Chapter One - Gabbe's Prince
NAKANGITING pinagmasdan ni Gabbe si Prince Raymundo mula sa malayo. Pareho silang nasa loob ng gymnasium ng pinapasukang university nang mga sandaling iyon. Naroroon siya sa bleachers at tinatanaw ito habang naglalaro sa ibaba. Isang masigabong palakpakan ang narinig niya nang mai-shoot nito ang bola sa ring.
Kaggaya ng karamihang tao ay hindi rin napigilan ni Gabbe na pumalakpak at tumili para dito. Ang galing-galing talaga ni Prince. Halos lahat nang nasa panig na iyon ng bleachers ay sumisigaw para dito.
Napangiti rin naman si Prince dahil sa nagawa na siya namang ikinalakas ng tili ng crowd. Mas lumawak ang ngiti ni Gabbe. Parang tumalon ang puso niya sa tuwa kahit na ba hindi naman siya ang nginingitian nito kundi ang mga katabi niyang fans din nito. Sinuklay pa ng kanang kamay nito ang pawisang buhok. Napaka-cool lalo nitong tignan sa ginawang iyon. And even if he was bathing with sweat, he still managed to be handsome. Mas lalo pa nga itong gwumapo sa paningin niya ngayon.
Si Prince Raymundo ang numero unong crush ni Gabbe sa university na pinapasukan niya. Ahead ito sa kanya ng dalawang taon at nasa ikahuling taon na nito sa kursong Electrical Engineering. Kahit na ba over rated na ang mga taong nagkakagusto dito, hindi pa rin nawawala ang karisma nito para sa kanya. He was so handsome and so popular. Idagdag na rin na isa ito sa mga pinakamagaling na miyembro ng varsity team ng university nila. Katunayan ay dalawang beses na rin itong naging MVP.
Marami ang nagsasabi na prinsipe talaga ito. Sabagay, tama ang mga ito. Ganoon din ang tingin niya sa lalaking ito. Akmang-akma ang pangalan nitong "Prince" sa physical appearance, tindig at kilos nito.
Sa suot ni Prince na jersey uniform, ang tingin niya pa rin dito ay isang prinsipe. Napakaguwapo pa din nito sa kabila ng pagod at pawis na makikita sa katawan at mukha nito. Alam ni Gabbe na hindi lang siya ang nakakakita noon. Lahat malamang ng kababaihan na nandoon sa university gymnasium ay ganoon din ang nakikita.
Sino ba naman ang hindi magkakagusto kay Prince Raymundo? Rich, popular charming and handsome. Prinsipeng-prinsipe ang dating nito sa lahat. Si Gabbe ay isa lamang sa mga karamihan sa mga babaeng hindi naggawang protektahan ang sarili na hindi magkagusto rito.
Una pa lamang nakita ni Gabbe si Prince ay natulala na siya. Well, halos lahat yata ng taong nakakita dito noong unang araw niyang iyon sa eskwelahan ay napatulala sa kaguwapuhang taglay nito. Nasa canteen siya noon nang una niya itong makita at ang balak niyang pagkagat ng sandwich na binili niya ay naudlot nang mahagip ng mata niya ang pagdaan nito.
Natigil si Gabbe sa pagkain para lamang matignan ito. Pakiramdam niya ay biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo sa pagdating nito. Biglang nag-iba ang tibok ng puso niya lalo na nang napatingin siya sa magandang mata nito. Mula nang nangyari iyon, si Prince na ang lalaking inaabangan niya na makita araw-araw kung gusto niyang maging kompleto at masaya ang araw niya.
Napakaguwapo nito sa suot nitong gray polo and jeans noon. Kahit na magulo ang kasing itim ng gabing buhok nito, nanatili pa rin itong guwapo. Kasing itim din ng buhok nito ang mata nito. Pinagpala ng Diyos sa katangusan ang ilong nito. Biniyayaan din ito ng mapang-akit na labi na halos lahat yata ng kababaihan ay gugustuhing mapalapat ang labi nito sa mga iyon.
He was one of the schools' most sought after guy. Lahat yata ng babae ay gugustuhing maging prinsesa nito. Isa si Gabbe sa mga nangangarap na iyon. Ngunit alam niyang hanggang pangarap lamang niya ang mapansin ng isang prinsipeng kagaya nito.
Hindi isang prinsesa si Gabbe. Malayong mailarawan siya bilang ganoon. Damsel in distress, iyon ang puwede pang itawag sa kanya. Hindi siya mayaman katulad ng karamihan sa mga napasok sa university na iyon. Scholar lamang siya roon kaya siya nakakapasok sa eskwelahang iyon. Hindi mayaman ang pamilyang kinabibilangan niya. Isa lamang factory worker ang kanyang ama at nagtitinda lamang sa sari-sari store sa bahay ang kanyang ina. Tatlo silang magkakapatid at siya pa ang panganay. Enough for survival lang ang klase ng buhay na mayroon sila.
Hindi kagandahan si Gabbe katulad ng karamihan sa mga babae at cheerleaders na madalas magpapansin kay Prince. Sa height niyang 5'2 ay kakaunti lamang ang nakakapansin sa kanya. Simple lamang siyang mag-ayos at manamit. Hindi kahabaan ang buhok niya at hindi rin naman katangusan ang ilong niya. Kung si Prince ang "somebody" ng university, siya naman ang kabaligtaran nito. Isa lamang siyang "nobody" sa eskwelahan. Kakaunti lamang ang nakakakilala sa kanya at pumapansin.
Pero okay lang kay Gabbe iyon. Hindi naman siya ambisyosa. Alam niya na worlds apart sila ng isang Prince Raymundo. Hindi na siya umaasang magiging prinsesa siya nito at mapapansin ng isang kagaya nito. Isa pa, may prinsesa na ito at iyon ay si Antoinette Madrigal.
Kilala bilang "the royal couple" sina Prince at Antoinette. Kagaya ni Prince ay mayaman rin si Antoinette. Sa pagkakaalam niya ay galing ito sa pamilya ng mga pulitiko at negosyante kaya walang dudang mayaman nga ito. And she was just like a princess. Sa itsura, pananamit, pagsasalita at kilos nito ay prinsesang-prinsesa ang dating nito. Bagay na bagay dito ang isang kagaya ni Prince.
Kaya naman tanggap na niya ang lahat. Prince will never like her. He was somebody while she was nobody. End-of-the-world na marahil kapag may nagsabing bagay silang dalawa.
Nang matapos ang laro ay isa-isang nagsipagbabaan ang mga tao sa bleachers upang batiin ang kupunan nila Prince. Nanalo ang mga ito sa fourth game ng final game ng interschool basketball competition. Nagdiwang ang lahat ng estudyante sa pagkapanalo. Isang panalo na lamang at ang university na nila ang kikilalanin bilang kampyon at kung mangyayari iyon ay maka-qualify ang team na makapasok sa isang prestisyosong national basketball competition.
Masaya rin si Gabbe para dito at para sa university nila. Ngunit kahit ganoon, tanggap niyang hindi siya kailanman makakalapit kay Prince. Hanggang tingin na lamang siya at pagtsi-cheer dito. Hindi na iyon hihigit pa. Hanggang pangarap niya lang ang isang katulad ni Prince Raymundo. Hindi niya ugali na makipagsiksikan para lang mahawakan o makapagpa-picture rito. Kontento na siya na malayong sinisinta si Pricne.
Tumayo si Gabbe sa kinauupuan at niyaya na ang best friend niyang si Gladys. Naging best friend niya ang dalaga dahil ito ang naging kauna-unahan niyang katabi sa upuan noong first day ng school nila. Ngunit sa halip na tumayo na rin ito kagaya niya ay hinila pa siya nito muli paupo sa bleachers.
"Bakit?" kunot-noong tanong ni Gabbe sa kaibigan. "Tapos na ang laro, ah? Bakit ayaw mo pang umalis?"
"Eh gusto kong magpa-picture kay Eron. Ang guwapo-guwapo niya pa rin sa paningin ko," Wika nito na nanatili pa ring nakatitig sa lalaking kinababaliwan pa rin nito hanggang ngayon.
Pinaikot ni Gabbe ang mga mata. Si Eron ay isa rin sa members ng basketball varsity na siya rin ex-boyfriend ni Gladys. Ngunit kahit matagal ng tapos ang relasyon ng dalawa, patay na patay pa rin dito ang best friend niya.
"Grow up, Gladys! Wala na kayong relasyon! Matagal na kayong tapos." Pangaral niya sa kaibigan.
"But I still love him!"
"Pero iniwan ka na niya."
Lumungkot ang mukha nito. "Iyon ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko. Iniwan ako ng taong una kong minahal."
Umiling-iling na lamang siya at hinawakan ang likod nito. "Tanggapin mo na lang ang katotohanan na hindi na kayo puwede. May bago na siya at ikaw naman ay mayroon na din."
"Kaya kong iwanan si Joshua balikan lang ako muli ni Eron." Tila seryosong-seryoso ito sa pinakawalang salita.
Pumalatak si Gabbe. Bakit ganoon ang kaibigan niya? May isang lalaki na ngang nagmamahal ng lubos dito, hindi pa nito iyon pinapahalagahan. Mas gusto pa rin nito ang isang lalaking sinaktan na nga ito kaysa sa taong sobrang nagpapahalaga dito. Pero hindi niya rin naman ito masisi. Ayon sa ilang mga naririnig niya, kapag daw totoong in love ka sa isang tao, kahit anong sakit ang pinadanas nito ay mananatili mo pa rin itong gusto. Siguro nga ay ganoon ang nangyari kay Gladys. Maari na nga siyang maniwala sa mga nagsasabi na bulag daw ang pag-ibig.
Hindi pa naman niya nararanasang magmahal. May mga crush siya, oo. Pero ang pag-ibig? Sa palagay naman niya ay hindi pa rin siya natatamaan noon. Ultimate crush niya lamang si Prince pero hindi niya masasabi kung mahal na niya ito.
"Joshua loves you, Gladys. Mas mahal ka niya nang sampung beses mahigit sa pagmamahal na ibinigay sa 'yo ni Eron. Sana matutunan mo rin siyang mahalin."
Nagyuko ito ng ulo. "Sana nga." Wika nito saka bumuntong-hininga. "Haay, tama na nga ito. Tara na ngang umalis at magkakasala na naman ako."
Tumayo na ito sa bleachers at nauna ng lumakad. Sumunod naman si Gabbe sa kaibigan ngunit bago pa makaalis ng gym ay muli siyang sumilay sa prince charming ng buhay niya. Ngayon ay binubuhat na ito ng mga kasamahan nito sa tuwa dahil sa pagkapanalo. Masaya ang mukha nito habang pinagpipiestahan ng crowd. Nahawa naman siya sa kasiyahang nasa mukha nito. Nakangiti pa rin na umalis siya ng gym kasama si Gladys.
---
ISANG masigabong palakpakan ang narinig ni Prince pagkatapos tumunog ng buzzer. Hudyat iyon na tapos na ang laro. Sa iskor na seventy two – seventy three ay lamang ang kupunan nila ng isang puntos sa kalabang unibersidad. Marami ang nagsasabing siya ang may gawa kaya sila nanalo sa larong iyon.
Iyon ang ika-apat na laban ng dalawang unibersidad para sa finals ng interschool basketball competition. Nakaka-tatlong puntos na ang kanilang unibersidad sa kalabang unibersidad. Isa na lamang at sila na ang tatanghaling panalo. Best of seven kasi ang type ng laro nila.
Binuhat si Prince ng mga kasamahan at mga kaibigan dahil sa tuwa. Katulad ng mga ito ay masaya rin siya dahil sa natamong karangalan. Marami rin ang nagbabaan sa bleachers na karamihan ay mga babae upang i-congratulate siya at ang grupo nila.
Nang makababa mula sa buhat ng mga ito ay pinagkaguluhan siya ng mga tao. Maraming tao ang lumapit sa kanya na para bang isa siyang artista. Ang iba ay lumapit lang para i-congratulate siya at ang iba naman ay nagpa-picture kasama siya. May mga nagpa-autograph din sa kanya na ikinatawa niya dahil pakiramdam niya ay siya si Justin Bieber kung pagkaguluhan ng mga ito lalong-lalo na ang mga kababaihan.
Ngunit ganoon pa man, pinagbigyan niya ang mga ito sa mga nais ipagawa ng mga ito sa kanya. After all, ang mga taong iyon ay nakatulong para maipanalo nila ang laro. Kung wala ang mga tili at palakpak ng mga ito, walang susuporta sa kanila. Kung walang suporta, siguradong magiging malamya sila at matatalo sa laro.
Tuwang-tuwa ang mga fans niya nang pagbigyan niya ang mga ito. Masaya si Prince na nakakapagpasaya siya ng mga tao. Para sa isang lalaking katulad niya na tinaguriang "campus prince" ng unibersidad na iyon, hindi na bago sa kanya ang pagkaguluhan. Marami siyang mga taong nakikita at nakakasalubong na sa tuwina ay napapatulala kapag nakikita siya.
Everybody thought he was a prince. Handsome, charming, rich and popular. Iyon ang tingin sa kanya ng lahat. Halos sambahin siya ng babae at kainggitan naman ng mga kalalakihan dahil sa mga katangiang dala-dala niya.
Pero ganoon pa man, hindi niya masasabing gusto niya ang ganoong kasikatan. Pakiramdam niya, palaging may mga nakasunod sa kanya. Nasasakal siya at hindi niya magawa ang lahat ng mga gusto niyang gawin dahil palagi na lang may nakabuntot sa kanya. Nakakailang din ang mga tingin at paghangang binibigay nito sa kanya.
Nakakasawa din ang kasikatan. Nakakainis din paminsan-minsan. Lalo na kapag may isang taong naiinis at nagseselos kapag nakikita na pinagkakaguluhan ka ng mga tao ngunit wala ka namang magawa kundi ang pagbigyan ang mga ito. Kaya naman sa huli, siya pa rin ang agrabyado.
Tumingin si Prince sa buong gymnasium upang hanapin ang babaeng sinasabi nilang prinsesa daw niya. Pero nasuyod na niya ng tingin ang buong lugar, ni hibla ng buhok nito ay ni hindi man lang niya nakita. Napabuntong-hininga na lang sa huli si Prince. Ito na naman si Antoinette. Hindi na naman ito nanood ng game nila kahit na ba sinabihan niya itong suportahan sila nito.
"Problem, bro?" tanong kay Prince ng kaibigan at co-player niyang si Eron nang makapunta na sila sa locker room para magbihis. Katulad niya, sikat din itong miyembro ng varsity club at pinagkakaguluhan ng mga babae. Guwapo, mayaman at sikat din kasi ito.
Umiling si Price at pilit na itinago ang kanyang nararamdaman. Hindi man niya maamin sa mga kasamahan, nasasaktan siya sa pinagagawa sa kanya ni Antoinette. Hindi nito maintindihan ang sitwasyon niya bilang isang sikat na personalidad sa unibersidad. Palagi na lang itong ganoon. Hindi na ito nasanay na palagi siyang pinagkakaguluhan ng mga tao.
Palagi na lamang itong nagseselos sa bawat taong tumitili, pumapalakpak at sumusuporta sa kanya. Normal lamang para sa kanila ang mga ganoong bagay ngunit para rito, hirap na hirap itong tanggapin iyon.
Sa mga nagdaang laro nila, kung hindi ito umaalis agad ay hindi ito nanood ng laro. Selos na selos daw kasi ito sa mga babaeng sumusuporta sa kanya. Hindi nito maintindihan ang mga bagay na ginagawa sa kanya ng mga tao.
Ngunit ganoon pa man, pilit niyang iniintindi ito. Girlfriend niya ito at may karapatan nga naman itong magselos. Pero para sa kanya, sobra na ang pagseselos nito. Ganoon ito palagi kapag may laro siya. Pinaparamdam naman niya dito na kahit maraming babae ang nagkakagusto sa kanya ay ito pa rin ang mahal niya. Ngunit kahit anong gawin niya, tila hindi iyon sapat para sa nobya.
Tinapik-tapik ni Eron ang likod ni Prince. "Alam kong may problema ka, pare. Tungkol na naman ba ito kay Antoinette?"
Bumuntong-hininga siya. Sa ngayon ay nasa locker room na silang magkaibigan at nag-aayos ng sarili. "Bakit ba kasi ang kitid ng utak ng babaeng iyon? Hindi niya ako maintindihan. Sadyang ganoon ba talaga ang mga babae?"
"Hindi naman lahat. Siguro ay sadyang makitid lamang ang utak ng prinsesa mo. Nakakainis 'yang ganyan, pare. Palitan mo na kasi."
Umiling-iling si Prince. "Hindi ako kagaya mo, Eron. Kahit ganoon si Antoinette ay pinapahalagahan ko 'yon. Kaya huwag mo akong igaya sa 'yo na buwan-buwan ay may flavor of the month."
Tumawa ito. "Masyado ka naman. Hindi naman ako buwan-buwan magpalit ng syota. Mga sampu lamang naman sa isang taon." Kumindat pa ito sa kanya pagkatapos.
"Napakamalaro mo talaga."
Ngumisi si Eron. "Masarap kayang maglaro ng babae. Ikaw kasi, masyado kang seryoso sa buhay. Chill out, dude. Ni hindi ka na nga nasama sa amin mag-bar ng tropa. Palagi ka na lamang naka-stick diyan sa syota mong ubod naman ng selosa."
Nagkibit-balikat si Prince. "Wala akong magagawa. Iyon ang gusto niya, eh."
Hindi gusto ni Antoinette na nakiki-hangout siya sa mga kaibigan niya kapag bar na ang pinag-uusapan. Kilala kasi ng mga ito sina Eron. Puro kalokohan ang mga ito at ayaw nitong mahawa siya sa mga iyon lalo na sa isa sa mga lugar kung saan mas marami ang nakakagawa ng kasalanan. Somehow ay naiintindihan rin niya ito kaya pumapayag siya. Noong hindi pa sila ni Antoinette ay nakakasama niya ang mga ito. Maloko ang mga ito at ilang beses rin nalagay sa gulo na naging masama ang kinalabasan. Maraming babae at bisyo ang mga ito. Maari siyang matukso kung sumama pa siya sa mga ito. After all, lalaki lang rin naman siya. Naging mabuti rin naman iyon sa kanya. Sa halos isang taon ng relasyon nila ni Antoinette, nanatili siyang faithful sa nobya.
"Hindi ka ba nagsasawa? Para kang under ni Antoinette, ah!"
"Ayaw ko lamang na magalit siya sa akin. Hangga't maari ay ayaw kong nagtatalo kami."
Pumalatak ito. "Grabe, pang-hero talaga ang drama mo. Prinsipeng-prinsipe ka talaga, pare. Hanga ako sa 'yo. Hindi na ako magtataka kung mamaya magpagawa ka na rin ng kastilyo para diyan sa prinsesa mo."
"Hindi ko pa kaya iyon. No money pa, 'tol!"
Natawa si Eron. "So gagawin mo nga? Talagang seryoso ka diyan sa prinsesa mo?"
Napaisip si Prince. Taon na rin ang nakalipas simula nang maging girlfriend niya si Antoinette. She was a perfect princess. Maganda, mayaman at matalino. Sa pananalita at galaw, talagang prinsesang-prinsesa ang dating nito. Marami ang nagkakandarapa makuha lamang ang atensyon ng dalaga.
Pakiramdam ni Prince ay siya ang perpektong lalaki sa isang kagaya nito. People say he's a prince and she's a princess. Inudyukan siya ng mga nakakarami na ligawan ito dahil bagay daw sila. Isama pa na magkaibigan ang mga pamilya nila. Ginawa naman niya iyon at hindi nagtagal ay sinagot naman nito ang pag-ibig niya. Sa ngayon, kilalang-kilala sila bilang "the royal couple" ng unibersidad.
Marami ang naiinggit kay Antoinette dahil ito ang naging prinsesa niya. Pero kahit si Prince rin naman ay marami rin na kinaiinisan dahil kahit sila na ng dalaga ay wala pa ring humpay ang nagkakagusto dito. Minsan ay nagseselos siya sa mga lalaking iyon ngunit hindi naman ganoon kalala katulad ng pagseselos nito sa mga babaeng palaging nandiyan at lumalapit sa kanya.
"Naku, Prince, kahit saksakan pa ng ganda ang nobya mo, kung hindi ka naman niya naiintindihan, hiwalayan mo na lang. Mahirap iyang ganyan, sige ka. Ikaw din ang magsisisi sa huli." Payo nito sa kanya at muli siyang tinapik sa likod at nagpunta na sa shower room upang maligo.
Naiwan sa locker room si Prince. Kahit na ganoon si Antoinette ay mahalaga ito para sa kanya. Ito ang unang seryosong nobya niya at mahal niya ito. Pinahahalagahan niya ang mga sandaling kasama niya ito. After all, masuwerte siya dito dahil siya ang unang pinag-alayan nito ng puso nito.
Ngunit kahit ganoon, hindi pa rin niya maiwasang isipin ang mga sinabi sa kanya ni Eron. Mahirap pakibagayan ang ugali ni Antoinette kahit na ba bahagyang nasasanay na siya rito. Nararamdaman niyang libu-libong lubak ang dadaanan niya dahil sa walang katapusang pagseselos nito.