8
"YAYA LIV, naririto na po ang hiniling ninyo na bilhin kanina." Nang makatapos maligo ay inimporma si Liv ni Manang Lucia tungkol sa pagdating ng mga pinabili. Dahil bago na ang mga empleyado sa bahay, walang kaalam-alam ito tungkol sa relasyon niya kay Rafe at Scarlett. Pero kahit ganoon ay mabait naman ang mga ito sa kanya. Mababait ang mga kasambahay sa bahay.
Nasabik si Liv nang makita at mahawakan ang baking ingredients. Dahil nag-siesta si Scarlett, magagawa niyang mag-bake. Pakiramdam kasi niya ay nawalan siya ng free time nang magsimula bilang Yaya nito. Napakahirap kasi nitong pakisamahan. Sa mga panahong pinapalayo naman siya nito rito ay ibinubuhos niya iyon sa pag-iyak. Napakasakit ng pakiramdam na tinatanggihan ka ng sarili mo mismong anak. Limang araw na simula nang makabalik siya sa buhay ng kanyang mag-ama.
Nag-isip ng ibang paraan si Liv para mapalapit siya kay Scarlett. Gusto nito ang kanyang mga niluluto kaya iyon ang naiisip niyang paraan. Isa pa, nabalitaan rin niya kay Manang Lucia na mahilig si Scarlett sa chocolate cake. Specialty niya iyon kaya mas lalo siyang nanabik na mag-bake. Hinahanap niya ang kiliti ng anak.
Nakahanap na rin naman siya ng ibang kiliti nito. Sa wakas ay napapayag na rin niya ito kanina na magpatulog rito. Paano kasi ay sa mga nakaraang araw ay si Manang Lucia ang nagpapatulog rito dahil iritado pa rin ang bata. Inalok niya ito na babasahan ng story book bago matulog. Nahihiya na kasi siya kay Manang Lucia dahil ito ang gumagawa ng marami sa trabaho niya dahil sa pag-iinarte ng anak.
Sinimulan na ni Liv ang pagluluto ng tinapay. Ilang minuto pagkatapos niyang maisalang iyon sa oven ay dumating si Scarlett. Naggising na ito.
"Ano ang amoy na iyon? You are baking?" tanong kaagad ng bata.
Tumango si Liv. "Paborito mo raw ang chocolate cake."
Hindi nagsalita si Scarlett. Tinignan lang nito ang ginagawa niya.
"I'm sure you will love this. It was your Dad's favorite, too." Madalas siyang nagbe-bake ng ganoon at kayang maubos ni Rafe ang isang buong pan. Namana ni Scarlett ang hilig ni Rafe sa chocolate cake.
Kumunot ang noo ng bata. "Paano mo nalaman na favorite ito ni Daddy? Ito ang unang beses mo na mag-bake 'di ba? And please, 'wag ka nga mag-english. Hindi bagay sa 'yo!"
Ngumiti lang si Liv. Masasabi niya na nasasanay na siya sa ilang beses na pagsupalpal ng anak. In fact, palagi nitong pinupuna ang madalas niyang pagsasalita ng English. Hindi naman niya maiiwasan dahil hindi siya ang taong inaakala ng mga ito. Para naman sa unang tanong ng anak, hindi siya puwedeng umamin rito. Natatakot siya sa maaaring gawin ni Rafe, at ganoon rin si Scarlett. Paano nito maiintindihan ang lahat? Kailangan rin niya ng tulong ni Rafe. Hindi pa sila gaanong magkasundo ng bata para maipaintindi niya rito iyon.
"Tapos ka na ba?"
"Hindi pa. Gagawin ko pa lamang ang icing for the cake."
Tinignan ni Scarlett ang mga ingredients. Nakita niya ang interes sa mata nito. May naisip si Liv. "Gusto mo ba akong tulungan? Mas enjoy kung may makakatulong ako kahit sa pag-whisk."
Nagliwanag ang mukha ni Liv nang tumango si Scarlett. Sabik na tinuruan niya ang estudyanye na madali naman na turuan. Nakita niya ang determinasyon sa anak.
Mana sa akin, napangisi si Liv habang tinuturuan si Scarlett. Bukod sa pagluluto, mahilig rin siya na mag-bake. Kagaya nito ay nag-e-enjoy rin siya sa pagbe-bake. Ngayon lang niya nakita na ngumingiti si Scarlett habang kasama siya.
"Ang galing! Ang sarap!" komento ni Scarlett nang tikman ang ginawa nilang icing.
She pat her head. "It's because you are good. Sa susunod, tulungan mo ulit ako, ha? Ano bang gusto mo pang klase ng cake?"
"Strawberry cheesecake! Can we make some soon, too?"
"Hmmm... Learn to say "please" muna,"
Kumunot ang noo ni Scarlett. "Why would I do that?"
"Because that's what good girls do."
Sumimangot si Scarlett. "But they said I am a bad girl."
Napaawang ang labi ni Liv sa gulat. "Ha? How can you say that? Do you believe that?"
Tumango ito. "Iyon ang sabi ni Dana, our neighbor. Kaya daw ako iniwan ng Mommy ko kasi bad girl daw ako..."
"Ano?!" naibagsak ni Liv ang hawak na spatula na gagamitin sa paglagay ng icing sa tinapay ng cake. May tumusok sa kanyang puso sa narinig. So sinisisi pa pala ng anak ang sarili nito sa kasalanan niya. She felt horrible. "Hindi totoo 'yan!"
Nagkibit-balikat si Scarlett. "On what reasons? Ganoon rin naman ang mga dating naging Yaya ko. Kaya nila ako iniwan kasi bad ako."
"Oh, Scarlett..." hindi napigilan ni Liv na mapaiyak.
Tinitigan ni Scarlett si Liv. "Umiiyak ka. Iiwan mo rin ba ako?"
Umiling si Liv. "Hindi. I will always be here for you kahit maging bad ka pa o ano pa man. Hindi kita iiwan."
Tinitigan pa lalo ni Scarlett si Liv. Para bang gusto nitong siguraduhin kung totoo ang kanyang mga binitawan na salita. Pero maya-maya ay naglihis rin ito ng tingin. Bumuntong-hininga ito. "How I wish I can hear my mom says that, too."
Natupad na ang wish mo kung ganoon. Gusto sanang sabihin ni Liv.
"For sure, may magandang dahilan ang Mommy mo kung bakit ka niya iniwan. Lahat ng ina ay mahal ang kani-kanilang anak."
Hindi nagsalita si Scarlett. Nangako sa isip si Liv na tutuparin ang sinabi sa anak. Kailangan niya talagang bumawi rito, ganoon rink ay Rafe. Nasaktan niya ang mga ito sa hindi gustong paraan.
Nahiling ni Liv na makisama rin sa kanya ang sitwasyon.
Please make this remission a success.