Library
English
Chapters
Settings

8

PARANG binibiyak ang puso ni Cloud habang nakatingin kay Charlotte. Bata pa ito kaya hindi naiintindihan ang nangyayari. Pero nasa mga mata at kilos nito ang pagtataka at pagtatanong. Hindi man ito umiiyak, ilang ulit na nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Sarah. Para bang gusto nitong malaman kung ano ang ginagawa sa katawan ng ama nito.

Ngayon ang libing ni Herman. Namatay ito mismo sa harap niya habang nag-iinom sila. Ayon sa Doctor, nagkaroon daw ito ng biglang atake sa puso. Walang may alam na may sakit pala ito roon kaya lahat ay nagulat. Napakabilis ng lahat.

Sa murang edad ay ulila na sa parehong magulang si Charlotte. Awang-awa si Cloud sa bata. Karga-karga niya ito mula sa simbahan hanggang sa ngayong nasa sementeryo sila at ibinababa na ang bangkay ni Herman sa lupa. Wala man lang itong kaalam-alam sa mga nangyayari.

“Mami-miss ka namin, Herman. Pero `wag ka ng mag-alala, kami na ang bahala kay Charlotte…” wika ni Sarah bago tuluyang sabuyan ng lupa ang kabaong ni Herman.

Inilagay ni Cloud ang isang libreng kamay sa balikat sa asawa. Inakbayan siya nito. Umiiyak na niyakap naman siya nito at ganoon rin si Charlotte. May luha pa rin sa mga mata na tumingin ito sa bata at hinalik-halikan nito ang pisngi ng bata. “We will take care of you…”

Tumango si Cloud. Isa-isa ng umalis ang mga nakiramay.

“Mauuna na ba kami o sasabay na kayo sa amin? Pauwi na kami,” wika ng Mommy ni Sarah nang halos lahat ay nakaalis na.

Tumingin si Cloud kay Sarah. Umiling ito. “Dito na lang po muna kami, Mommy.”

“Si Charlotte?”

“Kami na po ang bahala sa kanya. Mukhang hindi pa naman po siya pagod. Mas mabuti rin po na kasama siya. At least, makakasama niya ang Daddy niya hanggang sa mga huling sandali…” sagot ulit ni Sarah.

“O sige, kayo ang bahala…” wika ng manugang niya at umalis na.

Sa ilalim ng puno malapit sa pinaglibingan kay Herman sila nagpunta ni Sarah. Umiiyak pa rin ang asawa. Pilit naman niyang pinapakalma ito habang pinanood nila ang pag-aayos ng mga supulturero sa libingan.

Hinalikan ni Cloud ang ulo ni Sarah habang nakasandal ang ulo nito sa braso niya. “`Wag ka ng umiyak. Magiging maayos rin ang lahat…”

“Magbabago nang malaki ang buhay ko ngayong wala na si Herman. I would really have to be with mom. Ako ang magiging katulong niya para sa business. She’s not getting younger anymore so ako ang pinaka-mamahala sa farm…”

“Yes. But we’re both on this together, okay? I’m with you…”

Tiningala siya ng asawa. “No…”

Kumunot ang noo niya. “Anong “no”? Alam mong ready na ang resignation letter ko. I’ll be staying in the Philippines. I’ll be with you. For formal agreement na lang rin ang bahay natin---“

Umiling si Sarah. “`Wag mo ng ituloy iyon.”

“Ang bahay?”

“Yes. At pati na rin ang pananatili rito sa Pilipinas…”

“At bakit? Mas kailangan mo ako rito. Hindi kita iiwan…”

“Mas kailangan mo ang pangarap mo, Cloud…” Mas malungkot ang mata ng asawa. Bumuntong-hininga ito. “I will let you do what you want…”

Lalong naguluhan si Cloud. “What is this all about, Sarah? Are you letting me go?”

Hindi nagsalita si Sarah. Sa halip ay naglihis ito ng tingin sa kanya.

Nanikip ang dibdib ni Cloud. Silence means yes.

Oo nga at gusto ni Cloud ang trabaho niya. Kung magkakaroon rin siya ng chance, gusto pa rin talaga niyang bumalik. Pero alam naman niya ang responsibilidad niya, lalo na ngayon sa nangyari kay Herman. Naiintindihan niya na lalo ng hindi makakasama si Sarah sa kanya kung pipiliin niya ang trabaho.

Pero hindi kailanman maiintindihan ni Cloud kung bakit gusto siyang palayain ng kanyang asawa…

PAGOD na nakauwi si Sarah sa bahay. Sinamahan niya ang Mommy niya sa ilang business transactions ng farm. Halos buong maghapon silang nasa labas. Dahil hindi siya masyadong sanay kaya mabilis rin na sumama ang pakiramdam niya. Pero dahil kailangan na matuto na talaga siya, pinilit pa rin niya na tapusin lahat ng schedule na gawin ngayong araw.

Bumungad sa pag-uwi ni Sarah si Cloud at si Charlotte na nasa sala. Naglalaro ang dalawa at mukhang masayang-masaya. Nakakahawa ang tawa ni Charlotte at parang may mainit na kamay rin na humahaplos sa puso niya na okay ang bata. Wala itong malay na hindi na nito kailanman makikita ang ama. Mukhang hindi naman nito alintana iyon. Hindi nito hinahanap ang ama.

Ganoon pa man, hindi pa rin maiwasang malungkot ni Sarah sa nakita. Dapat ay wala si Cloud sa bahay ngayon. May schedule ito sa Maynila para sa pag-aasikaso nito sa pagbalik nito sa posting nito. Pero mukhang hindi ito tumuloy. Alam niyang mahabang asikasuhin iyon kaya dapat ay gagabihin pa ito.

Humalukipkip si Sarah. Magsasalita na sana siya nang makita siya ng dalawa. Pumalakpak si Charlotte na tuwang-tuwa na makita siya samantalang ngumiti naman si Cloud. Kinuha nito si Charlotte at tumayong buhat ang bata. Hinalikan niya si Charlotte pero hindi ang asawa.

“Mommy, puwede po bang pakikuha muna si Charlotte?” wika ni Sarah sa kasunod na ina.

“O sige. Miss ko na ang batang ito…” wika ng Mommy niya na mukhang hindi naman nahimigan na balak niyang makipagtalo sa asawa. Kinuha nito si Charlotte at dinala sa kuwarto. Simula nang mamatay si Herman, sa bahay na tumitira ang bata. Wala naman kasing malapit na kamag-anak na natitira ang mga ito.

Nang umalis ang ina ay hinalikan siya sa labi ng asawa. Nanghina siya at gusto rin na bumigay sa halik. Pero pinili ni Sarah na magpakatatag. Itinulak niya ang asawa.

“What the hell do you think you are doing?”

Tinaasan siya ng isang kilay ni Cloud. “Ako dapat ang nagtatanong niyan sa `yo,”

“You should have gone to Manila!”

“Naggawa ko na ang resignation letter ko. I will send it by email tomorrow.”

Bumuntong-hininga si Sarah. “`Wag mong gawin ito.”

“Ano pa ba ang gusto mong gawin ko?

Naglihis ng tingin si Sarah. “I don’t want you to sacrifice for the sake of my happiness, Cloud…”

Hinawakan ni Cloud ang kamay niya. “But I don’t want to let you go…”

“You get this all wrong, Cloud. Hindi naman talaga ako aalis. We will still work this relationship even though you are far away. Hindi ako makikipaghiwalay sa `yo…”

Kumunot ang noo ni Cloud. “Are you trying to take chances in a long distance relationship?”

Tumango si Sarah. “Iyon na lang ang paraan.”

“Bakit natin gagawin iyon? May choices naman tayo. Puwede kitang isama. Puwedeng—“

“Pero gustuhin ko man, hindi puwede. Hindi na puwede…” Tumingin si Sarah sa paligid. “Kailangan ako ng bahay na ito. Kailangan ako ng farm…”

“At kailangan rin kita, Sarah…” Niyakap siya ni Cloud. “I choose you, Babe. So please stop all of this. `Wag mo ng guluhin ang isipan ko…”

“Hindi ka magugulo kung buo na talaga ang desisyon mo,” Huminga nang malalim si Sarah. Hinawakan niya ang balikat ng asawa. “Mahal kita, Cloud. Naniniwala rin naman ako na mahal mo ako kaya ginagawa mo ito. Pero naiintindihan ko rin na mahal mo ang trabaho mo. Mahal mo ang buhay na mayroon ka dati…”

“Sarah…”

“`Wag mo na akong alalahanin, okay? I will be all right. May modern technology na rin tayo ngayon. Communication is very easy. Kapag bakasyon ka, puwedeng-puwede ka rin na umuwi. You could always file a leave, too, if ever you missed us. We will work it out, Cloud. Love will keep us together and alive. As long as we love each other, the distance will not matter…”

Tinitigan siya ng asawa. Walang pagpayag sa mukha nito. Instead, all she could see is sadness in his eyes. Pero para kay Sarah, mas malala ang lungkot na nararamdaman niya. Ayaw niyang umalis naman talaga si Cloud. Pero ayaw rin niya siyempre na sirain ang buhay na gusto nito. Ayaw niyang pilitin ito.

Ayaw magaya ang pagsasama nila ng asawa sa nangyari sa magulang ni Cloud. Ito lang ang nakikita niyang paraan para mag-work ang relasyon nila sa paraang makakabuti para sa isa’t isa.

Magsasakripisyo si Sarah para sa asawa. May sakripisyo rin si Cloud pero alam niyang magiging masaya rin naman ito. At sa tingin niya, ganoon rin naman siya. Makukuha niya ang buhay na gusto niya. Hindi man niya makakasama si Cloud pero hindi naman iyon pang habang buhay. Makikita at makakasama niya pa rin ito time to time.

Magiging maayos rin ang lahat. Mahal niya si Cloud, mahal siya nito. At naniniwala si Sarah na malakas ang kapangyarihan ng pagmamahal…

Download the app now to receive the reward
Scan the QR code to download Hinovel App.