5. The Brat
"PLAY with me! I have a new doll, oh!" yaya ng apat na taong "kapatid" ni Nikos.
Kasalukuyan siyang nasa kuwarto at naglalaro ng robot nang gambalain siya ni Irene dala-dala ang bagong laruan. Mula sa gilid ng mga mata ay nakita niya na isa iyong Barbie na paboritong laruan ng batang babae. Pupusta siya na hindi lang iyon basta Barbie doll. Malamang ay limited collection iyon.
Paano naman kasi, kahit apat na taong gulang pa lang si Irene ay nabili na ng mga magulang nila ang lahat na yata ng klase ng Barbie na kinagigilawan nito. Ganoon lang naman ka-spoiled ang nag-iisang prinsesa ng mga Sallis.
Hindi pinansin ni Nikos si Irene at ipinagpatuloy ang paglalaro. Irene was adorable. Lahat ng tao sa bahay ay kinagigiliwan ito. Pero para sa kanya ay isang spoiled brat si Irene. Lahat ng hinihingi nito ay madaling nakukuha. Pero dapat pa ba niya iyon pagtakhan? Si Irene ang tunay na anak. Ang nag-iisang anak. Ang nag-iisang prinsesa.
Kinulit pa siya ni Irene pero hindi pa rin niya ito pinansin. Ayaw niya rito. Para sa kanya, ang batang babae ang naging kaagaw sa pagmamahal ng mag-asawang Sallis. Kung hindi ito dumating, siguro ay buo muli ang pagkatao niya.
Wala ng nangyari sa legal na pag-aampon kay Nikos. Nang makapanganak si Iris ay iba naman ang naging dahilan. Masyado raw mahaba ang asikasuhin sa pag-aampon sa kanya ng legal kaya magiging mahirap. Abala ang mga ito sa buhay para ayusin pa ang mga iyon. Sumang-ayon si Loukas roon. Ganoon pa man, hindi naman siya hinayaan ng mga ito na paalisin sa Greece. Gumawa ang mga ito ng paraan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga ito para manatili siya roon at makapag-aral.
Pero hindi gamit ang apelyido nila.
Afinidad pa rin ang apelyido ni Nikos. Filipino citizen pa rin siya. Kasama kasi sa sulat noon ang mga dating dokumento niya. Hindi na naman inisip ng mga magulang ang maaari na maging komplikasyon noon sa hinaharap. Katwiran ng mga ito, malaki ang kapangyarihan ng mga ito, lalo na sa Greece. Hindi na rin naman daw kasi kinukulit ang mga ito ng agency para ibalik siya sa Pilipinas. Hindi siya pinabalik ng mga ito pero hindi naman nagbigay man lang ng interes na gamitin ang kapangyarihan ng mga ito sa kung ano man na paraan para legal pa rin siya na maampon ng mga ito kagaya ng ginagawang pagmamanipula ng mga ito sa pananatili niya sa Greece.
Hindi na rin naman gustong bumalik ni Nikos sa Pilipinas kaya hindi na siya gumawa ng mga kilos. Napagod na rin siya sa pangungulit kayna Loukas at Iris. Natakot rin kasi siya. Paano kung mainis ang mga ito sa kanya sa pangungulit niya sa kagustuhan niya? Hindi malabo iyon sa trato pa lamang nito sa kanya at kay Irene. Baka kapag nangyari iyon ay ibalik na nga siya ng mga ito sa Pilipinas. Ayaw rin naman niya. Napakaliit naman kasi ng tsansa na magkakaroon siya ng ganitong karangyang buhay kung ibabalik siya sa Safe Haven. Mas maayos na rin ang ganito. Kahit papaano ay ipinagpapasalamat na rin naman niya na hindi man siya legal na ampunin, hindi rin naman siya gustong ibalik ng dalawa sa Pilipinas.
Ramdam ni Nikos na kayang gumawa ng paraan nina Loukas at Iris para maayos ng legal ang mga papel niya. Napakamakapangyarihan ng mga ito. Pero sa kung anong kadahilanan ay hindi na lang ginawa ng mga ito ang legal na pag-aampon sa kanya. Inisip niya na maaaring si Irene rin ang dahilan. Ang gusto ng mga ito ay isa lamang ang maging legal talaga na anak: si Irene.
Sinisisi ni Nikos si Irene. Hindi sana ganito kakomplikado ang buhay niya kung hindi ito dumating. Masasabi nang magulang talaga niya ang mag-asawang Loukas at Iris Sallis. Sallis pa rin siguro ang apelyido niya. Siguro siya ang spoiled at nasa kanya palagi ang atensyon ng mag-asawa. Hindi siguro niya mararamdamaman na sabit siya sa pamilya.
"I hate you!" sigaw na ni Irene nang sa pangatlong pagkakataon na pagpapansin ay hindi niya ito pinansin. Nagsimula na rin itong umiyak.
Doon lang itinigil ni Nikos ang paglalaro at pinagtuunan si Irene ng pansin. "What the hell is your problem? You know I am busy playing here!" sigaw na rin niya. Hilig nitong guluhin siya kapag naglalaro at hindi niya gusto iyon.
"But I want you to play with me!" Itinaas pa nito ang mga dalang bagong Barbie.
"You know I am a boy. I shouldn't play with that! Go out and just play with yourself!"
"But I want to play with you..." Pinilit na ibinibigay nito ang panlalaking Barbie.
Sa asar ni Nikos dahil hindi makaintindi si Irene ay ibinato niya ang panlalaking Barbie sa sahig. Sa lakas ng pagbato ay natanggal ang kamay niyon.
Lalong lumakas ang iyak ni Irene. Dahil sa lakas ng iyak nito ay narinig iyon sa ilang parte ng bahay dahilan kung bakit nagpunta ang mga magulang nila sa kuwarto. Nanlaki ang mga mata nito sa nasaksihan.
"Theos, Nikos! What have you done?" galit na galit si Loukas Sallis. Pinulot nito ang nasirang Barbie at dinaluhan naman ni Iris ang umiiyak na anak.
Hindi nagsalita si Nikos. He was guilty as charged. Nagawa lang naman niya iyon dahil naiinis na siya kay Irene. Gusto nitong palaging lumapit sa kanya, ang makalaro siya. Pero maraming ipinapaalala sa kanya ang batang babae. Kaya kahit na pinipilit nitong ilapit ang loob sa kanya ay hindi niya ito magawang tanggapin.
"Papa..." Naglakad si Irene papunta sa ama na para bang nagsusumbong. "It's broken," humahagulhol na ito habang tinitingnan ang nasirang bagong laruan.
Matalim ang tingin na ibinigay sa kanya ni Loukas Sallis. Lumapit ito sa robot na nilalaro niya at kinuha iyon. "You can't play with this for a week."
Nanlaki ang mga mata ni Nikos. "But—"
"No buts! You are behaving badly to Irene, Nikos. You deserved a punishment!" wika nito, saka inakay ang mag-ina palabas ng kuwarto. Iniwan siyang mag-isa.
Lalong nagngitngit sa galit si Nikos. Dapat ay alam na niya na mangyayari iyon. Ilang beses na ba siyang pinarusahan ni Loukas kapag pinapaiyak niya ang unica hija nito? Hindi na niya mabilang. Iyon din ang ikinaasar niya kapag lumalapit sa kanya si Irene. Nagdadala lang kasi ito ng gulo. Hindi naman kasi niya maggawang ilapit ang sarili sa batang babae. He hated her.
Kung hindi ito dumating, malamang ay nasa kanya lang ang atensyon ng mag-asawa at siya ang itinuturing na anak. Irene was a bad luck to his life. Kailanman ay hindi niya yata ito magagawang mahalin.
Nasa ganoong katayuan si Nikos nang bumukas ang pinto ng kuwarto. Iniluwa niyon si Dionysia. Nang makita nitong malungkot siya ay niyakap siya. Sa bahay na iyon, tanging sa tagapangalaga lang siya nakaramdam ng pagpapahalaga mula nang dumating si Irene.