4. Neglected
LAKING pasasalamat ni Ed nang payagan siya ng mga magulang niyang bumisita sa Royal House of Braganni ilang araw pagkatapos ng kasiyahan sa lugar. Inamin niya sa mga ito na naging kaibigan niya si Alyssa na siyang kilala rin ng mga ito dahil kay Duarte. Natuwa ang mga ito sa kaalaman na naging kaibigan niya ang kaibigan ng namatay na anak ng mga ito. Ganoon pa man, sa pagbisita niya ay hindi niya kasama ang mga magulang. Masyadong abala ang mga ito para masamahan siya.
Ayos lang iyon kay Ed. Naiintindihan niya ang mga magulang. Isama pa na malaki na siya. Ano rin naman ang gagawin ng mga magulang niya samantalang gusto niyang mapagsolo sila ni Alyssa? Gusto niyang makalaro ito. Naging masama man ang huli nilang pagkikita, gagawa siya ng paraan para maayos iyon. Siguro naman ay nakapagsalita na si Alyssa sa kapatid at magulang nito. Malinis na ang pangalan niya sa mga ito.
Pagdating niya sa palasyo ng mga ito ay hinarang pa siya ng mga guwardiya. Tinanong ng mga ito ang pangalan niya.
"I'm Prince Edmundo of the Royal House of Ferreira. I want to talk with Princess---," napatigil si Ed nang maalala ang sinabi sa kanya ni Alyssa. Lady nga pala ang dapat rito. "Lady Alyssa. I am her friend," puno ng kompiyansa na pagpapakilala ni Ed.
Nagkatinginan ang mga guwardiya ng palasyo. "You mean, you are the adopted Prince."
Kumunot ang noo ni Ed. Eh ano kung siya ay isang ampon na prinsipe? Sa sarili nga nilang palasyo ay walang makapagsalita sa kanya ng ganoon, bakit dito sa mas mababa pang royal house ay tila kinukutsa yata siya?
"Does it matter? I am friend with the Lady."
Tinawanan siya ng guwardiya. "Duarte is the lady's friend. Not you. You are only an adopted child. You don't have a royal blood. The Lady shouldn't mingle with someone like you,"
Nainis si Ed sa narinig. He felt so low. Akmang magsasalita na sana siya nang may lumabas mula sa pinto. Nakilala agad niya si Aliciana. Kasunod nito ang isang matanda na carbon copy nito. Mukhang ito ang ina ni Alyssa.
Sa pagkakalapit niya ngayon sa panganay na prinsesa ay napansin niya na may pagkamature na pala ang mukha nito. Sa tantiya niya ay mas matanda ito sa kanya ng mga dalawang taon. Nasa mukha nito ang katarayan na nakapinta rin sa mukha ng ina ni Alyssa.
Nagtanong si Aliciana sa mga guwardiya sa wikang Portuguese. Dahil hindi pa siya ganoon kabihasa sa wika, hindi niya naintindihan iyon. Ganoon rin ang nangyari nang sagutin ng guwardiya ang tanong.
Naniningkit ang mga mata ni Aliciana nang magsalita muli sa kanya. Hinawakan pa nito ang balikat niya. "Friend? Hah! After what you did to my sister? You can't be her friend! My sister shouldn't be friend with someone like your attitude!"
Sa gulat niya ay tumawa ang reyna. Gusto niyang mapakunot noo. Hindi man siya lumaki sa isang magandang pamilya, marunong pa rin siya ng mga tamang asal. Tila pinapaboran pa ng reyna ang pangungutsa sa kanya ng anak nito. "Oh, is he the one you are talking about, Aliciana? The one Alyssa met on the party?"
Tumango si Aliciana. "Yes, mae. Alyssa shouldn't be friend with someone like him. Such a rustic attitude. But how can we blame him? He wasn't raised by a royal family. He doesn't have a real royal blood. He's only an adopted child. What a pity!"
Pinaikot pa ni Lady Aliciana ang mata nito pagkatapos ay inilabas ang pamaypay. Hindi naman nagsalita ang ina nito sa halip ay pinagtaasan lang siya ng isang kilay. Mukhang maayos lang rito ang sinabi ng anak rito. Sa lagay ni Ed ngayon, naalala niya ang mga kontrabida sa pelikula sa itsura nito. At sa lagay niya ngayon, siya ang inaapi-api ng kontrabida.
Mali yata si Ed ng akala na magkakaroon na siya ng bagong simula sa piling ng mga Ferreira. Ang akala niya ay hindi na muli niya mararanasan na kutyain ng iba. Pero nakalimutan niyang nasa piling pa rin siya ng mga mayayaman. Hindi ba't ang mga ito nga ang madalas na magaling mangutya sa mga taong hindi naman talaga dapat kabilang?
Kung dati ay ang pagiging mahirap ni Ed ang nagiging dahilan kung bakit tinitignan siya ng mababa, ngayon ay ang pagiging ampon naman niya. Hindi na ba talaga matatapos ang pangungutya sa kanya? Wala naman siyang ginagawang masama. Ang gusto lang niya ay magkaroon ng kaibigan. Ang magkaroon ng kalaro.
Pero hindi lahat ng suwerte ay nasalo ni Ed.
Ganoon pa man, pinapangako niya, balang araw, ang mga ito ang luluhod sa harapan niya.