2
NAIINIP na si Charity habang nag-iintay sa labas ng opisina ni Cash. Nabasa na yata niya lahat ng magazines na nakikita niya mula sa waiting area ng office ni Cash pero hindi pa rin ito lumalabas doon. Bukod pa doon ay naiirita rin siya sa mga nababasa niyang articles sa magazine kaya naman sa halip na ma-entertain siya doon ay lalo pang nag-init ang ulo niya.
Tumayo siya at lumapit sa sekretarya nitong tila wala man lang pakialam sa kanya. Pagkatapos siya nitong paupuin ay naging busy na muli ito sa harap ng computer. Kahit hindi naman niya nakikita ay alam niyang hindi naman related sa trabaho ang ginagawa nito dahil kanina niya pa ito naririnig na nagta-trash talk sa harap noon. Palagi itong nakasigaw. Ganoon ang gawain ng mga tambay na lalaking madalas na nagdo-dota o di kaya naglalaro ng Tetris sa computer shop na katabi ng bahay nila.
"Matagal pa ba si Mr. Torres sa loob?" pinilit niyang maging magalang ang boses niya pero kahit ano yatang gawin niya ay hindi na niya napigil na lagyan iyon nang tono ng pagkainip at inis. Aba't mag-iisang oras na yata niyang inaantay ang ginagaling na Cash Torres na iyon!
Doon lamang muling tumingin sa kanya ang babae at tumingin sa orasan na nasa tabi nito. "Mga 10 minutes more or less na lang po, Ma'am. May kausap po kasi si Sir na kliyente sa loob at hanggang 12 lang naman po ang appointment nila,"
Hindi siya nagsalita at muling bumalik sa kinauupuan niya kanina. Sa pag-upo niya ay napansin na naman niya ang magazine na nakasalampak sa may lamesa ng waiting area. Kahit ilang beses na niyang nabasa iyon dahil may kopya siya sa bahay ng magazines na iyon, hindi na naman niya maiwasang mainis habang nakikita iyon. Paano ba naman kasi, pinapatunayan lang noon ang wagas na pagkababaero ni Cash!
Halos lahat yata ng magazines na nasa waiting area ng office nito ay pawang may mga kinalaman dito. Parang wala man lang itong pakialam kung bumalandra sa office nito ang pagiging playboy nito. Parang mas gusto pa nga nitong ipaglandakan iyon sa iba dahil hindi man lang nito pinapatanggal ang mga iyon. Pero naisip-isip rin naman niya, ang pagiging playboy nga pala nito ang nagpasikat dito at sa tatlo pa nitong kapatid, ayon na rin sa isang article na nabasa niya tungkol sa mga ito.
Iniiwasan niyang magbasa ng mga magazines na alam niyang maaring malathala ang mga bagay na tungkol dito pero kahit anong pag-iiwas na gawin niya ay sinasadya yatang makita niya ito. Paano ba naman kasi ay hindi lamang sa mga magazines o society pages ng mga diyaryo nakikita ang mga pambabae nito. Minsan ay nasa showbiz news na rin ang mga ito dahil madalas ma-link ang pangalan nito sa mga celebrities at ilan pang sikat na personalidad sa buong bansa.
Cash, Stock and Price Torres were famous for being The Playboy Millionaires. Pero kung ang ibang tao, kabilang na siya ay nakikita na ang mga Playboy ay jerk at mga napakawalang puso, iba ang tingin rito ng mga nakakarami. Cool ang tingin sa mga ito dahil kahit playboy ay natatakpan naman iyon ng mala-Adonis na mukha at katawan ng mga ito. Isama na roon na napaka-powerful ng tatlo dahil lahat yata ng negosyong hahawakan ng mga ito ay nagiging ginto. Kaya naman sa kabila ng pagiging babaero ng tatlo, marami pa rin ang naghahabol sa mga ito.
Pero hindi siya kasali sa mga tangang babaeng naghahabol dito. Hinding-hindi siya magkakagusto dito. She hated playboys. Pinapaalala lamang noon ang ama niyang isa ring wagas sa pagkababaero. Pinakasalan ng kanyang ama ang kanyang ina nang mabuntis ito sa kanya pero kahit ganoon, hindi pa rin ito tumigil sa mga pambabae nito. Lumaki siya na nakikitang palaging nag-aaway ang mga magulang niya at nang dahil rin doon ay nagkasakit ang Mommy niya. Kahit ngayong wala na ang ama niya dahil namatay ito sa isang aksidente anim na taon na ang nakalilipas, masama pa rin ang loob niya dito. Napakabait ng kanyang ina para palaging pagtaksilan nito. Kaya naman isinusumpa niyang hinding-hindi siya iibig sa mga katulad nito. Maaring sumali lamang siya sa isang proposal para sa mga playboy pero hindi niya iri-risk ang puso niya na mahulog sa isang taong kagaya nito.
Isa pa, kaya nga siya nandito sa opisina ni Cash ay kailangan na niyang putulin ang kaugnayan niya dito. Gusto na niyang putulin ang naging kasunduan nila dahil gusto na niyang makaalis dito. Gusto na niyang lumagay sa tahimik kasama ang taong nararapat para sa kanya at magagawa niya lamang iyon kung makakausap niya si Cash ngayong araw.
Noon naman bumukas ang pinto at iniluwa noon ang isang maganda at matangkad na babae na parang malaking bandana lamang yata ang suot na pang-itaas. Mukha rin yatang magsi-swimming ito dahil mas maganda yatang tignan kung irampa na lang nito ang shorts nito sa beach kaysa sa isang business office. Lalong nalukot ang mukha niya dahil doon lalo na at nakita niyang mapula-pula pa ang bandang leeg nito. Kasunod noon ang tila namumula rin sa tuwang si Cash with matching pamumungay pa ang mga mata habang hinahatid ng tingin ang babae.
Nang makaalis ito ay saka lamang siya tumayo. "Still can't get enough of that woman, Babe?"
Napatingin ito sa kanya at daig pa nito ang tinuklaw ng ahas nang makita siya. "Charity!"
She smirked. "Gulat ka 'no?"
"What are you doing here?" kumunot ang noo nito.
"Bakit, bawal na ba akong pumunta sa opisina ng---" hindi niya naituloy ang sasabihin niya nang makita niyang nakatingin sa kanila ang sekretarya nito.
Doon naman napangiti si Cash. "Ng ano?"
Napasimangot siya. "Nevermind. Basta kailan kong makausap ka,"
"Bakit naman? Nami-miss mo ako 'no?" ngiting-ngiti pa na sabi nito.
"Asa ka pa 'no! Basta kailangan kitang makausap! Now na!" inis na sabi niya. Ang tagal niyang nag-antay sa labas ng opisina nito, kung dadaan-daanin pa siya nito sa mga biro-biro ay baka pugutan na niya ito ng ulo. Kung akala nito ay ito lamang ang busy ay nagkakamali ito. May flower shop siyang pinapatakbo at wala siyang oras para sa lahat ng tao.
"Ang lakas talaga ng boses mo. Para ka talagang Amazona," komento pa nito.
"As if you care,"
"Of course. It's bad for my reputation to have an Amazon girl for a wife," dire-diretsong sabi nito.
Nanlaki ang mata ng sekretarya nito dahil sa narinig at siya naman ay dinaig pa ang kinagat ng sampung bubuyog dahil sa pula ng mukha. Kundangang sabihin ba naman nito ang tungkol sa relasyon niya dito na alam nitong may nakakarinig na iba dito?
Natawa naman ito dahil nakita nito ang reaksyon niya. "I'll just get my phone and lets have lunch outside, Sweetheart,"