4. The Birth
"SHE IS so beautiful, agape mou..." masayang-masayang wika ni Loukas habang nakatingin ito at ang asawang si Iris sa bagong panganak na sanggol. "Thank you for giving it to me..."
"Matakia mou. We are going to name her Irene..."
"Irene it is," pagsang-ayon naman ni Loukas at inilagay ang kamay paikot sa baywang ng asawa.
Mukhang kontentong-kontento ang mag-asawa habang pinagmamasdan ang anak sa loob ng nursery ng ospital. Hindi napapansin na kanina pa nakatingin si Nikos at umaamot ng atensyon.
Mula nang malaman ng mag-asawang Sallis na magkakaanak na ang mga ito ay halos hindi na pinansin si Nikos. Nakatuon ang atensyon ng mag-asawa sa pagdating ng tunay na anak.
Nakalimutan na si Nikos. Ilang beses na naman niyang ipinaalala sa mga ito ang tungkol sa pangako sa kanya. Pero ayon sa mga ito ay hindi muna maasikaso iyon. Maselan ang pagbubuntis ni Iris. Hindi ito puwedeng magbiyahe para maasikaso ang proseso ng panibagong pag-aampon sa kanya dahil hindi pala legal ang una. Hindi na naman daw ito kinukulit muli ng agency at ang tungkol sa pananatili niya sa Greece sa kabila ng hindi legal na citizen ay kayang manipulahin ni Loukas. May mga dahilan man pero may masamang pakiramdam si Nikos.
Halos lahat ng nasa bahay ay masaya sa pagdating ni Irene. Pero hindi si Nikos. Pakiramdam niya dahil sa batang babae ay nawala ang pangarap. Hindi man siya ibinalik ng mag-asawa sa ampunan, pakiramdam naman niya ay pinabayaan na ng mga ito. Ipinaubaya na lang siya kay Dionysia at hindi na naglaan ng oras para sa kanya. Parang naitsapuwera na siya. Dahil iyon sa pagdating ng tunay na anak at siya ay isa lang na ampon. Ang masaklap pa, hindi pa legal na ampon.
Kailanman ay hindi na siya magkakaroon ng totoong pamilya. Kailanman ay hindi na siya magkakaroon ng pagkatao. At kailanman ay hindi na siya tatawaging anak.