2
"AYOKO ng bulaklak mo at ayoko rin sa 'yo!" walang gatol na wika ni Jillian sa isa sa mga ground attendant na nagtatangka na magpa-cute sa kanya. Sa tatlong buwan niyang pagtatrabaho sa Air Philippines---isa sa mga nangungunang airline company sa Pilipinas, ay hindi na niya mabilang ang lalaking tinanggihan niya.
Nanginginig ang lalaki nang ibigay nito sa kanya ang bulaklak. Nang magsalita ito, nanginginig na rin ang boses nito. "P-puwede mo bang linawin sa akin kung bakit?"
"Simple lang, hindi ko kailangan ng lalaki sa buhay ko sa ngayon,"
"Willing naman akong maghintay, eh."
Tinaasan niya ito ng isang kilay. "Nasa grade two pa lang ang bunso kong kapatid. Balak kong magpapasok ng lalaki sa buhay ko kapag graduate na siya ng college. Payag ka bang maghintay ng ganoon katagal?"
Napalunok ang lalaki. "Grabe ka naman."
Nagkibit-balikat si Jillian. "Take it or leave it,"
Alinlangan ang mukha ng lalaki.
Tumalikod na si Jillian. Hindi na naman bago sa kanya ang lalaking kagaya nito. Sa una lang ang mga ito magaling. At wala siyang oras para pag-aksayahan ng panahon ang mga kagaya nito.
Naglakad na si Jillian at hindi na rin naman siya hinabol ng lalaki. Wala naman siyang pakialam. Bukod sa ayaw rin niyang mag-entertain ng lalaki, hindi rin naman niya ito gusto. Wala itong dating sa kanya. Mukhang mahina rin ito para sa kanya. Alam niyang sa huli, hindi rin magiging maganda ang magiging relasyon nila.
Tapos na ang duty ngayon ni Jillian bilang office staff. It's been a long day. Maraming transaksyon sa opisina. Pagod na siya. Pero alam niyang mas mapapagod pa siya sa pag-uwi. Rush hour na. Traffic na naman. At ang mahirap pa, sa pampublikong sasakyan na naman siya sasakay. Sa mainit na jeep, sa ordinary at siksikan na bus. Bago pa rin siya makapunta sa sakayan ng jeep ay kailangan pa niyang maglakad nang malayo. Masakit na ang paa niya sa halos maghapong pagtayo. Gutom na rin siya. Gusto sana niyang bumili kahit biscuit man lang. Pero inisip niya ang pera na ipangbibili noon. Pandagdag baon na rin iyon ng kapatid niya. At mas kailangan ng baon ng kapatid niya kaysa sa kaunting kaginhawaan niya.
Nalulungkot si Jillian sa isipin. Kung mayaman lang sana siya, hindi siguro siya mapapagod nang ganoon. Hindi rin sana siya magugutom. Kakayanin rin sana niya na mag-rent nang maliit na apartment o ang maki-share man lang sa isa sa mga katrabaho niya. Pero mas magastos iyon. At sa lagay ng buhay nila, hindi siya puwedeng maging magastos.
Isa pa, ginusto niyang magtrabaho at manatili sa kompanya na iyon. Malayo iyon sa bahay nila. Pero dahil matagal na niyang pangarap na magtrabaho sa isang airline company ay tiniis niya. Tourism graduate siya. Nag-attempt siya na maging stewardess sa kompanya. Kaya nga lang, hindi siya nakapasa sa medical test. Malabo raw kasi ang isa sa mga mata niya. Sinubukan niyang makuha man lang kahit ground attendant, kaya lang wala pa raw opening sa ngayon. Pero binigyan naman siya ng ibang oportunidad ng kompanya at iyon nga ay maging office staff. Kinuha na rin naman niya iyon at inisip na lang na mag-a-apply siya ulit kapag may opening na ng ground attendants. Magiging madali na rin naman iyon sa kanya dahil nasa loob na siya. Sa ngayon, tatlong buwan na siyang nagtatrabaho roon.
Palabas na si Jillian ng kompanya nang may isang lalaking nakasandal sa pader ang humarang sa kanya. Sa itsura nito, mukhang hinihintay siya nito. Kinindatan rin siya nito.
Nagtaas ng isang kilay si Jillian. Pamilyar sa kanya ang lalaki, pero hindi niya sigurado kung saan niya nga ba ito nakita. Mukhang empleyado ito ng Air Philippines.
"Want to date me instead?"
"Who the hell are you?" Kahit laking mahirap, magaling sa ingles si Jillian. Isa siya sa mga nangunguna sa klase nila noong college pa siya.
Tumawa ang lalaki. Napakunot-noo naman siya. Bukod kasi sa wala namang katawa-tawa ay parang lumikot rin ang puso niya sa tunog ng tawa nito. It was so good. And so was his face.
Matangkad si Jillian sa height na 5'8 pero mas matangkad sa kanya ang lalaki. Sa tingin niya, nasa 5'11 ang height nito. Malaki itong lalaki pero hindi naman ganoon katabaan. Hindi rin tipikal na pinoy ang itsura nito. Maitim ito pero hindi ang mga mata. It looked a mixture of the color brown and green---hazel eyes. Tatalunin rin nito sa tangos ng ilong si Mr. Bean, but in a good way. Makapal pero mas nagpapamukhang sexy naman ang labi nito.
Inilahad ng lalaki ang kamay niya. "I'm Sid. Jillian, right?"
Noon lang napansin ni Jillian na may accent ito. Parang may pagka-British ang pag-iingles nito. Pero hindi naman ito mukhang isa. He looked more like an Indian. At siguro nga ay ganoon. Naalala niya na isa sa mga klase nila sa Foreign Studies na ang India nga pala ay minsang sinakop ng mga British. Nakuha ng mga ito ang klase ng pagsasalita at pati na rin ang iba pang kultura sa mga Briton.
And realizing that the guy seems like an Indian, naisip na ni Jillian kung sino ito. It was Siddharth Panda---isa sa mga notorious na lalaki pagdating sa babae hindi lang sa kompanya kundi pati na rin sa buong Pilipinas. Minsan na nabasa niya ito sa isang magazine bilang isa sa magkakapatid na kilala bilang mga International Playboys. Ilang beses rin niyang naririnig ang mga katrabaho na nag-uusap tungkol rito. He is working as a Senior Aircraft Engineer in the company.
"Yes. Anong kailangan mo?"
"Number mo," ngingiti-ngiting wika ng lalaki.
"Hindi ako nagbibigay ng number sa isang estranghero,"
"Nagpakilala na ako. Isa pa, parang imposible naman na hindi mo ako kilala,"
"Hindi ako interesado sa 'yo."
"I am."
"So?"
Inilabas ni Sid ang chocolates mula sa likod nito. "How about this?"
"How about that?"
"Ibibigay ko sa 'yo para mapatunayan na interesado ako sa 'yo. Girls like chocolates, right? At kapag interesado ka sa isang tao, you give gifts to them..."
Tinitigan ni Jillian ang chocolates. Sa huli, kinuha rin niya iyon at inilagay sa bag niya.
"Hindi ako tumatanggi sa grasya. Pero hindi ibig sabihin noon, interesado na rin ako sa 'yo. Salamat na lang sa chocolates."
Kumunot ang noo ni Sid. Pero hindi na hinintay pa ni Jillian ang susunod na reaksyon nito. Tinalikuran na niya ito at nagsimula nang maglakad papunta sa sakayan ng jeep. Hinabol siya ng tawag ng lalaki pero hindi na niya ito binigyan ng oras para lingunin pa. Para saan pa? Hindi niya gustong maging interesado ito sa kanya. Mas lalong hindi niya gustong maging interesado rito. Kilala itong playboy. Sasaktan lang siya nito.
Besides, Jillian had said her piece. Tumatanggi siya sa mga bulaklak pero hindi sa chocolates. Nakakain kasi iyon. At masama ang tumanggi sa mga pagkain. Bukod pa sa mapapakinabangan niya iyon, lalo na sa gutom na niyang lagay ngayon.
Pero habang nasa jeep ay nag-alinlangan si Jillian kung kakainin ang chocolate. Nang bilangin kasi niya iyon ay sakto lang para sa mga kapatid niya. Lahat ng mga ito ay mahilig sa chocolates. At ang ma-imagine na hindi niya mabibigyan ang isa dahil kakainin niya ay kinalulungkot rin niya. Maganda pa naman sanang pang-pasalubong sa mga kapatid ang chocolate.
Sa huli, tiniis ni Jillian ang gutom. Pero sa ginawa, hindi rin niya mapigilang hindi mapaisip kung kailan hanggang kailan siya magtitiis para sa pamilya niya.