4
"ANG INIT-INIT!" reklamo ni Cielo sa sarili habang naglalakad pabalik sa office ng di Stefano Vineyard. Bilang assistant ni Rocco, isa sa mga responsibilidad niya ay ang tulungan rin ito sa mga responsibilidad nito sa farm. Ngayong araw ay wala na naman ang boss sa opisina. Pero inutusan siya nito na gawin ang daily routine nito sa farm: ang bisitahin, kumustahin ang mga farmers at pati na rin ang mga pananim.
Pero baguhan pa lang si Cielo sa farm kaya hindi pa siya marunong ng karamihan sa nakasanayan roon. Pumunta siya sa mismong farm na naki-sakay sa kabayo ng isa sa mga farmer. Ngayong tapos na siya sa gawain, naglakad siya pabalik. Bukod kasi sa hindi niya makita ang taong sinuyo niya kanina, hindi naman niya maabala ang iba para ibalik siya. Lahat ay abala at ayaw niyang maistorbo ang mga ito.
Ang kabayo ang transportation sa farm. Ayon sa nakausap niya, dati naman daw ay may truck na ginagamit para makapunta roon. Pero nasira daw iyon a month ago at hindi pa napapaayos. Hindi siya marunong mangabayo kaya ngayon ay nahihirapan siya.
Nakakalahati na ng daan pabalik sa opisina si Cielo nang may marinig siyang mabilis na yabag ng kabayo. Lumingon siya roon, nagbabaka-sakali na puwede siyang makisakay pabalik sa opisina. Pero lalo yatang sumama ang pakiramdam niya nang makita si Rocco.
Manloloko talaga ang loko. Gigil na wika ni Cielo sa isip. Sasabihin nito na wala may importanteng gagawin ito pero ngayon ay makikita niya itong nangangabayo? Gigil mo si ako, Rocco!
"Sa wakas, nakita rin kita! Ano bang gusto mong gawin sa buhay mo?"
Inikutan niya ito ng mata. "Excuse me, ikaw ang dahilan kaya ako naglalakad sa initan ngayon!"
"Oo nga. Pero puwede ka naman na magpahatid," Umiling-iling si Rocco. "Mamaya na nga 'yan. Sumakay ka na,"
Bumaba si Rocco ng kabayo at inalalayan siya sa pagsakay. Nang makarating sila sa opisina ay may pag-aalala ang mukhang tinitigan siya nito. "Don't do it again, okay? Kapag nagka-free time ako, tuturuan kitang mangabayo para hindi ka na mahihirapan kapag papupuntahin kita sa vineyard,"
"Tanggap ko naman na parte rin ito ng trabaho," Napabuntong-hininga si Cielo. "Sorry at naging ma-reklamo ako,"
Umiling si Rocco. Kinuha nito ang panyo nito at pinunasan ang mukha niya. Napakurap-kurap si Cielo. Nagulat siya sa inasal nito.
"B-bakit?"
"It's just me saying sorry," Bumuntong-hininga si Rocco. "Totoong hindi sana ako puwede ngayon. I had a wild encounter last night and I don't want to leave in bed that's why I told you I can't come to the office. Pero na-realize ko naman na mas mahalaga pa rin ang trabaho kaysa sa landi. So here I am..."
"Hmmm..."
"I'm sorry,"
Kinuha na ni Cielo ang panyo nito. "Ako na. Kaya ko na."
"Nagkamali ako kaya gusto kong bumawi," patuloy pa rin ng pagpupunas ng pawis niya si Rocco.
Tinaasan niya ito ng kilay. "Pambabawi ba talaga ito o pananantsing na?"
Tumikhim si Rocco. "Aaminin ko na playboy ako. Siguro ay masama rin akong tao dahil nilalaro ko ang puso nila. Pero hindi naman ako ganoon kasama. Marunong pa rin akong magpahalaga ng tao,"
Seryosong-seryoso ang boses at mukha ni Rocco. Parang napahiya tuloy siya. Napalunok siya, lalo na at nagsalubong rin ang mga mata nila. Bigla-bigla ay parang bumilis ang tibok ng puso niya.
Mukhang gusto nga talaga ni Rocco na patunayan na first impression never last. At ang sarili naman niya ay gusto rin na patunayan na first feelings never last.