Library
English
Chapters
Settings

7. The Project

NAPANGIWI si Irene nang mapatingin sa kanyang relo. Pasado alas-dos na at nasa Makati pa rin siya. May kliyente siya na katatagpuin pa niya sa Quezon City ng alas-tres at kakatapos lang niya sa kanyang appointment sa teacher ni Nicollo—ang anim na taong gulang na anak. Ngayon kasi ang bigayan ng first monthly grading grade card nito at required ang mga magulang na pumunta para kunin ang card.

Maayos naman ang grades ng anak niya. Inaasahan na niya iyon. Kahit working mom ay hindi pa rin niya pinababayaan si Nicollo. Hindi maaaring sa isang araw ay hindi niya tuturuan ang anak. Hindi puwedeng hindi niya ito bibigyan ng oras. Mukha namang paboritong oras ng anak niya ang pag-aaral. Napakasipag at inquisitive na sa edad nito. No wonder na ito ang nangunguna sa klase. Napatagal tuloy ang pag-uusap nila ng teacher ni Nicollo dahil napakuwento ito nang matagal tungkol sa magandang performance ng anak niya. Dahil naaliw sa kuwento ay hindi na niya napansin pa ang oras.

"Anak, Mom still has appointment to go, huh? Iiwan na lang kita sa yaya mo..." sabi niya at hinalikan ang anak sa noo.

"What? Mom! Hindi po ba tayo magse-celebrate?" Malungkot ang mukha ni Nicollo.

"I'm not sure kung makakauwi ako nang maaga today, anak. Pero kung makakauwi ako ay—"

Sumimangot si Nicollo. "But I want to be with you, Mommy... Hindi mo po ba ako puwedeng isama sa work mo? Wala naman po akong assignments at exam bukas."

Ginulo niya ang buhok ng anak. "Baka hindi makapag-concentrate si Mommy habang nagwo-work. Kasi madi-distract siya kapag nasa paligid ang pinaka-cute na bata sa buong mundo." Kinurot niya pa ang pisngi nito.

Lalo itong napasimangot. "Si Mommy talaga! Isama mo na po ako, please? I promise I'll behave. Good boy naman po ako, 'di ba?"

Ngumiti si Irene. Bukod sa matalino ang anak ay mabait na bata rin ito. Ilang beses na niyang naisama si Nicollo sa kanyang trabaho at tahimik lang ito. Isama pa na madalas na natutuwa rito ang mga kliyente niya. Ang gusto lang naman kasi ni Nicollo ay ang makasama at makita siya.

Itinuturing niyang isang rainbow ang anak pagkatapos ng bagyong dumating sa buhay niya. Si Nicollo ang natatanging pinakamahalaga sa buhay niya ngayon. Ito na rin lang ang taong itinuturing niyang pamilya. Mahal na mahal niya ang kanyang anak.

"Hindi ko pa ganoong kilala ang kliyente ko ngayon, anak. Paano kung ayaw pala niya na may kasa-kasamang bata habang nagwo-work ako?"

Isang interior designer si Irene. Sa ilang taon na pagtatrabaho ay marami na siyang naging kliyente. Karamihan sa mga ito ay nagugustuhan ang gawa niya kaya naman madalas ay nire-refer siya sa mga kakilala. Dahil doon ay marami siyang kliyente na naging dahilan kung bakit maalwan ang buhay nilang mag-ina. Kahit naman kasi may dumarating na monthly allowance na mas malaki pa nga sa buwan-buwan na kinikita, hindi niya ninais na galawin iyon. Wala siyang pakialam sa perang ibinibigay ni Nikos. Wala siyang pakialam sa sustento nito. Ang tanging gusto lang ay nasa tabi niya ito pero...

Pinutol ni Irene ang iniisip at nag-focus na lang sa kanyang anak. "Mananatili na lang po ako sa car mo if ever na ayaw ng client mo na makasama ka. I just want to be with you today, Mommy. Please, please?" Ipinagsalikop pa nito ang kamay sa harap niya.

Napangiti siya. Paano siya makakatanggi sa ganitong kaguwapo, ka-cute at ka-adorable na bata? Kahit halos walang namana sa kanya si Nicollo at pinaalala nito ang isang malaking pagkakamaling nagawa noon ay mahal na mahal niya ito. Ito ang buhay niya. "Okay. Pero you should keep your promise, okay?"

Tumango ang anak at humawak sa kamay niya. Kinausap naman niya ang yaya ni Nicollo na kasa-kasama rin nila sa bahay. Pinauwi na niya ito at sinabihang baka gabihin sila. Gusto niyang ilabas ang anak kung maagang matatapos sa trabaho. Pero hindi niya matantiya ang oras dahil bago ang kliyente. Hindi niya alam kung maarte ba ito o mabusisi. Ang tanging alam lang niya ay lalaki ang kausap at nais nito ng hybrid farmhouse coastal interior design style na bahay. Dati raw kasing ganoon ang tinitirhan ng kliyente at nais na dalhin ang nakalakihang environment sa bahay nito sa siyudad.

Dahil medyo traffic ay na-late si Irene nang kaunti sa pupuntahan. Ganoon pa man ay mukhang hindi naman iyon problema sa kliyente. Nakangiti pa nga ito nang makita siya. Pero nang makita ang anak niya ay mukhang nagulat. Nakakunot-noo pa ito.

"Ah, Mr. Medalla, I hope you don't mind that I brought my son here with me. Ayaw kasing papigil, eh. Pero nangako naman siya na magbe-behave kaya kampante ako na magiging professional pa rin tayo on doing business."

Umiling si Mr. Medalla. "I don't mind. Nagulat lang ako. M-may anak ka na pala? Are you married?"

"Single mother ako," simpleng sagot lang niya. Komplikado ang relationship status niya, kaya kapag tinatanong tungkol doon ay ganoon palagi ang kanyang sagot.

Tumango-tango ito. "But you have a little cute boy here. Parang ang laking kawalan sa ama niya kung hindi man lang siya makita..." komento pa nito at ginulo ang buhok ng anak niya.

Malaki nga. Pero ginusto niya iyon. Ano'ng magagawa ko? sa isip-isip ni Irene. Ganoon pa man ay hindi na lang niya pinansin ang sinabi ng kliyente. Hanggang maaari ay ayaw niyang ino-open up ang tungkol doon, dahil tanging sakit lang ang idinudulot ng ama ni Nicollo sa kanya.

"Nakaraan na iyon. And I believe that my personal life is not our concern here, right? Lets go down to business..."

Tumango si Mr. Medalla. Pero bago iyon ay kinunan muna nito ng litrato ang anak. Ang sabi ng lalaki ay gusto lang nito na i-share sa misis ang cute niyang anak. Ganoon daw kasi maglambingan ang mga ito, lahat ng nakikitang mga interesting ay pini-picture-an at ipinapakita sa isa't isa. Dahil may kakilalang ganoong klase ng mag-asawa ay pumayag si Irene. Hindi rin kasi miminsan na may kumuha ng litrato ng anak dahil naku-cute-an ang mga ito.

Hindi naman mahirap kausap si Mr. Medalla. Nang sabihin niya ang mga nais na gawin matapos na libutin ang bahay nito ay nagkasundo agad sila. Hindi ito kagaya ng iba niyang kliyente na maraming reklamo at hiling sa kanya. Madalas ay palagi rin pinangungunahan ang ideas niya. Pero siguro ay maganda lang talaga ang naisip niya sa nais na bahay ni Mr. Medalla. Nagpapaalala kasi ang nais na ipagawa nito ng isang hitsura ng bahay na paborito niya. Ganoon kasi ang hitsura ng isa sa mga bahay-bakasyunan nila sa Greece.

Isang oras lang ang itinagal ng appointment ni Irene kay Mr. Medalla. Ikinatuwa naman niya iyon dahil ibig sabihin ay magkakaroon pa siya ng oras para ipasyal ang anak na sinunod nga ang ipinangako nito. Nanatili lang itong tahimik sa isang tabi habang kausap niya ang kliyente. Nang nanaisin na sana niyang magpaalam kay Mr. Medalla ay pinigilan siya nito.

"Mamaya na. Nag-order ako ng pizza at parating na iyon. Nakakahiya naman sa inyo dahil wala man lang akong naipakain. Bago pa lang kasi itong bahay at—"

"It's okay, Mr. Medalla. Besides, ipapasyal ko rin ang anak ko. Sa mall na lang kami kakain."

Marahas itong umiling. "No. I insist, Miss Sallis," wika pa nito na ina-address siya sa apelyidong hanggang ngayon ay ginagamit pa rin niya. "Narinig ko na gutom na si Nicollo. Malamang na traffic na naman kaya baka matagalan bago pa kayo makarating sa mall. Hintayin n'yo na ang pizza. Sandali lang at tatawagan ko para i-follow up." Pagkasabi niyon ay iniwan sila ng lalaki at pumunta sa kusina para tumawag.

Tiningnan ni Irene ang anak. Tama nga si Mr. Medalla. Gutom na nga si Nicollo. Mukhang gusto rin nitong manatili dahil sa pizza. Paboritong pagkain iyon ng anak kaya pinagbigyan niya. Nauuhaw na rin siya. Susundan sana niya si Mr. Medalla sa kusina para humingi ng tubig nang sa pagtayo ay nasanggi niya ang folder na nasa center table. Nalaglag iyon kasama ang mga laman. Pinulot iyon ni Irene at napakunot-noo nang makita ang kanyang picture doon. Kinuha niya ang mga papel at nakitang tila biodata niya iyon dahil mga impormasyon tungkol sa kanya ang nakalagay sa papel. Tiningnan din niya ang ilan sa mga papel at umagaw sa pansin niya ang logo ng isang sikat na investigative services agency.

Napahawak si Irene sa kanyang dibdib. Diyata't iniimbestigahan siya ni Mr. Medalla? Isa ba itong private investigator? Pero bakit naman siya nito iimbestigahan?

Napatingin siya kay Nicollo at biglang may pumasok sa kanyang isip. Naalala rin niya ang tungkol sa pagkuha ni Mr. Medalla ng picture sa anak. Hindi kaya si Nikos ang... Biglang nakaramdam ng kaba si Irene.

Gusto niyang komprontahin si Mr. Medalla dahil sa mga naisip. Pero bago pa nagawa iyon ay may nag-doorbell kaya napatigil siya sa gagawin.

"'Ayan na ang pizza!" na-excite na sabi ni Nicollo. Ang anak na ang nagbukas ng pinto. Pero kitang-kita niya ang panlulumo nito nang makitang hindi isang delivery man ang kumatok. "Ay. Hindi pala..."

Tumingin si Irene sa pinto at nilapitan ang anak. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib nang mapatingin sa mukha ng lalaki. Kailangan pa niyang hawakan ang anak para umamot ng lakas para harapin ang lalaki. "Nikos..."

Kumunot ang noo ni Nicollo. "Kilala n'yo po siya, Mommy?"

Sa madilim na anyo ni Nikos ay tumingin ito sa bata. "Bakit naman hindi? Hindi ba naikuwento sa 'yo ng mommy mo na ako ang daddy mo?"

Download the app now to receive the reward
Scan the QR code to download Hinovel App.