4
"THIS is the night that will change my favorite son's life,"
Awkward na napangiti si Dashrielle o Dash kung tawagin ng nakakarami sa litanya ng kanyang ama. Inakbayan pa siya nito.
"Ako lang naman ang nag-iisa niyong anak kaya dapat lang na ako ang paborito niyo,"
Tumawa ang ama. "Oo nga naman. Pero mas pansinin mo ang una kong sinabi. Magbabago na ang buhay mo ngayong gabi, Anak."
"I don't want to think of that."
"Oh come on. Think positive. Sa guwapo mong 'yan, sigurado akong papayag na magpakasal sa 'yo ang anak ni Manny..."
Napangiwi si Dash. "Hindi ko naman kailangan ng bilib niyo sa kaguwapuhan ko, Papa. Ang kailangan ko ay pakinggan niyo ako. Ayaw ko na ikasal, lalo na sa babaeng ni hindi ko nga kilala!"
Hindi sumagot ang Daddy niya. Dire-diretso lang itong naglakad papunta sa hardin ng mga Abenilla. Ngayong gabi ay birthday party ng long lost friend ng Daddy niya na si Manny Abenilla. Imbitado sila, lalo na siya dahil dito daw niya makikilala ang babaeng gusto ng ama niya na pakasalan niya---ang nag-iisang ampon na anak ni Manny.
Dating magkaibigan ng kolehiyo ang Daddy niya at si Manny Abenilla. Pero dahil pagkatapos ng college ay nangibang bansa ang ama ay nawalan ng koneksyon ang mga ito. Nagkaroon na lang ulit nang bumalik ang Daddy niya sa Pilipinas ilang taon lang ang nakalilipas. And it was all because of him.
OFW sa Saudi Arabia dati ang Daddy ni Dash. Nagsikap ito para makapagtapos siya ng pag-aaral at magkaroon sila ng magandang buhay ng Mama niya. Bumalik lang ito nang makita nitong matagumpay na siya sa buhay---at iyon ay nang magsimulang kumita nang malaki ang business na ilang taon rin niyang pinagsikapan na itayo---isang Digital Marketing Agency.
Naging hayahay na ang buhay ng ama niya pagkatapos. Kaya naman nagkaroon ito ng oras ay nakapag-Facebook at naka-connect kay Manny Abenilla. Naging close ulit ang dalawa at gusto pa lalo na maging close sa pamamagitan ng pangrereto ng mga anak sa isa't isa.
Pero hindi payag si Dash. Thirty two years old pa lang siya. He loves his bachelor's life. Bakit naman niya itatali ang sarili sa kasal? May pagka-playboy rin siya kaya naman no-no talaga. Pinagbibigyan niya lang ngayon ang Daddy niya dahil nagiging makulit na ito.
Huminga nang malalim si Dash. Sinubukan niya ulit na kausapin ang Daddy niya. "Mukhang maganda nga ang pamilya ni Mr. Abenilla. Pero ano ba benefit ng arrangement na ito, Daddy? I see nothing."
"Ipinangako sa akin ni Manny na kapag pinakasalan mo ang anak niya ay ikaw ang pamamahalain niya ng kompanya niya. Abenilla Advertising may not be one of the best in it's field but it is established. Kailangan lang nang maayos na pamamahala at naniniwala ako na makakaya mo iyon. Isa pa, gusto mo rin na magkaroon ng advertising company 'di ba? We can merge the company to them..."
Totoo iyon. In fact, may isa na siyang advertising company na tinitignan na bilhin. Pero hindi iyon kasing established ng Abenilla Advertising. Kung titignan ay good deal rin naman na makuha niya ang kompanya.
But not on this way.
"Puwede bang makipag-negotiate na lang tayo sa kanya na bilhin ang kompanya?"
"No. Mas gusto ni Manny na maituturing na pamilya niya pa rin ang hahawak ng kompanya niya. Isa pa, gusto rin niya na masigurado na may makakasama ang anak niya kapag nawala na siya,"
"Nawala? Mamamatay na ba siya?"
"He was diagnosed with stage two prostate cancer..."
Natahimik si Dash. That was sad. Pero sad rin naman ang sitwasyon niya. Pinipilit siyang ikasal para sa isang business. At ang babaeng pakakasalan niya ang isa pa yatang nakakalungkot. Kung kasama ito sa bargain, baka pang-bargain rin ang itsura.
Maya-maya ay may nakita silang dalawang tao na nakatalikod sa kanila. Lumapad ang ngiti ng ama niya. "Sila na 'yan,"
Bumuntong-hininga na napailing-iling si Dash. Tumingin siya sa mga tao, partikular sa babaeng nakatalikod. Kung ang dalawa ang kanilang bibisitahin, ibig sabihin ay ang babae ang pakakasalan niya.
This is really bad... nasabi na lang ni Dash sa isip nang makitang mukhang walang fashion sense ang babae. Mukhang maluwang rito ang damit na suot, hindi niya makita kung may curves ba ito. Hindi rin kapansin-pansin kung may umbok ba ang puwet nito. She just looks so ordinary, so boring...
Napahikab na kaagad si Dash hindi pa man niya nakikita ang harapan ng babae. But when he did, parang nag-lock yata ang panga niya. Hindi niya maisarado iyon sa sobrang gulat sa nakita...