7
"YOU'RE going home," may awtoridad na wika ni Sid kay Jillian.
Inirapan ni Jillian ang lalaki. "Kasalanan mo ang lahat ng ito,"
"Ginawa ko lang ang nararapat para sa 'yo," Hinawakan siya ni Sid para alalayan. Kaagad na inalis niya ang kamay nito.
"Kaya ko," giit ni Jillian.
Tinaasan siya ni Sid ng isang kilay. "Gusto mo bang ibalik pa ulit kita sa clinic?"
Inirapan ulit niya ito. Si Sid ang dahilan kung bakit naistorbo siya ngayon sa trabaho. Pero nagiging doble ang inis niya dahil naalalang ito nga rin pala ang dahilan kung bakit niya kailangang umuwi.
Pinilit ni Jillian na huwag ipahalata na natapilok siya kahapon. Alam iyon ng pamilya niya dahil sa paghatid sa kanya ni Sid kagabi. Pero nang tanungin ng mga ito kaninang umaga kung okay na siya ay nagsinungaling siya. Ayaw niya kasing um-absent sa trabaho. She can't afford to. Wala pa siyang kahit anong sick leave. Sayang ang isang araw na trabaho.
Kahit sa trabaho, pinahalata ni Jillian na okay lang siya. Tiniis niya ang sakit. Pero nang puntahan siya ni Sid sa lunch time niya ay pinilit nito na tignan ang paa niya. Nang makitang namamaga pa rin iyon ay dinala siya nito sa clinic. She was advised to go home. Inis na inis siya.
"'Wag ka ng mag-inarte pa, Jillian. Let me help you. I will also take you home,"
Tinaasan niya ito ng isang kilay. "May trabaho ka,"
Nagkibit-balikat ito. "That's just a job. Hindi ko ikakasira iyon kung mag-half day ako,"
"Hindi mo ako responsibilidad,"
Ngumiti si Sid. "I want you to be,"
Natahimik si Jillian. Matigas ang puso niya. Pero sa ngiti ni Sid ay parang natunaw iyon.
Danger alert.
Hinayaan na lang sa huli ni Jillian ang lalaki. After all, ito naman ang may kasalanan ng lahat. Kung hindi siya nito kinulit, hindi sana siya matatapilok.
Inalalayan siya ni Sid hanggang sa makarating sila sa kotse. Doon niya na-realize kung bakit madami ngang babae ang nagkakagusto rito. Bukod sa guwapo, gentleman rin naman pala ang lalaki. He is charming indeed.
Somehow, natutuwa naman si Jillian sa atensyon na ibinibigay sa kanya ni Sid. Pero malaking bahagi rin niya ang kinababahala iyon. Para kasing iba ang pakiramdam niya rito kumpara sa ibang lalaki. Lumaki siyang suplada. Pero si Sid, tingin at ngiti lang nito ay parang gumaganda ang araw niya kahit na ba ayaw niya.
"Last mo na ito, ha," sa mga na-realize ay nakagawa si Jillian ng desisyon bago makababa ng sasakyan ni Sid.
"What do you mean?"
"Na ihahatid ako. Ayaw na kitang makita. Hindi ako interesado sa 'yo," diretsahang sabi niya. Sanay naman siyang magpalayas ng isang lalaki. Pero ewan ba niya at parang kumirot yata ang puso niya sa sinabi.
Kung ang ibang lalaki ay lungkot ang nasa mukha, hindi si Sid. Ngumisi ito. "Mukhang mahihirapan ka lalo, ah."
Kumunot ang noo ni Jillian.
Itinigil ni Sid ang sasakyan. Parang nawala ang hangin sa paligid nang unti-unting inilapit nito ang mukha sa kanya. "Interesadong-interesado kasi ako sa 'yo at walang makakapigil sa akin."
Napalunok muna si Jillian bago magsalita. Sid's closeness polluted her mind. Hindi siya makapag-isip ng tama. "M-makakapigil saan?"
Kinindatan siya ni Sid. "Na manligaw sa 'yo. In fact, napagdesisyunan ko na ngayon ang tamang araw para magpaalam ako sa mga magulang mo,"
Natulala si Jillian sa mga kalokohang narinig mula kay Sid.