9
"MAHIGPIT na bilin po ni Sir Caleb na hindi kayo puwedeng lumabas, Ma'am." Seryosong wika ng security guard sa bahay ng asawa nang subukang lumabas ni Serena. Expected na rin naman dapat iyon ni Serena. Nang makita ng mga kasambahay na mukhang aalis siya ay ilang beses siyang pinigilan ng mga ito. Pero pabebe si Serena. Hindi siya mapipigilan.
Inikot ni Serena ang mata. "Nagpaalam na ako kay Caleb. Pumayag siya,"
Nagkatinginan ang security guard at ang dalawang kasambahay na sinundan siya hanggang sa gate ng bahay. Ayaw rin siyang pagbigyan ng driver kaya naisip niyang magbiyahe na lang. Hinarang naman siya ng security guard.
"Wala po kaming naririnig na tawag kay Sir Caleb, Ma'am. Susundin lang po namin kayo kapag may narinig na po kami na tawag kay Sir."
Matalino ang mga tauhan ni Caleb. Nahalata nito na nagsisinungaling lang siya. Hindi siya nagpaalam sa asawa. Wala rin naman siyang nakikitang dahilan para magpaalam rito. Kilala na siya ni Caleb. Alam nito na rebellious siya. Hindi dahil gusto nito, mapapasunod siya nito. Gusto niyang lumabas. Nabo-bored siya sa bahay. Hindi siya puwedeng itali na lang roon ng asawa niya.
"Tatawagan ko siya! At malalaman niyo na pumayag nga siya!" Malakas ang loob na sabi ni Serena.
Nagkibit-balikat ang mga kasambahay. Kinuha ni Serena ang cell phone sa bag niya. Pero bago pa makatawag ay nauna na si Caleb. Sinagot niya ang tawag nito.
"Hindi ka aalis," Bungad na wika ni Caleb kay Serena.
Kumunot ang noo ni Serena. Tumingin siya sa paligid. Ang bilis namang nalaman ni Caleb ang gusto niyang gawin. Wala naman ito sa bahay.
"Alam ko ang gusto mong sabihin at gawin, Serena."
"Paano?" Tumingin si Serena sa mga kasambahay. Nasabi na kaya ng mga ito kay Caleb ang pagmamatigas niya? Ang bilis naman.
"I can see you so fully dressed. You are going out." Inilarawan pa ni Caleb ang itsura ng suot niyang damit.
Napatingin ulit si Serena sa paligid. Wala naman roon si Caleb. Paano nito nalaman kung ano ang itsura niya?
"May security camera ako sa bahay. May audio recorder rin diyan. May monitor ako sa office ko. Sinubukan kong gamitin dahil feeling mo ay makaluma ako para kumuha pa ng bodyguard para bantayan ka."
Saktong napunta ang tingin ni Serena sa security camera na nasa may guard's gate. Nagngitngit ang ngipin niya. Maya-maya ay may bigla siyang naalala na lalo niyang ikinainis. "I bet, naka-track na rin ang cell phone ko sa 'yo."
"Ikaw ang nagbigay sa akin ng hint kaya hindi ka puwedeng magreklamo."
"I want to go out, Caleb! Nakakainip rito sa bahay mo!"
"May sarili akong theatre sa bahay. You can watch all the movies you want."
Nakita na ni Serena ang theatre. Malaki at maganda iyon. Pero wala siyang kahit anong type sa mga CD's at DVD's. Puro classic ang mga iyon. Malayong-malayo iyon sa mga type niyang panoorin at pakinggan.
"Ang baduy ng collections mo."
"Kung ganoon, panoorin mo ulit 'yung mga koreanong---"
"Iisa lang ang DVD ko noon. Alangan naman na araw-araw ay paulit-ulitin ko 'yun 'di ba?" Nagsimula ng mag-init ang ulo ni Serena. "OMG, I'm so bored here. Palabasin mo na ako, please. Alam ko na responsibilidad ng isang asawa para sa isang matandang kagaya mo na salubungin siya sa bahay araw-araw. Pero mali naman yata na hayaan mo akong mabulok rito!"
"At responsibilidad rin ng isang asawa na pangalagaan ang asawa niya. Sa ayaw at sa gusto mo, hindi ka lalabas ng bahay hangga't hindi ako kasama."
"That's ridiculous! You're a busy man." Sa sobrang pagka-abala ni Caleb, ni wala silang honeymoon. Pero hindi naman niya wish iyon. In fact, natutuwa pa nga siya na wala noon.
Danger para kay Serena si Caleb. Oo, mabait naman ito. Sapat ng basehan ang pagtitiyaga nito sa mga kalokohan niya. Pero may takot sa puso niya kapag nagkakasama sila. Siguro iyon ay dahil hindi niya maipaliwanag kung bakit malakas ang tibok ng puso niya kapag nasa malapit ito.
"The price you pay by tricking me. Don't make a fuss about it, Serena. Pagkatapos ng lahat, napakaliit na bagay nito kung ipagkukumpara sa mga ginawa mo."
"Caleb, ayoko nga dito." Naiiyak na si Serena. Naiinip na talaga siya.
Mukhang nahalata ni Caleb ang lungkot sa tinig niya. Sandaling natigilan ito. "Tell me what you want then. Well, aside sa paglabas ng bahay. Asawa kita at gusto ko na alagaan ka, Serena. Hindi ko gustong umaalis ka. Paano kung may mangyari na masama sa 'yo habang wala kang kasama? Paano kung magpunta ka na naman sa bar, makipagsayaw at pagkatapos ay bastusin pa? I don't like it. Nag-aalala ako sa 'yo."
Natigilan si Serena. Nag-aalala si Caleb sa kanya? Paano? Ni hindi pa nga nila lubusan na kilala ang isa't isa.
Maybe you really got a good husband there, Serena.
Isang asawa na malayong-malayo sa ama niya...
Masuwerte si Serena. Kung sa ibang tao niya ginawa iyon, baka nagulpi na siya. Baka mas masama pa ang nangyari sa kanya. Pero sa halip na sukuan, gusto pang ayusin ng asawa ang relasyon nila.
Minsan ay kailangan rin siguro ni Serena na maging mabait. Pagkatapos ng lahat, nakikita niyang worth it rin naman si Caleb para pakitaan ng kabaitan.
"Sige na nga. Ibili mo na lang ako nito..." wika ni Serena at sinabi ang mga bagay na nagpapatigil sa kanya sa bahay.