.
"Misha, tapusin na natin ang pagtatampuhan na ito. Tanggapin mo ng hindi talaga ako papayag sa gusto mo na magkaanak o mag-ampon." Nilapitan siya nito at hinawakan ang kamay. "We are happy together. Please say that it is enough for you."
Gusto niyang isipin na masaya nga sila. Pero hanggang kailan? Paano na ang hinaharap nila ni Duke? Kapag tumanda na sila, walang mag-aalaga sa kanila. Pero hindi naman talaga iyon ang punto. Gusto niyang maranasan na maging ina. Hindi niya gustong makiamot lang ng anak sa iba kagaya ng ginagawa niya sa mga pasyente niya. She wanted to have her own one, adopted or not.
Humalukipkip si Misha. Naisip rin niya ang nangyari kay Chloe. Paano kung kagaya lang siya ni Chloe? Isang simbolo lang rin para kay Duke. "Hindi mo ako mahal."
Nalukot ang mukha ni Duke. "Ano ba namang klaseng pahayag 'yan? Hindi ito ang usapan natin---"
"Kung mahal mo talaga ako, papayag ka sa gusto ko. Para sa pagsasama rin naman natin ito."
Nahilamos ni Duke ang kamay sa mukha. "This is ridiculous. You are acting immaturely!"
Siguro nga. Pero masyado ng nagulo si Misha ng sitwasyon. Nasasaktan na rin siya. Hindi niya gustong tanggapin ang lahat. Pakiramdam niya ay nawawala na siya sa kanyang sarili sa pag-iisip kung bakit hindi puwede. Hindi naman kasi siya sinasagot ni Duke. Palaging sinasabi lang nito ay hindi nito kaya ang responsibilidad.
"Accept our situation. Hindi na tayo magkakaanak!" tumataas na ang boses ni Duke. Mabuti na lang at walang tao.
"May mga paraan, hindi mo lang gusto na makipag-cooperate. Makakapag-adjust ka rin naman, eh. Tutulungan kita."
Bumuntong-hininga si Duke. "Hindi mo ako naiintindihan."
"Hindi ko na rin alam ang dapat kong paniwalaan at maramdaman..." naglihis ng tingin si Misha.
Kinuha ni Duke ang mukha niya. He cupped her face. "Naguguluhan ka dahil marami kang iniisip at hindi matanggap. But the thing is that you should only believe and feel one thing..."
Magtatanong pa sana si Misha pero ibinaba na ni Duke ang mukha sa mukha niya. His lips crashed into hers....
Pakiramdam ni Misha ay mas lalo pa siyang nawala sa kanyang sarili.