4. Tour Eiffel
"THIS IS so grand, Gus! Paano ba ako magpapasalamat sa 'yo?" halos maiyak na si Melanie habang sinasabi ang mga iyon sa kanya. Sa ngayon ay nasa Paris, France sila kung saan siya nakabase simula nang ampunin siya ng mag-asawang Foresteir. Nasa Paris ang maraming business ni Francois na nakalinya sa mga chain of restaurants at distillery. Dahil alam niyang matagal ng pangarap ni Melanie na makapunta sa Paris, iyon ang graduation gift niya rito ngayong nakapagtapos ito bilang cumlaude sa UP Los Baños sa kursong Agriculture. Isama pa na dahil college graduate na ito, pinayagan na ito ng mga magulang na lumabas ng bansa na sila lamang dalawa ang magkasama.
"Alam mo naman na puwede na sa akin ang kiss," sabi niya saka ngumuso. Natatawang mahinang tinampal naman nito ang labi niya. Pero tinupad nga nito ang hiling niya rito. Hinalikan siya nito. Sa pisngi nga lang.
"Hanggang diyan lang dapat," wika naman nito saka hinawakan ang kamay niya. Sabay silang naglakad sa Champ de Mars, ang malaking public greenspace sa Paris kung saan makikita ang Eiffel Tower. Ipinangako niya rito na magtu-tour sila sa tower pero mamaya pang gabi dahil mas maganda raw ang view roon. Isama pa na may sorpresa siya para dito sa oras rin na iyon...
Melanie could be as conservative as she could be. College graduate na ito pero hanggang ngayon ay hanggang noo o halik lang sa pisngi ang nakukuha nila sa isa't isa. Minsan ay hindi niya maiwasang ma-frustrate lalo na at nitong mga nakaraang taon ay madalas na silang nagkikita.
Dahil malaki na siya at ngayon nga ay kumikita na ng kanya, naging madali na sa kanya na bisitahin ito. Siya na ngayon ang nagha-handle ng business ng mga magulang niya. Simula nang unang pinayagan siya ng magulang na magbiyahe sa Pilipinas, taon-taon niyang binibisita si Melanie. Tuwing bakasyon niya sa kolehiyo ginagawa iyon. Welcome naman siya sa hacienda ng mga nag-ampon rito kaya walang problema ang accommodation niya sa kanya.
Naging mas maayos rin ang communication nila sa isa't isa. Ngayon ay may internet na at sa pamamagitan ng email ay madali na nilang nasasabi ang mga tungkol sa isa't isa. Mayroon na rin video chat kaya hindi na kailangan pang magdala ni Melanie ng video tape para lang makita niya itong gumagalaw. Halos araw-araw ay ginagawa nila iyon at kahit ganoon, hindi niya pa rin maggawang magsawa rito.
He loves talking to her. He loves seeing her. He loves being with her. At kahit na hindi pa rin ganoong intimate ang halik na ibinibigay nila sa isa't isa, he appreciate and love it, too. Pero alam niyang hopefully, sa susunod na mga oras ay hindi na lang basta pangbatang halik ang maibibigay nila sa isa't isa.
Siguro ay matalik na kaibigan ang turing sa kanya ni Melanie. Pero hindi siya. Hinding-hindi ganoon ang turing niya rito. Sa mga nakalipas na taon ay napatunayan niya ito. Ang kalungkutan na higit niyang naramdaman kaysa nang mawalay ang pamilya niya sa kanya, ang pagkaayaw niya bilang maging kapatid nito at ang kagustuhan niyang gumawa ng paraan para lang magkausap sila kahit mahirap iyon. Mahalaga ito sa kanya pero mas higit pa iyon sa pagpapahalaga sa isang kaibigan.
Mahal niya si Melanie. Ito ang nagbibigay ng buhay sa mundo niya at kahit mahirap ang magiging relasyon nila, willing siyang gumawa ng paraan para maging maayos iyon. Basta makuha lang niya ang pagmamahal nito. Ang puso nito. Gagawin niya ang lahat para hindi na ito mailang sa kanya kapag hinahalikan ito at hindi na rin halik pang-bata ang maigawad nila sa isa't isa.
At uumpisahan niya lahat ng iyon sa gabing ito. Graduate na si Melanie ng kolehiyo at hindi ba at ito ang nagsabi sa kanya na kapag naka-graduate na ito ng kolehiyo, doon pa lang ito papayagan na magboyfriend ng mga magulang nito? Inirerespeto niya iyon kaya nararapat lang na siya ang maging una nito at huli nito. Mahal na mahal niya ito at gagawin niya ang lahat para dito.
Umuwi muna sila sa mansion nila sa Paris din kung saan tumutuloy rin si Melanie para magbihis. Sinabi niya rito na iti-treat niya ito ng dinner bago nila akyatin ang Eiffel Tower. Isinuot nito ang regalo rin niyang damit na siyang lalong nagpaganda sa maganda ng anyo nito. Simple lang ang ginawang ayos rito ng taga-ayos ng Mama niya na siyang inutusan niya para ayusan ito pero napakaganda pa rin nito. She was the most beautiful woman she had ever seen. No wonder his heart was raging just by looking at her.
"Hindi ba sobrang ganda naman yata ng ayos ko ngayon para lang sa isang dinner? Saan bang restaurant mo ako dadalhin at ganito kaganda ang pinaggawa mo sa akin?" parang hindi pa komportable si Melanie nang lumabas ito mula sa kuwarto at siya ay halos luluwa ang mata sa pagtingin rito.
"Bakit ayaw mo ba? Sabagay kahit naman suotan ka pa ng sako, maganda ka pa rin," kinindatan niya pa ito. Hinawakan niya ang kamay nito at hinalikan pa ito bago niya niyayang sumakay sa limousine na maghahatid sa kanila papunta sa restaurant na hindi birong nirentahan niya pa para lang sa dinner na inihanda niya para dito.
"God, Gus! Ganito ba talaga ako ka-special sa 'yo para gawin mo ang lahat ng ito sa akin?" hindi makapaniwalang wika ni Melanie nang makita kung saan niya ito dinala.
"Hindi mo na kailangang tanungin 'yan, Lanie. Alam mo naman na ikaw ang pinaka-espesyal na babae para sa akin."
"Sobra-sobra ito para sa isang matalik na kaibigan. Hindi ba mahirap gumawa ng reservations sa restaurant nito? Mukhang napaka-exclusive nito,"
Nasa second floor sila ng pamosong restaurant sa Eiffel Tower. At tama ito, mahirap gumawa ng reservation sa restaurant na iyon.
"Kapag anak ka ng isa sa may-ari nito, hindi mahirap iyon. So shall we sit down, ma Cherie?"
Ngumiti ito pero napansin niyang hindi umaabot ang ngiti na iyon. Napaisip tuloy si Augustus kung masama ba ang pakiramdam ni Melanie o kung may mali sa ginawa niya. "Hindi mo ba gusto ito, Lanie?"
Umiling ito. "Siyempre gusto kaya lang---"
"Sobra-sobra pa rin para sa 'yo? 'Wag mong isipin ang tungkol roon. You deserved everything in this world, Lanie. And I would give everything that I could just to make you happy. To see your smile everyday..." Basta ba ang ngiting iyan ay ibibigay mo lang exclusively sa akin gusto sana niyang idugtong.
"Right," sabi nito at hindi na nagreklamo pa. Um-order sila at maya-maya ay kumain na. Pagkatapos kumain ay niyaya niya itong magsayaw. Pumayag ito.
Their bodies became close while dancing. Lalong lumakas ang tibok ng puso ni Augustus habang ginagawa nila iyon. He really loves it whenever he got this close to her. Ipinikit niya ang mga mata at ninamnam ang bawat sandali. Nang buksan niya iyon ay nagkasalubong ang mga mata nila ni Melanie. Nakangiti ang mga mata nito sa kanya. Mukhang masaya ito. Masaya rin siya. Pero mas lalo siyang sasaya kung magiging matagumpay ang plano niya ngayong gabi.
Bumaba ang tingin ni Augustus sa mapupulang labi ni Melanie. Ilang beses na ba niyang pinangarap na mahalikan iyon? Ngayon ay pagkakataon na niya. Being in this kind of setting would add to the romantic notion of the gesture. Walang pag-aalinlangan na hinalikan niya ang labi nito.
Kaggaya ng inaasahan ni Augustus, magiging mas masarap nga ang pakiramdam niya kapag nahalikan na niya roon si Melanie. Her lips tasted sweet. Nararamdaman na niyang kaggaya ng paunti-unti niyang paghalik dito ay maadik rin siya roon. Pero napatigil siya nang maramdaman niya na tila nanigas si Melanie sa mga kamay niya sa ginawang iyon.
Kumunot ang noo ni Augustus. "Lanie? What's wrong?"
Kumawala ito mula sa pagkakahawak niya. "Gus, this is all wrong. Ang lugar, ang pag-aasikaso mo sa akin, lalo na ang paghalik mo sa labi sa akin ngayon. Best friend lang kita, alam mo 'yun."
"Oo. Pero ano kung i-level up natin ang relasyon natin? Wala namang masama 'di ba? Graduate ka na at sinabi mo sa akin na kapag graduate ka na ng college, puwede ka ng mag-boyfriend,"
Huminga ito nang malalim at diretsong tumingin sa kanya. "Alam ko. Pero hindi puwedeng ikaw 'yun, Gus. I-I'm already in love with someone else..."