8
ISANG araw ay dinala ni Rashid si Yaminah sa isang sikat na amusement park para gumala. Mas maganda ang mga amusement park sa Saranaya pero mas gumanda sa paningin niya ang sa Pilipinas dahil sa kanyang kasama. Ito ang unang beses na nagkasama sila ni Rashid sa isang amusement park.
Masayang-masaya si Yaminah. Hindi man sila mukhang magkarelasyon kagaya ng karamihan sa nakikita niya roon ay okay na rin. Paano ay buong araw rin na magkalapit ang mga katawan nila. Ilang beses rin na hinawakan ni Rashid ang kamay niya.
"Are you in for that ride?" wika ni Rashid at itinuro ang isang tila nakakatakot na roller coaster.
Hindi matatakutin si Yaminah. Tumango siya. Sa tingin niya ay wala rin naman siyang dapat na ikatakot. Basta kasama niya si Rashid, pakiramdam niya ay ligtas siya. Hindi siya pababayaan nito.
Niyaya siya ni Rashid sa roller coaster. Pang-apatan ang seat ng roller coaster sa bawat row. Magkarelasyon ang nakatabi nila ni Rashid. Bago mag-umpisa ang ride, nag-usap ang mga ito.
"Babe, natatakot ako." Wika ng babae sa kabila ng pagpapanatag ng boyfriend nito na magiging maayos ang lahat.
"Hmmm..." Ngumisi ang lalaki. Hinawakan nito ang mukha ng babae at sa gulat nilang dalawa ni Rashid ay balewalang hinalikan nito ang girlfriend. Matagal-tagal rin iyon. "O, natatakot ka pa ba?"
Namula ang babae. Pagkatapos ay sandaling sumandig ito sa boyfriend at umiling na.
Tumingin si Rashid kay Yaminah. Nakangisi ito. "O, natatakot ka rin ba?"
Sandaling napaawang ang labi ni Yaminah. "Teka, 'wag mong sabihin na hahalikan mo rin ako kapag sumagot ako ng "oo"?"
Shit, gusto ko na yatang magsinungaling maranasan lang 'yun!
Pinindot ni Rashid ang ilong niya. Pero iyon lang ang natanggap niya mula sa lalaki. Nadismaya tuloy si Yaminah. Exciting ang sinakyan nila pero hindi na niya gaanong naramdaman iyon. Somehow ay nakaramdam siya ng panghihinayang. Hindi napagbigyan ang gusto niya.
Nagpatuloy ang disappointment ni Yaminah kahit ilang rides na ang nasakyan nila ni Rashid. Napansin rin naman iyon ni Rashid.
"May problema ba? Pagod ka na ba?"
Tumingala si Yaminah sa lalaki. "Rashid, what am I to you?"
Sanay si Yaminah na nakukuha ang lahat ng gusto niya. Kaya masakit para sa kanya na hindi man lang siya napagbigyan.
Nagulo ang mukha ni Rashid. "Yaminah..."
Pagak na tumawa si Yaminah. "Hindi ang pangalan ko ang sagot sa tanong ko."
Wala siyang makitang problema kung aamin sa kanya si Rashid. Malaki na sila. Graduate na nga siya. Kilala na rin nito ang Papa niya. Mabait ang kanyang Papa. Hindi ito hihindi kapag sinabi niyang gusto niya si Rashid. Kaya niyang ipaglaban ang lalaki, basta sabihin lang nito na gusto rin siya nito.
Bumuntong-hininga si Rashid. Pero nang tumingala si Rashid ay nakangiti ito. He cupped her face. Hinalikan nito ang noo niya.
"Anong naramdaman mo?" tanong ni Rashid pagkatapos.
"Hmf, pang-bata iyon," wika ni Yaminah, kahit na ba nakaramdam siya ng pagka-espesyal sa halik na iyon. Tila may paru-paro rin na lumipad sa tiyan niya.
"Ganyan ba talaga ang mga prinsesa? Demanding?" namimilog ang mata na wika ni Rashid.
"Hmmm... let's just say na nainggit lang ako kanina sa nakasakay natin sa roller coaster."
Kinuha ulit ni Rashid ang mukha niya. Inilapat nito ang labi sa labi niya. Pero sandali lang iyon.
Kinikilig pero ipinadyak ni Yaminah ang paa. Umiral ang pagka-spoiled brat niya. "More!"
Pinigil siya ni Rashid. Tumingin ito sa paligid. "Nakikita tayo ng body guard mo. Nakakahiya. Isa pa, paano kung may paparazzi pala rito?"
Kakaunti lang ang nakakaalam ng pagpunta ni Yaminah sa Pilipinas kaya imposible na may paparazzi. Isa pa, hindi naman siya ganoon kasikat. Hindi naman kasi malaking kaharian ang Saranaya. Sinadya rin niyang magsuot ng mga simpleng damit para hindi makaagaw ng atensyon.
"I still don't care. Ipaglalaban mo naman ako kung magsumbong man ang body guard kay Papa 'di ba?"
Ngumiti si Rashid. "Yeah. Pero wala ka rin sa Saranaya ngayon. Hindi ka prinsesa rito kaya 'wag mo akong dalihan ng pagiging spoiled brat mo. Learn to control yourself."
Humalukipkip si Yaminah. Pinisil ni Rashid ang pisngi niya. Tumawa ito. Natulala naman siya. Minsan lang niya na makita na tumawa si Rashid. And his laugh was just like music to her ears. Kinontento na lang ni Yaminah ang sarili sa lahat ng mga naranasan ngayon. Pagkatapos ng lahat, nakikita niyang hindi lang naman "ngayon" ang mayroon sila ni Rashid. She has a good feeling that they also have a future. Nakikita niya ang sarili na kasama ito habang buhay.