4
MAAGA pa lang ay pumasok na si Jillian sa kompanya. Hindi naman naging maganda ang simula ng araw niya ay hindi pa rin naman siya pinabayaan nang malaman niyang mas maaga ang shift ni Sid kaysa sa kanya. Ibig sabihin lang noon, nasa kompanya na ito. Hinanap niya kaagad ito at masuwerteng nakita rin kaagad.
Ang ganda ng ngiti ng loko nang makita siya. "O, bakit nandito ka? Akala ko ba hindi ka interesado sa akin?"
Hinablot niya ang manggas ng T-shirt nito. "Kailangan mong panagutan ang mga kapatid ko!"
Sid was amused. "Hindi pa nga ako nakakahalik sa 'yo, pananagutan ko na agad ang pamilya mo?"
"'Yung chocolate mo!"
"Nabuntis ang kapatid mo sa chocolates ko?" tatawa-tawang wika ni Sid.
"Walang nakakatawa!" singhal niya rito. Napatingin tuloy ang lahat ng nasa engineering department sa kanya. Pero wala siyang pakialam. Kung alam lang nito ang ginawa nito sa mga kapatid niya. "Subukan mo pang tumawa, makakatikim ka ng suntok sa akin,"
Natahimik naman ito. Tumikhim ito at humalukipkip. "Anong problema?"
"Kailangan mong bayaran ang ginawa mong kasamaan sa mga kapatid ko. Ikaw ang nagbigay ng expired na chocolates, ikaw ang dahilan kung bakit sumakit ang tiyan nila at na-ospital ngayon," Nanginginig sa pinaghalong galit at takot sa pag-aalalang sa mga kapatid niya na wika ni Jillian.