Chapter Six - Meet The Family
SINUSUBUKAN yata talaga ako ng araw na ito, wika ni Gabbe sa isip-isip nang sa wakas ay matapos na rin ang session niya ngayon sa tutee niya. Malapit ng mag-alas nuwebe ng gabi. Umabot sila ng ganoon ni Serena dahil isa na naman ito sa mga araw na sinusumpong ang bata. Hindi naman niya maaring pabayaan ito dahil na rin kailangan nitong sauluhin ang tula na ipe-perform nito bukas para sa isang activity nito sa school. Ganoon ang usapan nila ng magulang ni Serena. Kapag hindi pa naayos ang lahat para sa mga lessons ng bata, hindi pa siya maaring makaalis.
Pagod na si Gabbe. Emosyonal at pisikal. Kahit ilang oras na ang nakakalipas, hindi niya pa rin maggawang maalis sa isip ang tungkol sa nangyari sa pagitan nila ni Prince at Antoinette. Masakit pa rin iyon kahit na ba gumawa siya ng bagay na alam niya na nakakabastos para lang maiwasan iyon. Wala, eh. Sobrang nasaktan siya at natakot siya na baka kapag hinarap niya iyon ay hindi niya makaya. Alam kasi niya na wala siyang laban dahil totoo naman ang sinasabi sa kanya ni Antoinette. Isa siyang nobody. Pero ang pinakamasaklap roon? Ang totoong ginagamit lang naman talaga siya ni Prince dahil isa siyang nobody.
Pero ginusto niya ito. Wala siyang puwedeng sisihin kundi ang sarili niya kaya kailangan niyang tanggapin iyon. Naging matapang siya sa pagpasok roon kaya kailangan na maging matapang rin siya sa paglabas. Malaki na siya at alam niya na ma-o-overcome rin niya iyon sooner or later. Sa ngayon ay sariwa pa lang ang sakit kaya naman nagkakaganoon siya. Isama pa na pagod na rin siya sa pampisikal na aspeto at sa kasamaang palad, alam niya na mapapagod pa lalo siya ngayong gabi.
Sa isang subdivision kung saan walang madalas na commuting vehicle nakatira sina Serena. Sa tuwina ay nilalakad lang niya ang palabas dahil madalas naman ay maaga siyang makaalis sa bahay ng mga ito. Hindi pa nakakatakot dahil hindi pa naman gabing-gabi. Kapag ginagabi naman siya nang ganoon, madalas ay nagtetext siya sa kanyang Papa para sunduin siya. Ngunit dahil wala siyang cellphone ngayon, hindi niya magagawa iyon.
Haay, face your fears day nga yata ito! Naisip-isip ni Gabbe habang inuumpisahan na niyang maglakad palabas ng subdivision. Kinalma na lang niya ang sarili sa pag-iisip ng positibong bagay.
Nasa ganoon siyang katayuan nang maramdaman niya na tila may kotseng sumusunod sa kanya. Kinilabutan si Gabbe. Kung nasa masamang disposisyon niya ngayon, masasabi niyang ang araw na ito ang pinakamalas na araw sa buhay niya!
"Psst...Miss!" sutsot pa ng kung sinong nasa kotse. Hindi pinansin ni Gabbe iyon. Paano kung budol-budol gang pala iyon at kapag tinignan niya ito sa mata ay mabiktima siya? Hindi iyon maari! Mahal niya pa ang sarili niya!
Naramdaman niya na tumigil ang kotse. Lalong binilisan ni Gabbe ang paglalakad at halos takbuhin na niya iyon. Walang kahit sinong tao sa sidewalk na dinaraanan niya kaya naman kailangan talaga niya nang todong pag-iingat. Pero mukhang hindi pa rin tumigil ang sumusunod sa kanya dahil ilang sandal lang ay may naramdaman siyang yumakap sa kanya mula sa likod. Malapit ng maiyak si Gabbe sa takot. Pero pinili niyang lumaban. Pinilit niyang kumawala mula sa yakap nito. Pinaghahampas niya ito pero hindi pa rin ito pumalag. Hanggang sa makaisip si Gabbe nang isang paraan para ma-distract ito.
Sinipa niya ang lalaki sa likod. Sapul sa pagkalalaki nito!
"Damn it!" reaksyon ng kung sino mang masamang loob na ginantihan ni Gabbe. Nagulat siya dahil inglesero ang loko. Ngunit ganoon pa man ay kinuha pa rin ni Gabbe ang pagkakataon. Tumakbo siya.
"Gabbe baby, wait! Ah---!" sa salitang iyon ay napatigil si Gabbe at napalingon. Noon lang niya napansin na pamilyar ang boses at iisang lalaki lang ang tumatawag sa kanya ng ganoon.
"Prince!" agad na dinaluhan ito ni Gabbe. "Anong---ikaw ang?"
Sapo-sapo nito ang pagkalalaki nito na masakit pa rin dahil sa ginawa niya. "I-I'm sorry. Gusto lang naman sana kitang lokohin pero ako pa pala ang maloloko mo,"
Napangiwi si Gabbe. Hindi alam kung paano tutulungan ito. "I'm sorry, too. Bakit mo ba kasi ginawa iyon? Saka bakit ka nandito? Sinundan mo ba ako?"
Huminga nang malalim si Prince. Sa ginawa nitong iyon ay mukhang naging maayos na ang pakiramdam nito dahil nakatayo na ito nang maayos. "Oo, sinundan kita."
Kumunot ang noo niya. "What? Bakit mo naman ginawa iyon? Isa pa, kung sinundan mo ako rito, ibig sabihin ay kanina ka pa dito sa labas? Naghihintay?"
Tumango si Prince. "Hindi ako um-attend ng practice game namin. I was kind of worried about you. Alam ko na nasaktan ka kanina dahil sa nangyari."
Ang kaninang nanlulumong puso ni Gabbe ay sumigla sa narinig. He was worried about him? Inisip nito ang welfare niya? That should mean something...But no! Bawal niyang bigyan ng Crayola ang mga sinasabi nito. Pagpapanggap lang ang lahat.
"I'm sorry. Siguro ay nabastos ka kaya naggawa mo iyon. Gusto mo ba akong kausapin tungkol roon? Ang ipaalala sa akin ang usapan natin? 'Sorry ulit kasi---"
"No! Hindi ako nagpunta rito para pag-usapan ang tungkol sa usapan. Hindi ko babawiin iyon tungkol sa 'yo. I just went here to check on you because I am worried about you. Hindi ba kapani-paniwalang dahilan iyon?"
Gusto kong maniwala pero siyempre, may catch naman palagi roon. Lalo na sa sitwasyon ko, gusto sana niyang sabihin. "Well, bakit mo naman kasi gagawin iyon? Nandoon si Antoinette. Kusa siyang lumapit sa 'yo. It was your time to entertain her."
"Umalis rin siya pagkatapos mo na umalis."
"Bakit hindi mo siya kinausap?"
"Mas importante pa ba 'yun samantalang ramdam ko na nainsulto ka sa ginawa niya? I know what you feel about yourself. And I'm sorry for making you feel that way..."
Sincere ba si Prince sa sinasabi nito? Gusto niyang umasa pero paano kung masaktan lang siya? Nang hindi magsalita si Gabbe ay ipinagpatuloy ni Prince ang pagsasalita.
"Am I doing this right? Mukhang tama ka nga sa dahilan mo sa akin noong una na mali ito. Marami tayong niloloko. At naapektuhan ka rin. Dahil nadadamay ka sa sitwasyon, nagulo ang tahimik mo lang nabuhay dapat. People were talking bad about you. I feel so bad letting you feel that just because of my selfish plans."
Hinawakan niya ang balikat ni Prince. "Don't worry about it. Its part of my job, right?"
Tinignan siya nang mataman ni Prince. Matagal-tagal bago ito nagsalita. "Kung ganoon ay ito lang talaga ang lahat ng iyon?"
Napalunok si Gabbe sa tanong nito. Ano bang klaseng tanong na iyon? Parang binibigyan na naman siya ng pag-asa. "O-of course!"
Tumango-tango si Prince saka ngumiti at niyakap siya. "Thank you, Gabbe. For understanding."
So 'yun lang talaga 'yun, nanghihinayang si Gabbe na mali na naman siya. Ang sarap talagang pukpukin ng ulo niya. Matalino pa man rin siya pero hindi niya maggawang ipasok sa utak na mali ang mag-assume siya. Ganoon pa man, ayaw niyang panghinayangan ang nangyari. Ninamnam na niya ang bawat sandali. Sa nangyari kanina sa gymnasium, hindi malabong malapit ng magtagumpay si Prince. Babalik na si Antoinette sa piling nito dahil hindi naman pala totoo na lumalabas ito kasama ang nerd. Bahala na nga kung masaktan siya. Ang mahalaga ay kahit papaano, napagbigyan niya ang pantasya niya na mapalapit sa lalaking crush na crush niya.
Matagal-tagal rin sila sa ganoong tagpo ni Prince nang makarinig sila ng tikhim mula sa kanyang likuran. Nang dahil roon ay humiwalay siya rito at biglang na-conscious sa ginawa nila ng lalaki. Namula pa siya. Pero nang makita kung sino ang tumikhim na iyon, mula sa pamumula ay naging kasing kulay yata ng niyebe ang mukha ni Gabbe.
"Papa..."
---
NAPALUNOK si Prince habang tinitignan ang harap ng bahay nila Gabbe. Tama ba itong ginagawa niya? Pumunta siya sa bahay ng "girlfriend" niya dahil kinakabahan siya sa maaring mangyari rito. Kagabi kasi ay nahuli sila ng ama nito na magkasama at ang masama ay magkayakap pa. Gusto niya sanang magpaliwanag sa ama nito kung ano ang totoong dahilan kung bakit nasa ganoon silang lagay ni Gabbe pero sarado ang isip nito. Basta na lang nitong hinila si Gabbe palayo sa kanya at halos kaladkarin sa labas ng subdivision. He was mad, all right.
Hindi niya masisisi ang ama ni Gabbe. Bata pa si Gabbe at kung tutuusin ay inosente pa ito. Hindi ba at siya nga ang first kiss nito? Nagi-guilty siya sa ginawa niya pero pumayag naman ito sa plano niya. Binayaran niya ito. Nagtatrabaho ito para sa kanya at alam nito ang lahat ng maaring consequences ng mga iyon. Ganoon pa man, ayaw niyang basta na lang pabayaan ito.
Pakiramdam ni Prince ay nagpadalos-dalos siya at ngayon ay naghihirap siya sa consequences ng mga iyon. Pati na rin si Gabbe. Hindi niya gusto ang nararamdaman niya. Nasasaktan na nga niya si Gabbe dahil naiinsulto na ito sa nangyayari, ngayon ay pati pamilya pa nito ay nadamay na. Nagkanda-gulo-gulo na ang lahat. Kaya naman nandito siya para subukan na ayusin iyon.
Hawak-hawak ang cake na binili niya bago pumunta sa bahay, huminga muna siya nang malalim at nilakasan ang loob sa pagkatok sa gate. Hindi naman nagtagal ay may nagbukas noon. Lalong kinabahan si Prince nang makita ang lalaking nakita niya kagabi ay siya rin nagbukas ng gate.
"Ano'ng ginagawa mo rito?!" malakas ang boses ng ama ni Gabbe.
Napalunok muli si Prince. Ano nga ba? Gusto niyang ayusin ang lahat, oo. Pero paano niya nga gagawin iyon? Hindi siya nakapaghanda nang ayos dahil mas nag-aalala siya sa kalagayan ni Gabbe. Gusto niyang kausapin ito pero dahil holiday sa university nila ngayon, wala silang pasok at ibig sabihin lang noon, wala siyang pagkakataon para kausapin si Gabbe. Kaya naman minabuti na lang niyang puntahan si Gabbe sa bahay ng mga ito na pinagtanong-tanong niya pa kung saan. Noong minsan kasing inihatid niya ito ay hindi naman nito direktang sinabi sa kanya ang bahay ng mga ito. Ngayon ay alam na niya ang dahilan kung bakit---istrikto ang mga magulang nito.
"G-gusto ko po sanang dalawin si Gabbe. Nandiyan po ba siya?"
Sinuyod muna ng matandang lalaki ang kabubuuan niya bago ito muling nagsalita. "Wala rito ang anak ko. Umalis siya kasama ang kaibigan niyang si Gladys kanina para sa ayusin ang term paper nila."
Nanlumo si Prince. Ibig sabihin ay balewala lang ang pagpunta at ngayon ay pagkakaba pa niya sa harap ng ama ni Gabbe. Paano na ngayon?
He was not the man who thinks under his feet. Mas gusto niya ang ahead na pagpaplano. Pero sa nangyari ngayon, dahil sa takot sa maaring mangyari kay Gabbe, iyon ay nagpadalos-dalos siya. Wala man lang siyang back-up plan o kung ano pa man.
"Pero kung gusto mo namang maghintay para sa kanya, ayos lang. Hindi ba't ganoon ang ginagawa ng mga masusugid na manliligaw?"
Napanganga si Prince. Kung ganoon ay hindi inamin ni Gabbe ang tungkol sa kung anong relasyon talaga nila nito. Hindi niya alam kung in-assume lang ba ng ama nito iyon o ganoon talaga ang sinabi ni Gabbe sa ama nito. Hindi niya ito masisisi. Mahirap paniwalaan kung sasabihin lang ni Gabbe na magkaibigan sila.
Pero kung ano pa man iyon, may isang katanungan lang na pumasok sa utak ni Prince. Pati ba sa pamilya ni Gabbe, kailangan rin nilang magpanggap?
---
MAGDIDILIM na nang makauwi si Gabbe sa bahay nila galing sa bahay nila Gladys. Dahil may sariling laptop at internet sa bahay ng best friend niya, minabuti na lang nila na doon gumawa ng term paper na ipapasa nila sa Biyernes. Partners sila kaya kailangan nilang magkasama.
Nakakain naman si Gabbe ng meryenda kayna Gladys pero dahil malayo ang biyahe sa bahay ng mga ito patungo sa kanila, gutom na gutom na siya pagdating ng bahay. Kaya naman laking tuwa niya nang may makitang cake sa hapag nila.
"Wow! Ang saya naman may cake. Anong mayroon?" tanong niya sa naabutan niyang si Beth sa bahay.
Kumunot ang noo ni Beth. "Hindi mo alam?"
"Anong hindi ko alam?"
"Dumating rito 'yung manliligaw mo,"
"Manlili---" naputol sa ere ang pagsasalita ni Gabbe nang biglang may maisip sa sagot ni Beth. Walang kahit sino ang nagkakainteres sa kanya. Walang kahit sinong lalaki na napapalapit siya. Maliban kay Prince.
Natutop ni Gabbe ang bibig nang maisip kung ano ang pinapahiwatig noon. "Bakit siya nagpunta rito? Saka nasaan sila?"
"Nasa kapitbahay. Kasama niya si Papa. Birthday noong asawa ni Ate Rita, eh. May inuman,"
Sa pagkakataong iyon ay ang noo naman ni Gabbe ang natutop niya. "Ano na bang nangyari sa mundo?! Hindi ko naman manliligaw si Prince!"
"'Yun nga! Si Kuya Prince. Siya ba 'yung pinagtatalunan niyo ni Papa kagabi?" usisa ni Beth. "'Wag ka ng mag-alala Ate. Mukhang okay na naman sila ni Papa."
Huminga nang malalim si Gabbe. Nagtalo nga sila ng Papa niya kagabi dahil nahuli siya nito at si Prince. Ganoon pa man, ipinaliwanag niya sa kanyang Papa ang lahat at sinabing magkaibigan lang silang dalawa. Hindi siya sanay na magsinungaling sa pamilya niya. She was always been a good girl. Pero alam niyang mas lalong magagalit sa kanya ang Papa niya kapag inamin niya rito ang totoo.
Hindi pa rin kumbinsido ang Papa niya kahit nakailang paliwanag na siya rito. Ngunit nang makauwi na sila sa bahay ay naging mahinahon na ito sa pakikipag-usap sa kanya tungkol roon. Palagi nitong sinasabi na ang mga ganoong bagay daw ay hindi na dapat itinatago. Pero hindi nito sinabing payag ito kung sakaling totoong nililigawan siya o boyfriend man niya si Prince.
Day-off ng Papa niya ngayon kaya nasa bahay ito. Mabait naman ang Papa niya at hindi siya natatakot na may gawin itong masama kay Prince. Nagagalit ito pero hindi rin naman nagtatagal iyon kaggaya na lang nang nangyari kagabi. Hindi rin ito nanakit. Kaya lang ang kinatakot niya ay kung saan dinala ng kanyang ama si Prince.
Sinabi na niya na mabait ang kanyang Papa. Pero may exception iyon. Kapag nalalasing ito ay madalas na makulit ito na imposibleng hindi mangyari kapag may inuman sa bahay nina Ate Rita. Mahilig sa alak ang asawa nito.
Kung bakit ba naman kasi dumalaw sa bahay nila si Prince. Ano bang nangyari rito at ginawa nito iyon? May kailangan ba ito sa kanya? O baka nag-aalala lang ito sa nangyari kagabi? Whatever it is, nakaramdam naman ng kung anong saya si Gabbe sa puso niya na talagang binisita pa siya nito sa bahay nila.
Nawala sa isipan ang gutom, lumabas si Gabbe ng bahay nila at sinilip ang kapitbahay mula sa pader na humaharang doon. Nakita nga niya ang kanyang ama at si Prince na nag-iinom sa labas pero dahil hindi nakaharap ang mga ito sa kanya ay hindi siya nakikita ng mga ito. Sakto namang sa paglabas niya ay siya ang pinag-uusapan ng mga ito. Lalong naintriga si Gabbe roon.
"Ikaw bang lalaki ka, mapapagkatiwalaan ba talaga kita sa anak ko, ha?" medyo gigiray-giray na ang boses na wika ng kanyang ama.
Pinakatitigan ni Gabbe sa Prince. Pansin niyang namumula na rin ang mukha nito pero nang magsalita ito ay tuwid pa naman iyon. "I like your daughter, Sir. And you can trust me that I won't hurt her."
"Aba Pare! Bukod sa napakagandang lalaki nito, inglesero rin pala itong magiging manugang mo, oh!" komento ng asawa ni Ate Rita.
Tumingin ang kanyang ama nang mataman kay Prince. "Sigurado ka ba diyan? Seryoso ka ba sa anak ko?"
Kumunot ang noo ni Prince. "Mukha po ba akong hindi seryoso kay Gabbe?"
"Mukhang hindi kapani-paniwala," wika ng Papa ni Gabbe. "'Wag mong isipin ng masama ito, hijo, ha? Pero base sa itsura mo, tila malayong-malayo ka sa anak ko. Napakaguwapo mo at base sa kilos at dala mo na kotse, mayaman ka rin. Napakalayo ng lagay ng anak ko sa lagay mo. Simple lang si Gabbe."
Tumango-tango si Prince. "Simple nga lang po si Gabbe. Maaring hindi siya bagay sa akin o hindi siya perpekto. Pero kailangan po ba talaga ng pamantayan kapag may nagugustuhan? Kapag nagmamahal? Hindi ko po ba siya maaring magustuhan dahil si Gabbe siya? She maybe simple but I like her because she's just simply her."
Parang may mainit na kamay na humaplos sa puso ni Gabbe sa sinabing iyon ni Prince. Bakit ba sinasabi ni Prince ang mga iyon? Dahil ba sa kalasingan o natatakot lang ito na hindi nito mapatunayan sa kanyang ama ang lahat? But come to think of it, wala naman talaga itong dapat patunayan. Hindi naman nila kailangang isama sa pagpapanggap ang pamilya nila. Hindi rin niya sinabi sa kanyang ama ang relasyon nila. Siguro ay nag-assume ang kanyang ama pero puwedeng tumanggi si Prince. Ngunit hindi nito ginawa iyon.
Nahiling tuloy ni Gabbe na sana sa mga sandaling iyon ay may videoke rin sa birthday-han. Gusto niya yatang mag-ala Carol Banawa.
Bakit 'di na lang totohanin ang lahat...