6
"CHARITY, hindi ko akalaing magagawa mo ito sa akin," puno ng hinanakit na sabi sa kanya ni Angelo nang magkita sila sa isang restaurant kinabukasan. Siya naman ay kulang na lang ay ilublob na rin ang mukha sa iced tea na iniinom niya dahil yukong-yuko ang reaksyon niya habang kausap ito. Sa totoo lang ay takot na takot siyang pakiharapan ito pagkatapos ng nangyari kahapon. Pero dahil pinayuhan siya ni Cash na mainam na sabihan na lang niya dito ang lahat, tinanggap na niya ang paanyaya ni Angelo na magkita sila.
Pero kahit ganoon, pakiramdam niya ay hindi pa rin siya handa na kausapin ito. Lalo na nang kahit hindi pa siya nakaka-isang sulyap dito ay ramdam na niya ang galit nito. Hindi niya inaasahan ang lahat ng mga nangyari pero kailangan niyang pakiharapan iyon.
Halos umiyak siya sa harap ni Cash kagabi dahil sa nangyari. Hindi man siya kinalmot ni Chelsea o binulyawan ng ama nito, pakiramdam niya ay mas masakit pa iyon dahil nahuli sila ng press. Hindi naman nagkagulo dahil nagalit agad ang ama ni Chelsea at kinaladkad ito paalis ng restaurant dahil sa kahihiyang nakuha nito sa pagkakaalam na may asawa na pala ang lalaking gusto nitong ipakasal sa anak nito. Pero para sa kanya, mas masama sa gulo ang inabot niya dahil nakuhanan at na-video-han sila ng press at ngayon ay alam na ng buong Pilipinas ang nangyari. At sa kasamaang palad, umabot rin iyon sa tainga at nabasa ni Angelo ang tungkol sa article.
Alam niya, kahit gustuhin man niya na mag-deny si Cash ng tungkol sa issue na iyon, hindi pa rin siya makakatanggi. Siyempre, kung sakaling mag-deny ito, edi hindi naniwala ang ama ni Chelsea at ang babae mismo na mag-asawa nga sila.
Hindi niya in-expect na mangyayari iyon sa kanya. Noon naman, kapag magkasama sila ni Cash ay hindi sila napapansin ng mga press. Sa mga public places pa nga sila nagpupunta pero wala namang nagbibigay ng blind item sa kanila. Pero ngayon niya lang nalaman na madalas pala na sa mga mamahaling restaurant tumatambay ang mga ito. At sa kinamalas-malasan pa ay sa oras na inanunsiyo pa ni Cash ang pinakatatago nilang lihim. Kung bakit ba naman kasi hindi man artita, sikat na personality at habulin pa ng press ang naging asawa niya.
"I'm so sorry, Angelo. Hindi ko naman talaga gusto sanang itago sa 'yo pero sikreto kasi naman ito ni Cash noon..." sa wakas ay paliwanag na niya.
"At ano? Ililihim mo rin bang sikreto ang lahat ng iyon sa akin habang buhay? God, Charity! Mukha akong tanga! Pinagmamalaki ko nga noon sa pamilya ko na ako ang first boyfriend mo tapos malalaman ko ngayong may asawa ka na?"
"Asawa ko siya pero sa kontrata lang. At maghihiwalay na kami."
"Maghihiwalay? Eh bakit magkasama kayo kagabi?"
"Kinailangan niya lang ako dahil nagkaroon siya ng problema sa isa sa mga naging babae niya. Pagkatapos ng pabor na iyon ay magdi-divorce na kami sa Vegas,"
Marahas na bumuntong-hininga ito. "Gulong-gulo na ako, Charity. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Kagabi halos pagtawanan ako ng mga nakilala sa ating dalawa---"
"I'm sorry. I'm so sorry. I promise you, aayusin ko ang lahat ng ito. Mahalaga ka sa akin, Angelo. Kaya nga inaasikaso ko na ang pakikipag-divorce kay Cash para maka-oo na ako sa kagustuhan mong magpakasal."
"Mahalaga pero hindi mahal? Dahil kung mahal mo talaga ako, sana in the first place, bago mo pa ako sagutin ay ginawa mo na sana ang bagay na iyon,"
"Y-you know that---" bumuntong-hininga siya. "M-mahal kita, Angelo."
Bumuntong-hininga muli ito. Saka hinawakan ang kamay niya. "Anyway, huwag na lang nating pag-usapan ang tungkol dito sa ngayon. Nagkamali ako ng tangkain kitang kausapin ngayon. Masyado akong nadala sa damdamin ko at sa tingin ko ay hindi ka pa rin handa kaya sa tingin ko ay hindi pa ito ang tamang oras para mag-usap tayo. Parang hindi ko yata kakayanin kung sasabihin mo sa akin ang lahat-lahat. Saka na muli tayo mag-usap kapag naayos mo na ang lahat,"
"Angelo..."
Kiming ngumiti ito. "Don't worry, Charity. Hindi ako makikipag-break sa 'yo. Gusto ko lang maayos mo ang lahat ng gulong ito at mga self-issues mo. Pagkatapos noon ay saka na lang muli tayo mag-usap,"
Wala na siyang naggawa pa kundi ang tumango dito at hinayaan na lang itong umalis.