Library
English
Chapters
Settings

5

GABI KINABUKASAN ay sinundo ni Cash si Charity sa bahay ng mga ito. Pormang-porma ito sa suot nitong white polo na pinatungan ng black coat. Nakaayos din paitaas ang buhok nito na masasabi niyang mas nagpaguwapo sa dating guwapo ng anyo nito. Pero kahit ganoon, pinili niyang huwag pansinin pa ang ilang mga magagandang makikita ngayong gabi. Eh ano naman kung guwapo at alam niyang pagkakaguluhan na naman ng mga tao ito? As if namang maapektuhan siya. Maari ngang guwapo ito pero playboy pa rin ito. Hindi niya gusto ang tipo nito. Kaya lang naman siya sumama ngayong gabi dito upang patunayan sa Tatay ng naghahabol na babae nito na may asawa na talaga ito.

Ayon sa kuwento sa kanya ni Cash, mukha daw sinadya ni Chelsea---ang babaeng naka-fling at naghahabol dito---na makita sila ng ama nito na nasa aktong may ginagawang milagro. Isang general ang ama ni Chelsea at kung sakaling hindi raw papanagutan ni Cash si Chelsea ay malalagot ito nang husto dito. Dahil kahit wagas ang pagkababaero ay may takot rin naman si Cash, kailangan nitong gumawa ng paraan para hindi ito maparusahan sa kalokohang nagawa nito. Ang akala daw kasi nito ay si Chelsea ang babaeng fling lang din ang gusto kagaya nito. Pero di kalaunan ay naging obsessed ito kay Cash at gumawa ng paraan para hindi na nito mapakawalan ang lalaki.

Hindi napansin ni Cash ang obsession na iyon ng babae kaya naman nasuot ito sa problemang iyon. Masaya lang naman daw itong makaulayaw si Chelsea sa kama pero hanggang doon na lang daw iyon. Wala daw itong ni katiting na future na nakikita sa babae kaya hindi ito papayag na matali dito. Kaya naman kailangan siya nito para ma-get-rid sa buhay nito ang Chelsea na iyon. Kapag daw kasi nalaman ng ama ni Chelsea na may asawa na ito, malaki ang pag-asa ni Cash na kay Chelsea ito magagalit dahil pumatol ito sa may asawa na.

Kahit alam nitong kung pagpipilitan ito ng ama ni Chelsea na ipakasal dito, magiging void rin iyon dahil nga kasal pa rin naman sila. Pero kahit ganoon, naisip nitong baka mas lalo pang magkagulo kung sakaling ganoon ang mangyayari. Mas masama nga namang tignan kung magpapakasal ito kahit alam nitong wala rin namang iyon bisa. Mas maigi na raw na aminin at ipakita nito sa ama ni Chelsea ang lahat. Baka daw kasi kapag nagkaganoon ay mas malaki pang parusa ang makuha nito dahil sobra-sobrang panloloko na daw ang nagawa nito.

At ngayon nga ang araw na ipapakita nito sa ama ni Chelsea kung ano ang tunay na estado nito sa buhay. Isinama siya nito sa isang dinner date na inihanda ni Chelsea para dito at sa ama nito. Sa isang pormal at prestigious restaurant daw iyon sinabihan siya nito na magsuot ng maganda dahil sa party na iyon. May alam rin naman siya sa fashion at may mga damit rin naman siyang bagay sa mga pangmayamang okasyon dahil madalas ay nakaka-attend siya noon dahil kinukuha siya ng iba't ibang catering services para sa floral arrangements at nagiging guest rin siya. Pero sa lagay niya ngayon, mukhang hindi elegante at maganda sa kanya ang damit niya dahil sa paraan ng pagkakatingin sa kanya ni Cash. Pakiramdam niya ay naka-two piece bikini suit siya sa maling lugar at maraming manyak na nakapaligid sa kanya. Paano ba naman kasi ay parang lalamunin na siya ng buo ni Cash kung makatingin ito sa kanya.

Sa tantiya naman niya ay disente ang suot niyang red halter dress na umaabot sa kalahati ng hita niya ang haba. Sabi nga ng Mommy niya, daig pa raw niya ang ilan sa mga artistang a-attend ng premiere night ng pelikula ng mga ito dahil sa kasosyalan ng suot at ayos niya. Parang pinaghandaan daw talaga niya ang araw na iyon. Parang nagpapaganda daw siya kay Cash. Hindi lingid sa kaalaman nito ang kasunduan nila ng lalaki pero wala naman talaga dapat siyang balak na sabihin dito ang lahat. Naging makulit lamang ito at nagtanong kung saan niya nakuha ang perang ginamit niya para maipagamot ito, inamin na rin niya dito. Sa una ay natakot ito dahil kalayaan niya ang kapalit pero nang makita naman nitong hindi naman siya ginugulo ni Cash ay natanggap na rin nito ang lahat. Nakilala na rin nito si Cash at sabi nito ay mukhang okay naman daw ito at sa huli ay nagustuhan rin naman nito ang lalaki.

Pero dahil sa nakakainis na pagtingin ni Cash sa kanya ngayon, pakiramdam niya ay isa siyang babaeng nangungustomer sa may kanto. Ilang na ilang tuloy siya.

"Y-you look stunning," bati pa nito sa kanya pero parang kulang na lang ay hipuan siya nito base sa pagkakatitig nito sa legs niya. Manyak talaga ang tingin niya dito.

Inirapan niya ito. "At pang ilan na kaya akong babaeng sinabihan mo ng ganyan?"

Ngumisi ito. "Trust me, Babe, ikaw pa lang,"

"Siguro nga. Ngayong araw?"

"Hindi. Sa buong lifetime ko, ngayon lang ako nagsabi ng ganyang compliment sa babae 'no,"

"Uulitin ko, lokohin mo ang Tatay at kapatid mong babaero,"

"Alam mo kung bakit? Dahil wala ng compli-compliment sa akin kapag maganda ang babae, sisipulan o di kaya ay hahawakan ko na agad ang legs kung ganyan kaganda! Pero dahil alam kong kapag ginawa ko 'yun sa 'yo, dadating ako sa restaurant ng may black eye. Kaya hanggang tingin na lang,"

"Manyak ka talaga!" nangigil na sabi niya.

Tumawa lang ito saka may kinuha sa kotse nito. Nagulat pa siya nang makitang may dala itong chocolate. "Para sa 'yo,"

Kumunot ang noo nito. "Bakit?"

"Masama na bang bigyan ng chocolate ang asawa at date ko ngayong gabi?"

"Nagpapanggap lang tayo kaya hindi mo na ako kailangang bigyan ng ganyan,"

"Gusto ko, eh. Isipin mo na lang monthsary natin kaya binigyan kita. Minsan lang naman. Hindi naman ako maghihirap dito," sabi nito at pilit na inabot sa kanya ang chocolate. Kinuha na naman niya iyon.. Hindi naman ito ang unang beses na binigyan siya nito nang ganoon. Tuwing "monthsary" ng kasal nila at Valentines Day ay pinupuntahan siya nito at dinadalhan ng ganoon. Nakakatuwang isipin na kahit marriage for convenience lang ang nangyari sa kanila, binibigyan pa rin siyang halaga nito. Madalas ay tinatarayan niya nga lamang ito kapag dinadalaw ito pero pumupunta at binibisita pa rin siya nito. Doon niya masasabi na kahit sukdulan ang pagiging babaero nito, may puso rin naman ito kahit papaano.

Nanahimik na lamang siya habang panaka-nakang tumitingin dito habang nagda-drive. Panaka-naka lamang siyang tumitingin dahil alam niyang kapag tinitigan niya ito ay lalaki na naman ang ulo nito. Minsan kasing aksidenteng napatitig siya dito ay niyabangan siya nitong may gusto siya dito. Simula noon ay iniwasan na niya iyon dahil ayaw niyang iniinis siya nito nang ganoon.

Pero kahit panaka-naka at pasimple lamang ang pagtingin niya kay Cash, hindi niya maiwasang makita pa rin ang kaguwapuhang taglay nito. Ayaw na niyang pansinin iyon pero hindi niya pa rin maiwasang mapansin. Maganda ang mga mata nito na base sa nabasa niyang magazines ay minana nito sa ina nitong Iranian. Kakaiba iyon dahil kulay abo iyon. Matangos din ang ilong nito at maganda rin ang hugis ng labi nito. May mga oras nga na kapag naalala niya o napapatingin siya doon ay naiisip niya kung totoo kaya ang mga nababasa rin niya sa magazines na 'good kisser' daw si Cash. Pero kapag naiisip naman niya iyon ay parang gusto na niyang batukan palagi ang sarili niya. Para siyang may pagnanasa sa sarili niyang asawa!

Pero masisi mo ba ang sarili mo? Mukha naman kasi talagang kissable ang lips ni Cash...

Kahit kasal sila ni Cash, hindi pa nito nagagawang halikan siya. Well, nang ikasal naman kasi sila ay sa cheek lang siya hinalikan nito kaya hindi niya masasabing natikman na niya ang labi nito. Pero bakit ba niya iniisip ang lahat ng ito? Ngayon pa ba siya maakit kay Cash? 'Di ba't sandali na lamang ay makikipaghiwalay na siya dito?

Inalis na lang niya sa isip ang mga naiisip niya at hindi na, kahit panaka-nakang tumingin muli dito. Pinilit niyang tumingin na lamang sa labas at 'wag ma-distract sa guwapong playboy na katabi niya.

Nang makarating sila sa restaurant ay kakaunti lamang ang taong nakita niya. Inilalayan siya nito sa pagbaba pati na rin sa paglalakad. Nang makababa ay nakaagaw agad sila ng atensyon. Hindi niya tuloy alam kung mahihiya o ano lalo na nang tila nagbabaga ang isang pares ng magagandang mata ng isang babae ng tumingin sa kanya.

"Cash!" mataray na sabi nito. May biglang sumulpot sa likod na matandang lalaki kaya naman medyo nahulaan na niya na malamang ito ay si Chelsea at ang lalaking nasa likod nito ay ang general na ama nito. Tumiim rin ang bagang ng matandang lalaki habang palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.

Ano ba 'yan, hindi pa nga ako nakakaupo, giyera na yata agad... nasa loob-loob niya. Kumapit siya kay Cash nang tumingin ito sa kanya. Kahapon ay sinabi na nito sa kanya ang plano. Hindi siya masyadong nakinig dahil ang sabi nito ay ito na naman ang bahala sa kanya. Ang kailangan niya lang gawin ay ang um-oo sa lahat ng sinabi nito.

"Sino ang babaeng 'yan, Cash?" malayelo sa lamig ang boses ng matandang lalaki.

Napahawak naman sa buhok nito si Cash. Iyon ang istilo nito ng pagpapa-cool sa mga tao. Pero bago pa ito makapagsalita ay napakunot na ang noo niya nang may makita siyang isang camera na napatutok sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya pero bago niya pa ito napigilan ay nakapagsalita nito.

"Mr. Montes, I'd like you to meet, Charity Torres, my wife," At kasabay noon ay pagkislapan ng mga camera. Wala na siyang nagawa kundi ang mapangangiti na lang at magpadala sa eksena.

Good luck na lang sa akin bukas!

Download the app now to receive the reward
Scan the QR code to download Hinovel App.