5
"DALAWANG araw lang ito, Julienne. Dalawang araw na lang dahil naka-isang gabi ka na. Naka-survive ka...kaya kumalma ka na, ha? Makaka-survive ka rin." Pagpapanatag ni Julienne sa sarili habang nasa banyo. Kakagising lang niya. Sabado na. Mabilis ang oras kapag weekend 'di ba? Sana nga ay ganoon rin ang oras sa Isla Azul.
Bumaba si Julienne ng kuwarto. Sa totoo lang ay ayaw na nga niya. Kaya lang, hindi talaga siya sanay at kaya na hindi kumain ng almusal. Late na nga siya, sa totoo lang. Madalas ay nag-aalmusal siya ng alas siyete ng umaga. Pero dahil hindi mapakali, alas nuwebe na ng umaga nang siya ay bumaba.
Awtomatikong kumulo ang tiyan ni Julienne nang makababa. Nakaamoy siya ng garlic fried rice---ang paborito niyang uri ng kanin at ganoon rin ng paborito niyang ulam sa umaga, ang longganisa.
Coincidence lang ba o sinadya ni Axel na magluto ng mga ganito dahil sa akin?
"Good morning," bati ni Axel. Hindi man gusto, out of courtesy ay tinignan ni Julienne si Axel. Hindi rin naman niya maiiwasan iyon.
"G-good morning," subukan man ni Julienne na huwag matuliro ay ganoon siya kapag nasa harap ni Axel. Paano, palagi siyang pinapangunahan ng puso niya na palaging tuliro kapag nakikita at nakakasama ito.
Tumango si Axel. Inayos pa nito ang upuan sa dining table kung nasaan ito nakatapat ngayon. "Kain ka na,"
Tumango si Julienne. "Salamat. I-ikaw ang nagluto?
"Oo. What to expect? Wala naman kasambahay rito. Dumadating lang ang caretakers rito twice a month. Next next week pa ang balik nila,"
"Okay," umupo na si Julienne sa dining table. "Ikaw pala? Kumain ka na?"
Tumango muli si Axel. Napakapormal. Pero ramdam niya na kagaya niya ay naiilang rin ito. Kahapon ay hindi naman sila masyadong nag-usap. Nang makumpirma niya rito na wala na talagang pag-asa para makaalis sila sa isla na iyon, halos wala na silang napag-usapan. Iniwan na siya nito pagkatapos ang arrangements---siya ang matutulog sa kuwarto na may nag-iisang kama at ito naman ay sa sala na may malaking couch. Kung ano ang mangyayari bukas, bahala na.
Pero hindi na inisipan ng masama iyon ni Julienne. Pagkatapos ng lahat, ganoon naman ang gusto niya---ang mawalan na sila ng pakialam sa isa't isa. Tapos na sila. Axel was his past. And as the popular saying goes, past is past, never been discussed.
Hindi na niya gustong isipin na may pahiwatig kung bakit nagkita pa sila muli ni Axel. Maraming thoughts sa isip niya na maaaring may kinalaman ito roon. Bakit ito nagsponsor sa LBSOM? Bigla-bigla naman iyon. Pero malay ba naman niya kung coincidence lamang ang lahat. Pagkatapos ng lahat, ganoon naman talaga ang ginagawa ng mga mayayaman. Nagdo-donate sa charity, nag-sponsor sa iba't ibang associations. Saka kung may balak si Axel, bakit nakikita niya ang pagkailang rito? Para bang hindi naman nito gustong gumawa ng paraan dahil iniiwasan siya nito.
Ginaya na lamang ni Julienne si Axel. They were just trapped here in the island. Two days lang iyon. Wala naman na mangyayari. Makaka-survive siya basta iwasan nila ang isa't isa. Madali lang naman iyon...dahil paano mo gugustuhin na lumapit sa isang tao na kinaiilangan mo?
Kumain na si Julienne. Pero hindi ibig sabihin noon ay hindi niya pa rin kayang iwasan si Axel. Napapansin niya ito, lalo na at maliit lang naman ang villa. At paano rin siya makakapag-concentrate sa pagkain kung maya-maya ay tanggalin nito ang damit nito at ipakita sa kanya ang isa pa niyang paborito na pagkain? Pandesal---lalo na ang mga pandesal sa katawan nito.
Dagling nag-init ang mukha ni Julienne sa nakita. Kahit subukan niya na mag-concentrate sa paborito namna niyang pagkain sa kanyang harapan, iba naman ang na-crave ng lahat ng kalamnan niya. Uggh! Sabi na nga ba at danger ang makasama ang lalaking ito!
Nagsimulang mag-stretching si Axel. Lalong nawalan ng gana si Julienne. Hindi niya tinapos ang pagkain. Doon siya binigyan ng pansin muli ng lalaki.
"May problema ba, Yen?"
Umiling si Julienne. "Gusto ko na lang siguro talagang umuwi."
"I'm sorry."
Nagkibit-balikat si Julienne. Para saan pa ba ang sorry? Hindi rin iyon dapat sinasabi ni Axel. Kung mayroon na may kasalanan, siya iyon. Hindi siya nagising sa tamang oras. Ganoon rin pala ang mga kasamahang staffs na hindi siya inalala.
Hinugasan ni Julienne ang mga pinagkainan. Nang matapos, nakita niya na nag-stretching pa rin si Axel. Hindi niya maintindihan kung bakit. Hindi naman kasi mahilig mag-exercise si Axel. Ang magandang katawan nito ay parang natural na para rito.
Nakita ni Axel ang pagkailang ni Julienne. Tumigil ito at nagkamot ng ulo. "I'm sorry, nanakit kasi talaga ang likod ko kagabi kaya nag-exercise ako ngayon para mawala."
"Puro ka na lang "sorry" when you don't have to be..." hindi na napigilan ni Julienne ang damdamin. Naiinis na siya sa kaka-"sorry" ng lalaki. Dahil noong mga panahong kailangan niya ito? Ganoon lang ang palagi ang nakukuha niya.
Ang kailangan niya kay Axel noon ay pang-unawa, oras at ang comfort nito. Hindi ang "sorry" nito. Ano ba naman kasi ang magagawa ng sorry? Hindi noon maibabalik ang pagkawala ng anak nila. Ang masasabi niyang pinakanakapagpasira ng buhay niya.
Tinitigan siya ni Axel at maya-maya ay napailing-iling. Hindi naman niya masisisi ito. Gumana naman kasi ang pagiging suplada niya. Ganoon siya kapag naalala ang masasamang nakaraan.
Umakyat si Julienne ng kuwarto. Bahala na kung anong magagawa niya roon. Basta 'wag lang niya muling makadaupang palad si Axel.
Lunch nang muling bumaba si Julienne. Nakahinga siya nang maluwag nang mawala si Axel. Walang paalam, walang kahit anong note mula sa lalaki kung saan ito nagpunta. Kumain siya nang matiwasay. Sa baba na rin niya inubos ang mga sumunod na oras. May TV roon at may mga DVD's. Nanood siya. Dumating ang alas singko at hindi pa rin bumabalik si Axel. Kung kanina ay maayos siya na wala ang lalaki, ngayon ay kinakabahan na siya.
"Saan kaya nagpunta ang lalaking iyon?"
Lumipas pa ang dalawampung minuto. Natagpuan ni Julienne ang sarili na lumakad ng pabalik-balik. Nag-aalala na siya. Lumabas na rin siya ng villa at tinignan si Axel. Walang kahit anong bakas ng lalaki roon. Sinubukan niyang tawagin ito nang malakas na para bang mag-echo ang kanyang boses para marinig siya nito sa kabuuan ng isla.
Naglakad si Julienne. Malapit ng dumilim pero hindi na niya iyon inalala. Kailangan niyang makita si Axel. Nalibot na naman niya iyon at hindi naman iyon ganoon kalakihan. Naggawa na rin niya ngayon pero wala pa rin na Axel na nagpakita sa landas niya.
Napaiyak at nanginginig na si Julienne. She hated these moments. May mawawala na naman bang mahalaga sa buhay niya?
Pero teka, bakit ko ba ikokonsidera na mahalaga si Axel sa buhay ko?
Ama ng anak niya si Axel and sige na nga, minsan niya rin itong minahal. Pero tapos na ang minsan na iyon. Past tense na rin ang pagmamahal. Pero kung past tense nga, bakit hindi siya mapakali sa isipin na maaaring may nangyaring masama kay Axel? Bakit siya nag-aaalala para rito?
Siguro ay puwede rin naman na sabihin na dahil kasama niya ito sa isla ngayon. Bilang kaibigan na rin siguro. Pero ang mga naramdaman niyang interes sa lalaki kanina. Ang paglakas ng tibok ng puso niya.
Napaupo si Julienne dahil sa nag-uumapaw na damdamin. Nag-aalala at naiinis siya at the same time. Paano bang nagagawa pa rin ni Axel sa kanya na magbigay sa kanya ng ganoong damdamin pagkatapos ng nangyari sa mga nakaraang taon?
Kailangan na pigilan ni Julienne ang sarili. Bawal ng balikan ang nakaraan. Bukod sa masama iyon, nagkaroon rin sila ng pustahan ng magpipinsan tungkol roon. Hindi na nila babalikan ang nakaraan partikular sa mga lalaking minsan nilang minahal. Sa kaso ni Julienne, si Axel ang kanyang tinutukoy. Ito lamang dahil ito lang naman ang lalaki sa buhay niya. Pero kung tadhana na ang gumagawa ng paraan para mabalikan iyon at ang mga damdamin, maiiwasan niya pa ba iyon?
"Yen...?"
Nanlamig si Julienne nang marinig ang tawag na iyon na tanging si Axel ang gumagawa. Lumingon siya. Nakita niya si Axel. Kaagad na tumayo si Julienne. Hindi niya napigilan ang sarili na yakapin ito at kasabay noon ay ang hindi rin mapigilan na pagdagundong ng puso niya.
Ligtas na siya. So please be calm, my heart.
Gusto man na gawin ni Julienne ang pagpapakalma sa kanyang puso, nang gantihan naman ni Axel ang yakap niya ay nawala na iyon sa kanyang isip.