3
NAPAUNGOL si Hailey nang maalalang Sabado nga pala ngayong araw. Day-off ng kasambahay nila. Iisa lang ang ibig sabihin noon---kailangan niyang mag-asikaso ng bahay at ang mas masaklap, magluto.
Mahilig lang kumain si Hailey pero hindi ang pagluluto. In fact, itlog, hotdog at noodles lang ang kaya niyang lutuin. Ang kasambahay at ang Daddy niya lang ang nagluluto sa bahay. Pero ngayong wala na ito, kailangang siya na ang gumawa ng lahat noon.
Mabigat ang dibdib at mga mata ni Hailey na bumangon. She is alone now. Kailangan niyang matuto na tumayo sa mga sarili niyang paa. Pumunta siya sa kusina at nagulat na mukhang hindi naman talaga siya nag-iisa. Naging makakalimutin lang siya. May tao nga pala siyang kasama pa sa bahay---ang taong sinabihan ng Daddy niya na bantayan kuno raw siya.
"Good morning," bati ni Doctor Jaxon nang makita siya. Napalunok siya nang mapatingin sa kasuotan nitong apron na nakapatong sa puting sando at Capri shorts. Masama man ang naisip sa paggising ay parang bulang nawala iyon sa ayos at sa ngiti rin nito. Kumalam rin bigla ang sikmura niya nang maamoy ang niluluto nito kahit hindi pa naman niya siguado kung ano.
"G-Good morning," Nilapitan niya ito at tinignan rin ang niluluto nito. Longganisa, itlog at fried rice ang inihanda nito. Tinatapos na lang nitong lutuin ang itlog. "Nakakahiya naman. Ikaw pa talaga ang nagluto,"
"Naabutan ko ang kasambahay bago umalis. Namomroblema nga siya dahil hindi ka nga raw mahilig magluto. Eh nagmamadali na siya kaya hindi niya maggawa. You're lucky that I am here,"
"Mukhang masarap nga 'yan. Ang talented mo pala, Doc."
"Just call me Jay, I mean Jaxon," Parang medyo nagulo sandali ang Doctor. Napakamot pa ito ng ulo. Pero sa huli ay kinindatan pa siya nito. "Well, isa lang 'yan. Marami ka pang malalaman sa akin sa mga susunod na araw,"
Napakurap si Hailey. "Magtatagal ka pa dito?"
Pinatay ni Jaxon ang kalan. Inilagay nito ang niluluto sa plato at nilagay sa lamesa. Pagkatapos noon ay binalikan siya nito at ginulo ang kanyang buhok. "Nasabi ko na naman sa 'yo kahapon 'di ba? Babantayan kita. Of course, I have to stay. Nagiging makakalimutin ka na yata,"
"Hindi naman kita kapamilya. Isa pa, may trabaho ka---"
"I'm kind of stress. Nag-leave muna ako sa work. Hindi lang ako ganoon kabilis na pinayagan kaya ngayon lang ako nakapunta. Nahihiya nga ako na hindi ko man lang nakitang nailibing si Daddy..."
"Daddy?"
"Yeah, si Daddy mo..."
Napakunot noo si Hailey. Tito kung tawagin ni Doctor Jaxon ang Daddy niya. Bakit biglang nag-level up naman yata iyon?
"May mali ba?" wika ni Jaxon at sinalubong ang tingin niya.
"Ha? Ah, eh, wala naman..." Ngumiti siya. Bakit ba nga niya binibigyang big deal ang pagtawag nito sa Daddy niya ng Daddy rin? Nakilala na naman niya ang charming at playboy na Doctor. Sweet ito. Kaya okay lang dapat na parang na-sweet-an rin siya na nakiki-Daddy na rin ito. Close na rin naman ito sa Daddy niya. Isa ang lalaki sa Doctor ng ama.
Ngumiti rin ang lalaki. Mas maganda iyon kaysa sa unang ngiti nito at parang natigilan rin siya, particularly ang puso niya. It feels so good looking at that smile. At ewan ba niya at parang naging malaki ang impact noon sa kanya samantalang dati naman ay hindi.
Palangiti si Doctor Jaxon. Pero ngayon lang yata niya napuna na nagiging guwapo ito lalo kapag ngumingiti. Parang nawawala rin ang lungkot sa puso niya. Parang ang gaan-gaan lang ng lahat. Ang weird nga lang dahil inisip niya na nararamdaman niya lang ang ganoong damdamin sa best friend na si Lucio.
Pero gustong isipin ni Hailey na nagha-hallucinate lang siya. Hindi naman niya pinapansin dati ang lalaki. Pero ngayon ay bigla-bigla na lang parang may magandang pakiramdam siya rito.
Siguro sa sobrang lungkot niya kaya binabaling niya ang atensyon sa lalaking hindi naman niya gustong pansinin. Nawalan siya kaya normal na maghanap rin siya ng mga taong makakasama at magbibigay ng saya sa kanya.
At nahiling ni Hailey na sana nga ay ganoon nga talaga ang sitwasyon.