8
PINILIT ni Jillian na huwag ipahalatang apektado siya sa "panliligaw" ni Sid. Pero sa totoo lang ay humanga siya sa ginawa nito. Bukod kasi sa tinotoo nga nito ang akala niyang kalokohang panliligaw nito, nagsama pa ito ng pamilya nito. Ipinakilala siya ni Sid sa nakakatandang kapatid nitong si Rocco. Kasama rin ng mga ito ang isa pang babae na sa tingin niya ay girlfriend ng kapatid nito.
"Mamaya na 'yang regalo na 'yan! Ang daming hugasin dito, o! Saka 'yung mga pinagawa ko ba sa inyo, tapos niyo na? Ang mga assignment niyo?" inisa-isa ni Jillian ang mga kapatid niya na abala sa ibinigay na regalo ni Sid sa unang araw ng panliligaw ng mga ito.
"Kill joy ka, Ate." Reklamo ng mga kapatid.
"Gusto ko lang unahin niyo ang priorities niyo,"
Sumunod naman ang mga kapatid niya. Nag-supervise siya sa paghuhugas ng plato ng mga sumunod sa kanyang kapatid na sina Julius at Jona. Parehong nasa college na ang mga ito.
"Ayusin niyo ang paghuhugas. Tignan mo, o. May stain pa sa baso!"
Inirapan ni Jona si Jillian bago sundin ang utos niya. "Ang taray mo, Ate. Hindi ka ba nahihiya kay Kuya Sid? Nandiyan din 'yung kapatid niya,"
"Mas mahihiya ako kapag hindi ko ipinapakita ang totoong ako. Ang gusto ko lang ay gawin niyo ang tama. Mas nakakahiya kung gagawa kayo ng mga mali habang may bisita,"
"Oo nga naman," wika ni Julius. "Ikaw kasi, Jona, masyadong mahilig mag-please ng tao na kinalilimutan mo na ang personalidad mo. Kaya ka siguro hindi nagkaka-jowa,"
"Tama lang 'yun. Hindi pa talaga siya puwedeng mag-jowa,"
"Si Ate talaga. Sobrang strict. Kay Tatay nga, okay lang, eh. Isa pa, ilang buwan na lang rin ay ga-graduate na rin naman ako."
"Mas mahalaga pa rin ang aral bago lumandi."
Mabait ang mga magulang ni Jillian kaya hindi na kataka-taka na pumayag nga ang Tatay niya kung magbo-boyfriend ang kapatid. Pero para sa kanya, hindi pa ito ang tamang panahon. Marami pa siyang plano sa buhay ng kapatid. Isa pa, gusto rin niyang umasa na matutulungan siya ni Jona na maiahon sa hirap ang pamilya nila. Ang mga kapatid na lang ang pag-asa niya. Kaya nga nagsisikap siya at nagtitiis para makapag-aral ang mga ito nang maayos.
Mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang magulang ni Jillian. Nabubuhay sila sa sari-sari store ng Nanay niya at paminsan-minsan na pagsa-sideline ng Tatay niya bilang tricycle driver. Hirap makahanap ng trabaho ang Tatay niya dahil sakitin ito. Madalas ang income ng pamilya ay nangangaling lang sa sari-sari store ng ina. Siyam silang magkakapatid kaya naman napakahirap talaga ng buhay.
Pero kung tutuusin, masuwerte pa rin si Jillian at ang pamilya niya. Nakakain pa naman sila ng sapat sa isang araw. Nakapagtapos rin siya ng pag-aaral dahil na-scholar siya noong college. May kasamang allowance pa iyon. Scholar rin sina Jona at Julius ngayon sa kolehiyo.
Umiling-iling na lang si Jona. Nang matapos maglinis ang mga kapatid ay saka naman nagpaalam sina Rocco at si Cielo. Naging abala na ulit sa paglalaro ang mga kapatid niya pero binigyan naman sila ng oras ng mga ito na mapag-isa ni Sid. Ganoon rin ang mga magulang niya. Hindi nga lang niya sigurado kung magandang ideya ba iyon.
May bahagi ni Jillian na gustong makasama si Sid. Pero may malaking bahagi rin niya ang natatakot dahil sa nakakalokong damdamin na binibigay nito sa kanya.
"So...?" Ngiting nakakaloko ang mukha ni Sid.
"Anong so?"
"How was my first day of chasing?" Kinindatan pa siya ng lalaki.
Jillian rolled her eyes. "Tumigil ka sa pagtatanong niyan. Baka umabot ka ng million days,"
"Grabe ka naman. Patay na tayong dalawa noon," Kakamot-kamot ang ulo ni Sid. "Anyway, I made extra efforts for you. I brought my family,"
"Hindi pa iyon sapat,"
"Okay. May bukas, may isang araw, susunod na linggo, susunod na buwan at susunod na taon pa naman,"
Tinaasan niya ito ng isang kilay. "Makakatagal ka?"
"Want to bet?"
"Hanggang bukas ka lang," Ang pinakamatagal na yata na nanligaw kay Jillian ay hanggang isang buwan lang. Walang nakakatagal dahil palaging pinahihirapan at sinusupalpal niya sa umpisa pa lang.
"I'll prove you wrong then," confident na wika ni Sid. Ngumiti rin ito at nakumbinsi rin siya na magtatagal nga siguro ito. Dahil mukhang hindi papayag ang puso ni Jillian na basta-basta na nga lang itong bumitaw.