Library
English
Chapters
Settings

5

GAANO man i-assure si Jillian ng pamilya niya na okay na ang mga kapatid niya ay hindi pa rin siya kumalma. Buong maghapon siyang wala sa sarili dahil nag-aalala siya sa kondisyon ng mga ito. Lahat ng mga kapatid niya na kumain ng chocolate na ibinigay sa kanya ni Sid kahapon ay nanakit ang tiyan kaninang umaga. Dalawa sa mga ito ang dinala sa ospital dahil nanghihina. Ayon sa Doctor, food poisoning ang dahilan.

Binalikan ni Jillian ang kinain ng kapatid. Ang chocolate ang naisip niyang salarin at tama nga siya nang makitang expired na iyon. Nakonsensya siya at nangigil rin. Ang akala pa naman niya, mayaman si Sid. Bakit bibigyan siya nito ng expired na chocolates? May balak pala itong masama sa kanya.

Kinompronta niya si Sid. Maayos naman na kausap ang lalaki. Nag-undertime ito at pinangakong pupuntahan sa ospital ang mga kapatid niya. Kinompirma naman iyon ng mga magulang niya. Maghapon raw naroroon si Sid.

Dumiretso si Jillian sa ospital pagkatapos ng shift niya. Naabutan niyang naroroon pa si Sid. Nakikipaglaro ito sa bunso niyang kapatid na si Janis. Mukhang totoo naman ang sinabi ng magulang niya. Maayos na ang mga kapatid niya. May kulay na ang mukha nito.

"Ate! Lalabas na kami bukas!" Nang makita siya ni Janis ay halos magsasayaw pa ito sa kama. Gusto tuloy niyang maiyak. Maayos na nga talaga ang pinaka-bibo sa mga kapatid niya.

Niyakap at kinumusta niya ang mga kapatid niya. Wala na nga siyang dapat na ipag-alala dahil parehong masigla na ang mga ito. Hindi na rin daw matubig ang dumi ng mga ito.

"Salamat naman at okay na kayo," Nawala na ang tinik sa dibdib ni Jillian.

"Magagaling ang Doctor namin, eh. At sinigurado iyon ni Kuya Sid,"

Mukhang proud pa ang sampung taong gulang niyang kapatid na si Jonathan. Nakipag-apir pa ito kay Sid.

"Dapat lang naman. Siya ang dahilan kaya nandiyan kayo ngayon,"

"Aksidente lang naman ang lahat, Anak. Hindi iyon ginusto ni Sid. 'Wag mo siyang sisihin," Wika ng Nanay niya. Bukod kay Sid, ito lang ang nagbabantay sa mga kapatid niya. Nagpa-iwan na ang ama at ang iba pa niyang kapatid sa bahay. Lahat naman daw ito ay okay na rin.

"Salamat po sa pagkampi sa akin," Kakamot-kamot namang wika ni Sid.

"Ang bait-bait mo kaya, Kuya. Maraming salamat rin," wika pa ni Jonathan. Sumang-ayon rin naman si Janis at niyakap pa si Sid. Mukhang close na close na ito sa lalaki.

Napakunot-noo si Jillian. Playboy si Sid. He broke hearts of many people. Paanong magiging mabait ang isang kagaya nito?

Pero higit sa lahat, ipinagtataka niya ang klase ng pagtrato rito ng pamilya niya. Alam niyang mabait at soft-hearted ang pamilya niya, lalo na ang mga bata niyang kapatid. Pero hindi basta-basta dapat na nagtiwala ang mga ito sa lalaki. Si Sid ang dahilan kung bakit nalagay ang mga ito sa masama.

Sa isip ni Jillian, mukhang may masama talagang balak si Sid. Baka pinakain naman nito ng gayuma ang pamilya niya.

O siguro, charming lang talaga ang lalaki.

Nakakatakot kung ganoon. Pero bakit nga ba siya matatakot? Hindi naman siya kagaya ng pamilya. Hindi madaling mahulog ang loob niya. Hindi siya madaling magtiwala, lalo na ang ma-charm sa isa.

Pero nang tignan at ngitian ni Jillian si Sid, parang kakainin yata niya ang sinabi.

Bakit kahit masama ang loob niya sa lalaki, nagiging guwapo pa rin ito sa kanyang paningin?

Download the app now to receive the reward
Scan the QR code to download Hinovel App.