7. Wedding Date
"MAY NAPILI ka na bang date para sa kasal natin?"
Napatigil sa pagsubo si Melanie nang marinig ang sinabing iyon ni Vince. Kasalukuyan silang nasa isang sikat na restaurant sa bayan nila at nagde-date. Dalawang araw na ang nakalipas simula nang alukin siya nito ng kasal.
"Sa totoo lang ay gusto ko rin sanang i-open iyan sa 'yo. Hindi pa ako nakakapili at ang gusto ko sana, kasama natin ang mga magulang natin sa pagpili. Laking Batangas ka at alam mo naman siguro ang proseso ng kasalan rito."
Nalukot ang mukha nito. "Ang ibig sabihin mo ba ay gusto mong mamanhikan sa inyo?"
Kumunot ang noo niya. "Bakit hindi? Hindi ba at ganoon ang tradisyon? Kailangan nating sumunod roon."
"At ano? Ang makikisawsaw ang parehong parties? Hindi magandang ideya sa tingin ko. Ang gusto ko ay tahimik na kasalan lang. 'Yung sa munisipyo lang. Paniguradong kapag inamin natin sa magulang natin ang tungkol dito, hindi sila papayag na basta-basta lang iyon. Gusto ko sanang gawin muna natin ng sekreto at kapag natapos na iyon, saka natin sasabihin. Ayaw ko ng malaking selebrasyon. Ayaw ko ng maingay. Alam mo 'yun,"
Bumuntong-hininga siya. May punto si Vince. Pareho silang nag-iisang anak ng kani-kanilang pamilya at hindi papayag ang mga ito na hindi bongga ang kasalanan kapag inamin na nila sa mga ito ang plano. Pero gustuhin man rin niya ang gusto ni Vince, ayaw niyang ipagkait sa magulang ang impormasyon na iyon. Hindi pa man niya naamin sa mga ito ang tungkol roon dahil hindi pa rin naman nila plantsado ni Vince ang lahat. Gusto muna niyang sabihin nito ang araw kung kailan mamanhikan ito bago niya sabihin sa mga ito ang plano. Pero hindi siya maaring pumayag sa gusto ni Vince.
Malaki ang pasasalamat ni Melanie sa mga magulang niya ngayon. Dahil sa mga ito ay naging maayos ang buhay niya. Nakapag-aral siya at nagkaroon ng magandang kinabukasan ang buhay. Minsan nga ay naiisip niya na baka naging blessing in disguise ang nangyaring sunog na kumitil ng buhay ng tunay na magulang niya. Noon kasi ay sa squatters lang sila nakatira at naalala pa niyang lasenggo ang kanyang ama. Nag-iisang anak lang siya noon pero ramdam niya na ang hirap ng buhay. Kung hindi nangyari iyon, hindi niya mararanasan ang buhay na mayroon siya ngayon.
Naging napakabait ng mga nag-ampon sa kanya. Legal na inampon pa siya ng mga ito. Mahal na mahal siya ng mga ito at ganoon rin siya sa mga ito. Gusto niyang ibalik lahat ng mga ibinigay ng mga ito sa kanya. Gusto niyang masunod ang gusto ng mga ito. At alam niyang kapag sinunod niya si Vince, hindi matutuwa ang mga ito sa kanya. Ayaw niya na mangyari iyon.
"Pero hindi natin puwedeng ipagkait sa mga magulang natin ito. Magiging kasiyahan nila ang makita na ikakasal tayo."
"Kapag ginawa natin iyon, siguradong hindi nila irerespeto ang gusto natin," tumayo ito, mukhang nag-init ang ulo. "Kung bakit ba naman kasi ang conservative mo. Puwede naman kasi kitang hindi idaan muna sa mga ganito kung pumapayag ka lang sa lahat ng gusto ko,"
Napatayo rin siya sa sinabi nito. Ayaw niyang gumawa sila ng eskandalo lalo na at nasa pampubliko silang lugar pero nag-init rin ang ulo niya sa sinabi ng nobyo. "Ano ang pinapalabas mo? Na kaya mo lang ako papakasalan dahil ang gusto mo lang ay---" hindi niya maggawang ituloy ang sasabihin.
"Alam mo 'yung pinaulit-ulit ko ng sinabi at hinihingi iyon sa 'yo? Pero balewala ka pa rin. Dalawang taon na tayo pero ano? You still left me cold." Lumabas na ito ng restaurant. Sumunod siya.
"Alam ko na may pangangailangan kayong mga lalaki. Pero mayroon rin ako. Kailangan ko ng respeto. And what's wrong with it? Si Anthony nga ay nakaya sa pitong taon na pagsasama namin pero---"
"Hindi ako si Anthony, okay? Huwag mo akong ipagkukumpara doon. Lalo na sa best friend mo na bilyonaryo. Pero 'yung totoo, hindi lang din naman 'yun ang dahilan kung bakit naging impulsive ako sa pagyaya na magpakasal sa 'yo..."
Nanlamig ang buong kalamnan ni Melanie sa narinig. Kung ganoon, hindi talaga intensyon ni Vince na pakasalan talaga siya? Pakiramdam niya ay naloko siya.
Bumuntong-hininga ito. "Pero ayaw ko ng pag-usapan pa ang tungkol sa bagay na ito. Kung hindi ka rin naman papayag sa mga gusto ko, ipagpaliban na lang muna natin ang kasal. Makakatiis pa rin naman siguro ako," wika nito at niyaya na siyang sumakay sa kotse nito.
Sumakay na rin si Melanie. Pero alam niya na sa pagsakay niyang iyon ay magsisimula na ang pagbabago ng lahat.