7
LUMIPAS pa ang mga buwan. Napagtanto ni Sari na ang pag-amin kay Mikhail ng tunay niyang nararamdaman ang makakapagpaintindi rito sa lahat. Hindi na siya nito muling binisita. Nanatili pa rin ito na nakikipag-usap sa kanya pero sa pamamagitan na lamang iyon ng tawag at text messages. Tanging pangungumusta lamang tungkol sa kalagayan niya ang ginagawa nito. Tuwing alam naman nito na magpapa-check up siya ay nagpapadala ito ng driver na siyang maghahatid sa kanya sa ospital at siya rin na magbabalik pauwi sa kanya sa bahay.
Maayos si Sari sa sitwasyon na iyon. Ginugulo lamang ni Mikhail ang buhay niya. Siguro nga ay masarap na may makasama, may mag-alaala sa 'yo lalo na sa mga panahon na masama ang pakiramdam mo. Pero hindi ang lalaki ang kailangan niya para doon. Hindi niya muna gustong mapalapit sa lalaki pagkatapos ng mga nangyari sa buhay niya. Gusto niya muna na ayusin ang buhay niya kahit mahirap dahil sa sitwasyon niya. The consequences of the night with Mikhail will always be with her.
Pero sadyang may mga araw na mahirap rin na mag-isa kahit masasabi ni Sari na sanay na naman siya. Kakaunti lamang ang mga kaibigan niya. Halos mga katrabaho pa nga niya ang karamihan na iyon. Noong nag-aaral pa kasi siya ay bahay at paaralan lamang ang buhay niya. Mahigpit ang Lola niya. Ang tanging tao lamang na kasama niya sa mga espesyal na okasyon nang mawala ang Lola niya ay si Dominic. Pero wala na ito. May narinig na naman siyang balita sa lalaki. Kasalukuyan daw itong na-assign sa ibang bansa dahil sa trabaho nito. Ang Papa naman niya ay next week pa makakababa ng barko para sa bakasyon nito.
Ngayong araw ay masasabi ni Sari na isa sa mga araw na mahirap na mag-isa. Birthday niya. Wala siyang pasok. She was on a birthday leave. Pero nang maggising at maramdaman ang matinding kalungkutan na iyon ay nagsisi siya na ginamit pa niya ang leave. Kung dati ay masaya siya dahil palagi silang nagde-date ni Dominic kapag birthday niya, ngayon ay wala na iyon.
Mag-isa na naman si Sari. O iniisip lamang niya iyon. Tatlong buwan na lamang ay manganganak na siya. Ilang beses na rin niyang naramdaman ang sanggol na dinadala. Hindi siya mag-isa. Kasama niya ang anak niya. Pero bakit ganoon ang nararamdaman niya? Pakiramdam niya ay may kulang. Mayroon pa rin na mali...
Matagal rin na nagmuni-muni si Sari sa kama niya sa umaga ng birthday. Nakatulala lamang siya sa kisame ng bahay. Hindi pa rin sana niya gustong bumangon kung hindi nga lamang may nag-door bell sa pinto. Alas nuwebe na rin naman ng umaga kaya inintindi na rin niya iyon kahit wala naman siyang inaasahan na darating.
"Happy Birthday!" ang pagbati na iyon ni Mikhail ang bumungad kay Sari nang buksan niya ang pinto. Shock was an understatement. Sa lahat ng kakilala niya, si Mikhail ang huling tao na naisip niyang pupuntahan siya.
Sinukuan na siya ni Mikhail. Kapag nga nagkakausap sila, palaging tungkol sa bata lang ang pinag-uusapan nila.
"S-salamat. Pero bakit ka nandito? Ang akala ko ay naka-duty ka. Isa pa, paano mo nalaman na birthday ko ngayon?"
Nagkibit-balikat si Mikhail. Ang tatlong pula na lobo na hawak-hawak nito ay ibinigay nito sa kanya. Kinuha niya iyon at pinapasok sa loob. Nang makapasok at makaupo sa sala ay sinagot nito ang tanong niya.
"Para sa una mong tanong, gusto ko na i-celebrate ang birthday ko kasama ka. Naalala ko na birthday mo ngayon so I decided to leave from work. Sa huling tanong naman ay dahil ina ka ng anak ko. I've thought of gathering facts about you..."
"Pina-imbestigahan mo ako?"
"Ganoon na nga. But hey, hindi naman iyon ganoon kasama. Gusto lang kita na makilala nang lubusan. After all, may isang bata na nag-uugnay sa atin."
"Puwede mo naman akong tanungin tungkol doon."
"Hindi ko inisip na magiging interesado ka."
Kumunot ang noo ni Sari. May naramdaman siyang hinanakit sa boses na iyon ni Mikhail. Masama ba ang loob nito dahil sa pagtanggi niya rito? O masama ang loob nito dahil alam nito na wala itong pag-asa sa kanya?
Hindi dapat. Bakit naman siya bibigyan ni Mikhail ng pagpapahalaga samantalang maraming babae sa buhay nito? Mas maganda at alam niyang mas maibibigay ang gusto nito. Samantalang siya ay hindi niya maipo-focus ang lahat rito. Ang advantage nga lamang niya ay dinadala niya ang anak nito.
Pero uso na naman sa panahon ngayon ang ganoon. Nabuntis pero hindi pinanagutan. Sa kaso niya, gusto siyang panagutan pero naniniwala siya na hindi iyon tama. Wala naman silang nararamdaman ni Mikhail para sa isa't isa.
Mukhang nahalata ni Mikhail ang pagtataka ni Sari. Iniba nito ang usapan. "May plano ka ba ngayong araw?"
"Wala." Paano ba siya magkakaroon ng plano samantalang ang tanging tao na nakakasama niya sa loob ng apat na taon ay wala na naman? May pasok ang mga katrabaho niya. Kung yayayain man siya ng mga ito na lumabas, mamayang hapon pa iyon.
"Hmmm... so do you mind if I am the one who will make plans for you?"
"Ha?"
Doon muling ngumiti si Mikhail. Kinuha rin nito ang kamay niya. "Let's date?"
Napatingin si Sari sa kamay niya. Nakaramdam siya ng init roon na umabot hanggang sa puso niya. It felt nice...and sweet.
"Come on, Sari. Naisip ko rin na hindi pa pala tayo nakakapamili ng damit ng bata."
Tinanggal ni Sari ang kamay ni Mikhail. Nakaramdam siya ng lungkot. Pero ano ba ang dapat niyang isipin? Siya mismo ang tumanggi sa personal na relasyon na inaalok sa kanya ni Mikhail. Siya mismo ang nag-giit na ang bata lamang ang nag-uugnay sa kanilang dalawa. Kaya kung ano man ang ginagawa sa kanya ng lalaki, para sa bata iyon. At ngayong birthday niya ay binisita lamang siya nito para kahit papaano ay maging masaya siya. Kung ano ang nararamdaman ng ina ay ganoon rin ang nararamdaman ng bata.
"S-sige. Mag-aayos na lang muna ako."
Hindi na lamang nagprotesta si Sari. Wala rin naman kasi talaga siyang plano. Isa pa, naisip rin niya kung kailan nga kaya siya makakapamili ng gamit ng anak. Ayon sa Doctor, maigi na nga raw na mamili ng gamit habang maaga pa. Mahihirapan daw siya kapag pinatagal niya dahil hindi na siya magiging komportable. Habang tumatagal ay nagiging mabigat ang tiyan niya. Mas makakaramdam siya ng pagod.
Hinintay ni Mikhail si Sari na makapag-ayos. Ganoon rin ang makakain ng almusal. Dinala siya nito sa isang sikat na mall. Niyaya kaagad siya nito sa department store---sa pregnant section.
Umiling si Sari. "Hindi tayo dapat nandito. Doon tayo sa toddler's section."
"Hindi. Dito muna tayo." Tumingin si Mikhail sa suot niyang long blouse at leggings. "Don't you have dresses to wear?"
"Komportable ako sa damit ko."
"Paano kung hindi si Baby? Iniipit mo siya sa pamamagitan ng leggings---"
"Manipis naman at stretchable ang leggings na ito---"
"Kahit na." matigas ang tono ni Mikhail. Tumingin ito sa rack ng maternity dresses. Pumili ito ng walo roon. Inabot nito iyon sa kanya. "Try them."
Humalukipkip si Sari. "Pumunta tayo sa mall para sa baby, hindi para sa akin!"
"But you are carrying the baby. Dapat lang na alagaan ka rin." Kinuha ni Mikhail ang kamay niya. Inalalayan siya nito papunta sa dressing room. "Try them, okay? Consider it as my birthday gift to you, too."
Tumingin si Sari sa mukha ni Mikhail. Maganda ang ngiti nito. Her heart melt... and there was a huge urge not to suppress it unlike before.
Birthday ko naman. Puwede naman sigurong huwag kong pigilan ang nararamdaman ko na ito.
"Sige na nga," wika ni Sari. Mas lumaki ang ngiti ni Mikhail. Nagliwanag ang mukha nito. Parang nakakita tuloy si Sari ng mga salita sa paligid: Warning: Dangerous for the heart.
Hindi na lang pinansin iyon ni Sari. Isinukat niya ang mga damit. Napangiti siya nang makitang lahat ay bumagay sa kanya. Tuwing lumalabas siya para ipakita kay Mikhail ay puro papuri rin ang natatanggap niya rito.
"Magaling ka na pumili."
"Nah, lahat lang ay bumabagay sa 'yo, Kukolka..."
"Kukolka?"
"It means, baby doll in Russian. Para kang manyika. Napakasarap mong bihisan. You're one beautiful pregnant lady..." Masuyo na wika ni Mikhail sa kanya, sabay hawak sa pisngi niya na biglang namula.
"Stop with the praises. Pumunta na tayo sa toddler section," May pakiramdam si Sari na kinikilig siya. Pero kahit gusto rin niya na pagbigyan ang sarili, kailangan niya na isipin rin ang sitwasyon nila.
"Are you sure na okay na sa 'yo ang mga damit? I can pick you some more. Puwede ka rin na mamili ng mga gusto mo."
"It's fine. May maternity uniform kami sa office kaya hindi ko rin naman talaga kailangan ng maraming maternity dresses. Hindi rin ako mahilig gumala."
"All right." Binayaran ni Mikhail ang mga damit. Kumuha ito ng push cart para doon ilagay ang mga nabili at siya rin na paglalagyan ng mga bibilhin pa na gamit.
Makikita ang excitement si mukha ni Mikhail nang makarating sila sa toddler's section. Halos lahat ng gamit na recommended ng sales lady roon na kailangan nila ay binili nito. Hindi mawala-wala ang ngiti sa mukha nito. Hindi rin naman mahirap na mahawa sa klase ng reaksyon nito.
Ilang beses na napangiti si Sari sa reaksyon ni Mikhail. Hindi niya akalain na magagawa rin niya na mahawa sa excitement at enjoyment nito. Ito ang unang beses na naging masaya siya sa pagbubuntis niya. Hindi rin naman kasi siya masisisi. Hindi niya iyon gusto. Binago noon ang buhay. Nag-iba ang tingin sa kanya ng mga katrabaho mula nang malaman ang kalagayan niya. Nahihiya siya.
Hindi excited si Sari sa pagdating ng anak. Pero ibang-iba ang reaksyon ng ama ng dinadala niya. Mukhang napakasaya nito. Napaka-geniune ng ngiti. Nakakapagtaka. Playboy si Mikhail. Takot ito na matali. Pero siguro nga ay hindi pa talaga niya ito lubusan na kilala...
"Are you happy?" tanong ni Mikhail nang matapos silang mamili.
"Thank you. I appreciate everything."
"No worries. Pero hindi iyon ang tanong ko, Sari."
Natigilan si Sari. Was she really happy? Siguro. As of the moment, ganoon ang nararamdaman niya. Pinasaya siya ni Mikhail sa nakita na masaya ito sa nangyari kahit hindi ganoon ang nararamdaman niya sa buong pagbubuntis niya.
"Sari?"
Akmang sasagot na si Sari nang makaramdam siya ng kakaiba sa tiyan niya. Napahawak siya roon.
"May problema ba, Sari? May masakit ba sa 'yo? Masyado ka bang napagod?" puno ng pag-aalala ang boses ni Mikhail. Hinawakan siya nito sa baywang. Natutuliro ang mukha nito.
Nakangiting umiling si Sari. "No. Sa tingin ko, ang baby ang gusto na sumagot sa 'yo."
Kumunot ang noo ni Mikhail. Kinuha niya ang kamay nito. Inilagay niya iyon sa tiyan niya.
Namilog ang mata ni Mikhail. "The baby is kicking! P-pero teka, masakit ba iyon?"
Umiling si Sari. "It's fine. Masaya siguro si Baby kaya siya nagparamdaman."
Matagal-tagal na hinawakan at pinakiramdaman ni Mikhail ang pagsipa ng bata. Pinatapos pa nito iyon bago nito tanggalin ang kamay sa tiyan niya. Maliwanag ang mukha nito.
"The baby is happy. But I hope you are happy, too, Sari..." Masuyong inipit ni Mikhail ang buhok niya. Hinaplos nito ang pisngi niya. "I hope I made you happy on being with me today."
Indeed, gustong isagot ni Sari. Sinalubong niya ang mata ni Mikhail at naroroon pa rin ang saya. Pero mabilis rin na nawala iyon. Maaaring masaya siya sa ngayon. Kaya lang, alam naman niya na hindi magtatagal iyon.
Hindi sila ni Mikhail ang para sa isa't isa. Sa kabila ng lahat, may iba pa rin siyang mahal. Iba rin ang mundo ni Mikhail sa kanya. Tanging ang anak lamang ang mag-uugnay sa kanilang dalawa. Wala ng iba pa.