Library
English
Chapters
Settings

1. New Life

"PRINCE at Princess? Sigurado po kayo, sister? Gusto nila akong ampunin?"

In shock pa rin si Ed nang ipaalam sa kanya ng madre sa ampunan na gusto raw siyang ampunin ng nag-iisang miyembro ng royal family na pumunta sa Safe Haven Orphanage para mag-ampon. Siyam na taong gulang na si Ed at simula nang mamatay ang kanyang mga magulang at dalhin siya ng kinauukulan sa bahay ampunan na iyon noong anim na taong gulang siya, walang kahit sino ang nag-interes na kumuha sa kanya. Hindi dahil sa inilalayo niya ang sarili para ampunin. Iyon ay dahil sa lahat yata ng mga bata sa Safe Haven Orphanage, siya ang pinakamaloko.

Hindi nagugustuhan ng mga nadalaw sa Safe Haven ang ugali niya. Masyado daw siyang malikot. Pilyo. Nasa nature na yata ni Ed iyon kaya kahit ilang beses na siyang napapagsabihan ng mga madre sa orphanage, hindi niya pa rin maggawang baguhin iyon. He was just being himself though. Ganoon pa man, hindi siya makapaniwala na mayroong magkakainteres sa kanya.

Nakilala na niya si Mr. and Mrs. Ferreira noong isang araw at napansin niyang ang mag-asawa ang isa sa mga pinakamabait. Ito ang nag-sponsor ng mga pagkain na masasabi ni Ed na noon lang niya natikman sa buong buhay niya. Napakasarap noon at bilang isa sa mga bata na mahilig sa pagkain, tinanaw niyang malaking utang na loob sa mag-asawa ang ibinigay ng mga ito. Napansin niyang natuwa ito sa kagiliwan na ipinakita niya sa mga ito. Pero hindi inaasahan ni Ed na kagigiliwan rin siya ng mga ito pagkatapos noon.

Niyakap siya ng madre. "Napakasuwerte mo, Edmundo. Mukhang napakabait ng mag-asawa. At hindi lang sila basta-basta. Makapangyarihan at sikat pa sila. Baka ito na ang pagkakataon mo para matupad na ang matagal mo ng pinapangarap na sumikat,"

Ngumisi si Ed. Hindi lihim sa mga kasamahan niya sa ampunan ang matagal na niyang pangarap---ang sumikat, ang maging isang celebrity. Dahil mababait ang mga kasama niya roon at nag-aalaga sa kanila, suportado siya ng mga ito. "Sister naman. Talaga bang naiisip niyo na kailangan ko pa ng back-up para lang sumikat ako? Hindi ba sapat na makita ng madla ang mukha ko para sumikat ako?" hinaplos-haplos pa ni Ed ang baba niya.

Pinisil ng madre ang kanyang pisngi. "Sige na nga. Papayag ako basta ba mangangako ka sa akin na tatanggalin mo muna ang taba sa katawan mo,"

Napasimangot si Ed. Matakaw siyang kumain kaya naman may katabaan siya sa karamihan ng bata roon. Kaya sa kabila ng pagsuporta sa kanya ng mga kasamahan, nararamdaman rin niya na minsan ay hindi bukal sa loob ng mga ito ang sinasabi. Ganoon pa man, hindi siya mawawalan ng pag-asa na balang araw, magiging matagumpay rin siyang tao. Mataba man o hindi, makakamit niya ang mga pangarap niya.

Isang tipikal na bata si Ed. Mahilig siyang maglaro at manood ng telebisyon. Dahil madalas siyang nanonood ng telebisyon ay nahilig na rin siya sa mga artista. Palagi niyang sinusubaybayan ang mga palabas ng paborito niyang mga action star. Pati buhay ng mga ito ay nagkakaroon na rin siya ng interes. Sa pag-alam ng mga iyon, nangarap rin siya na balang araw, magiging kagaya rin siya ng mga ito. Tinitingala at kailanman ay hindi naggawang ipahiya ng mga tao dahil sa estado ng buhay ng mga ito.

Hindi kaggaya ng naging buhay ni Ed bago pa siya mapunta sa Safe Haven Orphanage.

Hindi maganda ang nakaraan ni Ed. Mahirap lang ang pamilyang kinalakihan niya. Lumaki siya sa poder ng kanyang ama dahil ayon rito ay iniwan raw siya rito ng kanyang ina noong sanggol pa lamang siya. Sugalero ang kanyang ama. Puro kapabayaan ang palaging ginagawa nito sa kanya. Bukod kasi sa pagkalulon nito sa sugal, mahilig rin ito sa mga babae na ayon sa mga kapitbahay nila ay dahilan para iwanan ito ng kanyang ina.

Sa murang edad ni Ed, namulat na siya sa masamang gawain ng kanyang ama. Palagi kasi siyang pinagsasabihan ng mga kapitbahay nila na pagsabihan raw niya ito. Gusto rin naman niya na magkaroon ng magandang pamilya pero inamin sa kanya ng ama na huwag na raw siyang umasa. Wala raw itong kakayahang magmahal at nasa lahi raw nila iyon. Kahit ang Lolo raw niya ay hindi kailanman nagpakasal kaya huwag na raw itong umasa na mabibigyan pa siya nito ng isang kompletong pamilya. Inamin rin nito sa kanya na hindi na rin siya babalikan ng kanyang ina dahil may bago na itong pamilya at sa ibang bansa na nakatira. Hindi rin daw alam ng pamilya nito ang existence niya.

Wala siyang naramdaman na kahit anong pagmamahal mula sa kanyang totoong pamilya. Napakagulo rin noon kahit na ba sila lang naman ng kanyang ama ang magkasama. Wala na kasi itong iba pang kapatid o kamag-anak man at bago pa man siya ipinanganak ay namatay rin ang ama nito na siyang nagpalaki rito. Dahil walang matinong trabaho ang kanyang ama, madalas na nangungutang ito. Dahilan para mabaon sila sa utang.

Sa kabila ng pagtrato ng ama ni Ed sa kanya ay pinahahalagahan pa rin naman niya ito. Maraming beses na kinutsa ang pamilya nila dahil na rin sa ugali nito at sa laki ng utang ng kanyang ama para lang maka-survive sila sa pang-araw-araw. Kahit siya ay nadamay sa pangungutsa. Ilang beses siyang halos kaladkarin ng mga ito para lang ituro niya ang kanyang ama na nagsisimula nang magtago dahil hirap na makapagbayad. Ilang beses na nasabihan siya ng hampas lupa. Kinutsa. Tinapak-tapakan.

Hindi gustong mangyari ni Ed pa muli ang mga iyon. Naging napakasamang pangyayari noon sa buhay niya lalo na at hindi lang ganoon ang ginawa ng mga ito sa kanyang ama. Pinapatay rin ng inutangan ng kanyang ama ito. Dahil wala na siyang iba pang kamag-anak, dinala siya sa bahay ampunan.

Kahit maganda ang trato sa kanya roon, naging napakahirap kay Ed na makalimot. Ganoon pa man, nangarap na lang siya nang malaki kaysa naman gupuin niya ang sarili sa lahat ng sakit na dinanas niya. Magiging matagumpay siya. Hindi na muli siya aapak-apakan ng kung sino. Titingalain siya ng lahat. At sa nangyari ngayon sa buhay niya, hindi na malabong mangyari iyon. Aampunin lang naman siya ng isa sa mga makapangyarihan sa buong mundo.

Sinong nagsasabing sa pelikula at kuwento lang nangyayari ang ganoon? From rags to riches. Tila isang pangarap. Tila hindi totoo. Pero nangyayari na kay Ed ang lahat.

Ito na ang simula sa bagong buhay niya.

Download the app now to receive the reward
Scan the QR code to download Hinovel App.