3. The Conflict
"YOU ARE so handsome. Eísai tóso ómorfos, Nikos!" masayang papuri ni Dionysia kay Nikos ng itinalaga ng mag-asawang Sallis na maging tagapangalaga niya.
Isang buwan na simula nang ibalik ang mga papel ni Nikos. Ngayong araw ay pupunta na sila ng Pilipinas para ayusin na ng tuluyan ang kanyang mga papel. Sa ngayon, madalas na ang nag-aasikaso sa kanya ay si Dionysia. Nagiging mas madalas kasi ay abala ang mag-asawang Sallis dahil na rin sa estado ng mga ito sa buhay. Maraming inaasikasong negosyo ang mag-asawa at hindi siya masasamahan oras-oras kaya kumuha ang mga ito ng taong mag-aalaga sa kanya. Wala namang iyon kaso kay Nikos. Dahil hindi man madalas na naasikaso ng mga ito, hindi naman siya tuluyang pinababayaan.
Tuwing uuwi galing sa trabaho ang mag-asawang Sallis ay hindi pupuwedeng hindi siya bibisitahin at kakausapin. Pinipilit din na sabayan siya sa dinner at palaging kinukumusta. Kapag may oras, nakikipaglaro rin sa kanya ang amang si Loukas ng basketball sa court sa loob ng tinitirhan nilang mansiyon. Sa gabi naman ay kakantahan pa siya ng ina o babasahan ng librong pang-nursery bago matulog. Naa-appreciate naman ni Nikos ang mumunting bagay na ginagawa ng mag-asawa para sa kanya. Masaya na siya roon.
"Thank you," pagpapasalamat niya at tumakbo na sa hagdan para puntahan ang mga nag-ampon na sa pagkakaalam ay naghihintay na sa kanya sa pagbaba. Sinabihan na siya ng mga ito kagabi tungkol sa paglipad nila sa Pilipinas. Handa na ang kanyang mga gamit.
Hindi naman siya nagkamali. Nandoon nga ang mag-asawang Sallis. Napangiti pa siya nang makitang magkayakap ang dalawa—mukhang masayang-masaya at nagmamahalan. Malayo talaga ang mag-asawa sa mga magulang na nag-aampon sa Safe Haven kung saan ilang buwan matapos mag-ampon ay ibinabalik ang mga inampon dahil lalo raw na hindi nagkasundo. Pero hindi sila ganoon. Mahal siya ng mga magulang. Masaya silang pamilya.
Lalapitan na sana niya ang mag-asawa nang magsalita si Loukas Sallis. "I can't believe it would happen. I thought we wouldn't be blessed but..." nagningning ang mga mata nito nang tumingin sa tiyan ng asawa. "I will love our little baby. Our little child. Our own..."
Pagkatapos noon ay ginawaran ng mainit na halik ng lalaki ang babae. Hindi inalintana na nasa paligid si Nikos at pinapanood ang mga ito. Hindi na rin siya pinansin ng mag-asawa at nagtuloy sa kuwarto. Mukhang hindi na naisip pa ang lakad dapat nila ngayon.
Naiwan si Nikos na nakatingin sa kawalan. Sa batang isip ay paulit-ulit na naririnig ang mga sinabi ni Loukas Sallis.
"I will love our little baby. Our little child. Our own..."
Buntis si Iris Sallis. Ibig sabihin ay magkakaanak na ang itinuturing na mga magulang. Ng sariling anak. Iiwan na ba siya ng mga ito? Ano ng nangyari sa pangako? Itutuloy ba ang muling pag-aampon sa kanya? O ibabalik sa ampunan kagaya ng mga batang hindi nagustuhan ng mga mag-aampon?
With those thoughts, Nikos felt completely alone.