2. Royal Life
NAGING malaki ang pagbabago ng buhay ni Ed nang ampunin siya ng isa sa mga prinsipe at prinsesa ng Medoires Island---isa sa mga tinitingalang lugar sa bansang Portugal. Ang Medoires island ay isang independent state dahil iba ang sistema ng gobyerno sa naturang isla. Monarchy ang sistema roon na ang ibig sabihin, mga hari at reyna lamang ang namumuno. Dahil napapalibutan ang isla ng magagandang tubig at buhangin, isa iyon sa tinaguriang pinakamagandang tourist destination sa bansa. Isama pa na marami rin ang napa-fascinate sa independent state dahil na rin binubuo iyon ng iba't ibang royal houses na ang pinagmulan ay siya pang mga linya ng dating royal o nobility family na namumuno sa Portugal bago pa naging democracy ang sistema ng gobyerno roon.
Sa Royal House of Ferreira kabilang si Ed. Ang Royal House of Ferreira ang siyang pangunahing namumuno sa Medoires. Ang kapatid ng kanyang ama na si King Carlitos III ang sa ngayon ay namumuno roon. Dahil legal na siyang inampon nina Prince Henry at Princess Amelia, nakuha na rin niya ang titulo bilang isang Prinsipe. Ngunit kahit ganoon, malayo sa posible na mamuno rin siya bilang hari ng isla. Naipaliwanag na iyon ng mga magulang niya sa kanya.
Tanging ang mga unang anak lang ng mga maharlika ang mamumuno sa independent State of Medoires. Dahil pangalawang anak ang kanyang ama, hindi ito ang magmamana ng trono. Exception na nga lang kung walang kakayahang mamuno ang nasa linya ng unang anak o maaga itong mamatay. Wala namang kaso kay Ed kung hanggang prinsipe lang ang maging titulo niya. After all, masuwerte na siya na hindi lang basta-basta ang mag-aampon sa kanya.
Masuwerte rin na maituturing ni Ed ang sarili dahil mabait ang mag-asawa. Napag-alaman niyang minsan na palang nagkaanak ang mga ito pero namatay ito ilang taon na ang nakakaraan. Dahil hindi na maaring muling magkaanak, napagpasyahan na lang ng mag-asawa na mag-ampon kaya sumama ang mga ito sa mga kaibigan ng mga itong foreigner na kapwa nag-ampon rin ng mga bata sa Safe Haven Orphanage. Itinuring siya ng mag-asawa na parang sarili na rin na mga anak ng mga ito. Siya ang pumuno sa kalungkutang naranasan ng mga ito nang mamatay ang nag-iisang anak ng mga ito. Naikuwento sa kanya ng mag-asawa na naalala ng mga ito sa kanya ang dating anak dahil kaggaya niya ay makulit rin daw si Duarte.
Kahit na ampon lang siya ay hindi siya tinuring na iba ng mga ito. Ganoon rin ang iba pang pamilya ng mga ito pati na rin mga tauhan sa palasyo. Prinsipeng-prinsipe ang tingin at turing ng mga ito sa kanya.
Ganoon pa man, hindi sa lahat ng bagay ay masaya si Ed. Maganda at masagana nga ang buhay niya sa palasyo, pero nakakainip rin. Sa Safe Haven Orphanage ay marami siyang kalaro. Marami siyang kaibigan. Sa palasyo naman, kahit kasing edad lang niya ang pamangkin ng kanyang ama na si Prince Rodrigo, hindi ito kaggaya ng karamihan sa mga bata. Seryoso ito sa buhay. Palaging gusto lang nitong mag-aral at magkulong sa library. Hindi naman sa hindi siya pinapansin nito. Binibigyan rin siya ng pansin ng pinsan. Kaya nga lang ay hindi talaga sila magkapareho ng interes. Paano kasi ay matagal ng itinatak ng mga magulang nito ang dadalhin nitong responsibilidad sa hinaharap kaya todo ang pagpupursigi nito para maging matagumpay sa hinaharap.
Hindi lumaki sa ganoon si Ed kaya nahihirapan siya sa kanyang sitwasyon. Madalas ay tahimik ang palasyo. Nakikipaglaro sa kanya ang ilan sa mga tauhan pero siyempre, iba pa rin ang pakiramdam kapag kasing edad mo lang ang mga kalaro mo. Kaggaya ng mga kabarkada niya sa Safe Haven na sina Nikos, Jet, Cedric, Vincent at Augustus. Kung sana nga lamang ay madali lang niyang mapapunta ang mga ito sa Medoires Island. Pero magiging mahirap iyon. Kahit inampon ang mga ito ng kaibigan ng kanyang mga magulang, malayo pa rin ang bansa ng mga ito sa kanya. Isama pa na bata pa sila para payagan ito ng mga umampon sa mga ito na magbiyahe na lang basta-basta.
Wala namang choice si Ed. Home study siya kasama si Rodrigo kaya wala siyang mga kaklase na maari rin niyang maging kaibigan. Wala siyang social life. Ngunit kahit ganoon, minabuti niyang huwag ipahalata iyon sa mga magulang. Ayaw niyang isipin ng mga ito na nagrereklamo siya o hindi niya gusto ang ganoong buhay. Naging napakabuti ng mga ito sa kanya. Dalawang taon rin ang lumipas sa pagsusubok na maka-adjust ni Ed sa sitwasyon. Pero kahit anong gawin niya, hindi niya maiwasang malungkot at hirap pa rin siyang maka-adjust.
"Is there any problem, Ed?" tanong sa kanya ni Amelia nang ipahalata niya rito ang nararamdaman.
Sinabi ni Ed sa mga ito ang nararamdaman. Niyakap siya ni Amelia.
"Its gonna be all right. Maybe its been years yet we understand that its hard for you to adjust. Being in a royal family is not that easy as it seems. But we'll find a way. And speaking of which, I think it would be a good idea if we'll let you come to us in a party that we will be joining next week."
"Party?" nasabik si Ed sa narinig. Ito ang unang beses na isasama siya ng mga magulang sa isang kasiyahan. Madalas na um-attend ang mga ito ng party pero naiiwan siya. Palaging sinasabi kasi ng mga ito na pang mga matatanda lang daw ang party na dinadaluhan ng mga ito. Ganoon rin naman si Rodrigo sa mga magulang nito kaya naisip niya na baka boring talaga kaya hindi na siya nagpumilit pa.
"Yes, a party. We have noticed that last time, most of our colleagues bring their children into the party. And we'll be going to the Royal House of Braganni this time. Sebastian and Henrietta has two daughters that almost has the same age as you. As the party will be held in the place, they will surely be in there. You could be friends with them. The youngest daughter is a friend of Duarte, you could be friends with her, too."
Gustong mapasimangot ni Ed sa narinig. Daughters? Ibig sabihin ay hindi niya kabaro ang mga batang puwede niyang makalaro. Magiging magandang ideya ba iyon? Hindi siya madalas nakikipaglaro sa mga kasama niya sa ampunan na babae dahil mas sanay siya sa mga kabarkada niya. Ngunit dala sa pagkainip at kasabikan na makatakas sa palasyo, pumayag si Ed sa gusto ng mga magulang.