9
NAGPAPALIT ng day off si Sid nang malaman niya ang day off ni Jillian ngayon. Maaga rin siyang nagpunta sa bahay ng mga ito para umakyat ng ligaw. Pero mukhang maaga rin siyang tatanggihan na naman ng babae.
"Good morning. Mukhang may lakad ka, ah. Care for a companion?" Ngingisi-ngising wika ni Sid. Sinubukan niyang magpaka-positibo kahit hindi ganoon ang mukha ni Jillian. Nakasimangot na kaagad ito nang makita siya.
Inismidan siya ni Jillian. Magsasalita na sana siya nang maunahan ito ng nasa likod nito. It was Jillian's Mom.
"Ay nandito pala si Sid. Mabuti naman at may puwedeng sumama sa 'yo pa-Divisoria, Anak."
Binati ni Sid ang Nanay ni Jillian. Nag-mano rin siya rito. "Magandang umaga po, Nanay. Mamimili po si Jillian?"
Tumango ito. "Oo. Siya ang bumibili ng paninda palagi sa tindahan. Magaling kasi 'yang tumawad. Kaya nga lang, wala siyang makasama ngayon. Hinihika ang ama niya saka may mga pasok naman lahat ang kapatid niya. Ako naman ay magbabantay ng tindahan,"
"Ay ganoon po ba? Walang problema. Karangalan ko po ang samahan siya."
Tinaasan siya ng isang kilay ni Jillian. "Nakarating ka na ba sa Divisoria?"
"Hindi pa. Pero looking forward ako na makarating doon,"
"Hmmm..." Mukhang alinlangan rin si Jillian. Pero pumayag rin naman ito sa huli. Natuwa naman ang Nanay ni Jillian. Nag-aalala pala kasi ang Nanay nito para sa babae. Marami daw kasi ang pamimili si Jillian at mahihirapan daw ito.
Inalalayan ni Sid papunta sa sasakyan niya si Jillian. Doon tumanggi ang babae. "Magba-biyahe lang tayo. Mahirap magdala ng sasakyan sa Divisoria."
"Pero marami kang bibilhin. Mahihirapan tayong magbibitbit. Isa pa, mainit."
"Kung gusto mo talaga akong makasama, masanay ka sa hirap." Wika nito saka naglakad na para pumara ng tricycle.
Sumunod na lang si Sid. May punto naman nga kasi si Jillian. Inisip na rin niya na bagong experience rin ito sa kanya.
Pagkatapos nilang sumakay ng tricycle ni Jillian ay jeep naman ang sumunod. Maaga pa naman, pero siksikan sa jeep. Pagkababa tuloy niya ay pawis na pawis siya. Samantalang si Jillian ay parang balewala lang. Mukhang sanay na ito sa ganoon.
"Susuko na?" naghahamon ang boses nito.
"Of course not!" Pinunasan niya ang pawis. "Para ito lang!"
Nagyayabang ang boses ni Sid. Nagkibit-balikat lang si Jillian. Nagsimula na itong hatakin siya para mamili ng paninda. May mga pagkain pero may mga laruan rin. Marami kasing tinda ang tindahan ng mga ito.
Pagkatapos ng dalawang oras, parang gusto ng bawiin ni Sid ang sinabi at pagyayabang. Pakiramdam niya, sa pawis niya at mga nilakad sa pamimili ay nabawasan na yata ng tatlong kilo rin ang timbang niya.
"Magpahinga naman tayo," Yaya niya kay Jillian.
"May kailangan pa akong bilhin. Mamaya na,"
"Mga ilang oras pa?"
"Two? Three? Hindi ko alam. Depende kung mahirap makipagtawaran,"
Nakagat ni Sid ang ibabang labi. Napatingin rin siya sa langit. Lord, kakayanin ko pa ba?
Nahihirapan si Sid dahil first time niya sa Divisoria. Tama nga ang sabi-sabi. Maraming tao at siksikan kahit na ba weekdays naman. O siguro, hilig lang talaga ni Jillian na makipagsiksikan. Kung saan maraming tao ay doon ito pumupunta. Ayon rito, ibig sabihin lang kasi noon ay mura doon ang bilihin kaya pinupuntahan. Bukod pa sa kung makipagtawaran si Jillian ay umaabot ng kalahating oras o higit pa. Binabarat kasi nito ang mga tindera.
Nagtiis pa ng isang oras si Sid. Pero nang hindi na talaga niya kaya ay hinawakan na niya si Jillian. "Kumain na muna tayo. Ililibre na kita at kahit ang lahat ng tao sa kainan pumayag ka lang na magpahinga naman tayo,"
"Tumigil ka nga. Kaya kong pakainin ang sarili ko,"
"Well then, hayaan mong gawin na natin iyon ngayon."
Kung hindi pa papayag si Jillian, determinado na siyang iwan lahat ng bitbit niyang paninda at buhatin mismo sa kainan. But thankfully, pumayag naman ito. Sa isang hindi kagandahang pansitan sila kumain. Napasimangot tuloy siya.
"You know what, kaya naman kitang pakainin sa five star hotel restaurants, eh."
Inikutan siya nito ng mata. "Well, ako hindi."
"Ililibre naman kita. Hindi naman ako kuripot na manliligaw."
"Hindi rin naman ako ganoon kasama para hindi ka ilibre pagkatapos kitang i-drag sa gulo na ito. Isa pa, sigurado akong mas masarap pa ang pancit rito kaysa sa mga five star hotel restaurant mo,"
Inunahan na siya ni Jillian sa pag-order. Gaano man niya igiit na siya ang magbayad ay hindi ito pumayag. Hinayaan na rin niya ito sa huli.
Habang naghihintay ng order, panay ang paypay ni Sid sa sarili. Bukod sa maraming tao, dalawa lang ang electric fan sa pansitan. Napakainit ng paligid. Pawis na pawis pa rin siya.
"Wala ka bang panyo?"
Umiling si Sid. "Hindi naman ako madalas na napapawisan kaya hindi ko rin ugali na magdala,"
Napailing-iling si Jillian. Kinuha nito ang panyo nito sa bag. Ang akala niya, ibibigay lang nito iyon sa kanya para punasan ang sarili niya. Pero nagulat siya nang ito mismo ang magpunas ng pawis sa mukha at leeg niya.
Sid felt so cared. Na-touch ang puso niya.
"Thank you. Marunong ka rin pala na mag-alaga,"
Umismid si Jillian. "Mas tamang sabihin na marunong rin naman akong maawa,"
Wala ng pakialam si Sid kung awa nga lang nararamdaman na iyon ni Jillian. Sa isip niya, payag na siya na sumabak sa Divisoria araw-araw makaranas lang ng araw-araw na pag-aalaga nito.