2
"HUSH, hush. Everything's going to be all right. You are welcome to this world. And yes, mahal na mahal ka namin, Baby..."
Napakalambot ng tinig ng ama ni Sari habang hawak-hawak sa kamay ang unang apo nito. Dalawang araw na simula nang maging ganap na Lolo ang kanyang ama. Alas siyete ng umaga kahapon ay nanganak siya ng isang malusog na sanggol na babae. Walang problema. Normal lahat sa sanggol.
Maliban sa nararamdaman ni Sari.
Ang sanggol ang unang anak niya. Aksidente man ang pagdating nito sa mundo ay dugo at laman pa rin niya ito. Dapat ay masaya siya sa pagdating nito. Perpekto ang sanggol. Walang dipresensya at sinabi ng Doctor na maaring bukas ay puwede na silang lumabas ng ospital. Pinaghirapan rin niya ang padadala at paglalabas rito sa mundo. She should feel something for the baby. Pero kahit ilang beses na rin naman niya na nahawakan ang sanggol ay hindi niya maramdaman ang saya sa pagdating nito. She feels bland...and disappointed. Hindi niya maintindihan kung bakit.
Mali ang kanyang ama. Hindi niya nararamdaman na welcome ang sanggol sa mundo. Hindi siya masaya sa pagdating nito.
Hinalikan ng ama ang sanggol. Ito lang ang kasama niya sa ospital. Apat na taong gulang pa lang si Sari nang mamatay ang kanyang ina. Namatay ito sa panganganak sa kapatid niya. Namatay rin ang kapatid niya dahil sa komplikasyon sa hirap ng panganganak rito. Nag-iisang anak lang siya. Ang Lola niya ang nagpalaki sa kanya pero namatay naman ito pagkatapos niyang maka-graduate ng kolehiyo. Sa probinsya nakatira ang iba pa nilang kamag-anak. Ang ama lamang niya ang natitirang kamag-anak niya. Pero ang isa pa sigurong ikinasasama ng loob ay alam niyang hindi rin ito magtatagal. Isang sea man ang kanyang ama. Nagbakasyon lamang ito dahil alam nito na manganganak na siya. Ito ang umalalay sa kanya.
Tahimik na ang kanyang anak na nakalagay sa kuna na pagmamay-ari ng ospital. Maayos naman ito kaya hinayaan na manatili na lamang sa kuwarto kaysa sa nursery.
Kanina ay panay ang iyak nito kahit hindi naman gutom o basa ang diaper. Inoobserbahan ito ng Doctor kaya kahit puwede na sana silang umuwi rin ngayon ay hindi nila naggawa. Pero ayon naman sa Doctor ay normal lang na maging iyakin talaga ang mga sanggol. Naninibago pa ito sa lugar kung nasaan ito ngayon.
Pero iba ang pakiramdam ni Sari. Kaya maligalig ang pakiramdam ng anak niya ay dahil nararamdaman nito ang nararamdaman niya. Hindi niya ito gusto. Nahawakan na niya ito pero wala siyang kahit anong koneksyon na nararamdaman.
Dinadahilan niya sa ama na natatakot siya. Napakalambot pa ng buto ng bata. Natatakot siya na baka magkamali siya ng hawak rito. Wala siyang alam tungkol sa bata.
Inintindi si Sari ng ama. Pero bakit siya ay hindi maintindihan ang sarili? Nang makatulog ang anak, siya naman ang napaiyak.
Dinaluhan siya ng ama. "Hindi mo gusto ang sanggol na ito."
Tinitigan ni Sari ang ama. Kahit madalas na malayo sa isa't isa dahil sa trabaho nito ay kilalang-kilala pa rin talaga siya ng ama. Kahit hindi niya aminin, alam nito ang nararamdaman niya.
"Pa, alam mo naman po na aksidente lamang ang lahat 'di ba? Isang pagkakamali." Gustong isisi ni Sari sa sitwasyon kung bakit ganoon ang kanyang nararamdaman. Nabuntis siya dahil sa isang one-night stand. Lasing siya noon. Hindi niya nakontrol ang kanyang sarili. Magulo ang utak niya.
"Pero hindi mo dapat ipakita sa anak mo na isa siyang pagkakamali. Kailangan ka niya, Anak." Tumingin ang ama sa sanggol. May lungkot sa mga mata nito. "Alam mo na hindi ako magtatagal sa Pilipinas para tulungan ka sa sanggol na ito. Next week ay matatapos na ang bakasyon ko. Kailangan mong matutunan ang mag-alaga ng bata. Pilitin mo ang sarili mo."
"Nakausap ko na si Aling Lydia," wika ni Sari na ang tinutukoy ay ang naglilinis sa bahay nila dalawang beses sa isang linggo. "Siya ang pag-aalagain ko sa bata."
Umiling ang ama niya. "Hindi mabuting ipaalaga mo sa iba ang anak mo, Sari."
"Wala akong nakikitang problema, Papa. Kilala mo naman si Aling Lydia. Mabait siya. Isa pa, marunong siya sa bata dahil nagkaroon na rin siya ng anak."
"Hindi ko pa rin gusto iyon. Ikaw ang ina. Tungkulin mo na alagaan ang anak mo."
Naglihis ng tingin si Sari. "M-may trabaho ako, Papa. Mahalaga ang trabaho ko."
"Tumigil ka muna. Hindi naman tayo maghihirap kung ititigil mo ang pagtatrabaho mo. Isa pa, sinabi mo sa akin na willing naman na suportahan ni Mikhail ang bata 'di ba?"
"Pero Papa---"
"Dapat ang magulang ang nag-aalaga sa anak." Patuloy pa rin na pangaral ng ama. "Alam mo ba noong ipinanganak ka ay isang taon akong tumigil sa pag-akyat sa barko? Gusto kita na maka-bonding. Ikaw ang unang anak ko kaya gusto ko na mas makilala at ma-connect ko ang sarili ko sa 'yo kahit sanggol ka pa lamang. Iyon rin ang payo sa amin ng mga Doctor. Mahalaga ang infant bonding para sa mga magulang."
Kapani-paniwala naman ang statement ng ama. Tumingin siya sa kanyang anak. Pinakiramdaman niya ang sarili. Pero wala pa rin talaga siyang maramdaman na koneksyon.
"At nasasabi na rin ang magulang, nasabihan mo na ba si Mikhail?"
Sa sinabi ng ama ay lalo lamang sumama ang nararamdaman ni Sari. Alam niyang hindi nararapat. Nadala lang si Mikhail ng sitwasyon. Ano bang nangyayari sa kanya? Kahit noong buntis pa siya, hindi rin niya gustong makipag-ugnayan rito. Kundangan nga lamang at iyon ang nararapat. Iyon rin ang payo sa kanya ng ama. May karapatan itong malaman. Napag-usapan na rin naman nila iyon pagkatapos nilang malaman na may posibilidad na makabuo sila.
"Hindi pa po. Hindi ko kasi sigurado kung kailan ang balik niya ng Pilipinas."
Isang piloto ang ama ng anak ni Sari. Nagtatrabaho ito sa isang sikat na airline company sa Pilipinas. Ilang beses rin silang nagkita sa durasyon ng pagbubuntis niya. Naipaliwanag na nito ang tungkol sa sitwasyon nito. Dumedepende sa biyahe ang pagpunta nito sa Pilipinas. International ang mga flight nito kaya hindi rin ito madalas na nakakauwi sa Pilipinas. Bukod pa roon ay hindi lang rin naman sa Pilipinas pumupunta si Mikhail kapag bakasyon nito. May Russian blood ito. Inamin nito sa kanya na madalas rin nito na binibisita ang ama na naka-base sa Russia.
"Sinubukan mo na ba? Kailangan niyang malaman ang tungkol sa bata, Anak."
Tumango si Sari. "Hindi ko naman po ipapagkait sa kanya ang anak namin, Papa."
"Mabuti kung ganoon. Now do it, Sari. Kahit nasaan pa man rin siya ngayon, kailangan pa rin niyang malaman. Kailangan niyo rin na magdesisyon kung ano ang ipapangalan sa bata..."
Sinunod ni Sari ang utos ng ama. May masama pa rin siyang pakiramdam tungkol sa pakikipag-ugnayan kay Mikhail. Pero tama ang kanyang ama. Kailangan ni Mikhail na malaman ang bata.
Pero bukod roon ay may isa pang dahilan si Sari...
Kung hindi magagampanan ni Sari ang tungkulin ng isang ina, kailangang gampanin ni Mikhail ang tungkulin nito bilang ama.
I'm sorry. I'm so sorry...