2. Ice, The Romance Writer
Romantic Bookworm: I'm a fan of Miss Candice since she started writing. Witty siya. May emosyon ang mga sinusulat. Palagi niya akong napapatawa. Isa ako sa masuwerteng na-meet siya sa iisang beses pa lamang niya na book signing at mabait siya. Pero... wala na bang bago?
Okay, don't get me wrong. Sinabi ko na naman na fan ako ni Candice 'di ba? Lahat ng books niya, kompleto ko. I love her works. Pero dahil yata sa pagmamahal ko sa kanya, napapansin ko na rin ang mali niya. Maganda naman ang gawa niya pero napapansin ko lang, parang pare-parehas na lamang. Wholesome. Romantic comedy. Light romance. Iyon na lang ba talaga ang mababasa ko mula sa kanya?
Ilang taon na ba si Miss Candice sa mundo ng pagsusulat? Four years. Four years na nag-stick lamang siya sa ganoong genre. Sa pagkakatanda ko, nasa mid-twenties na naman siya. Pero bakit parang teenager pa rin siya kung magsulat?
Haay. Ewan ko ba. Is it just me ba na nakakapansin nito? Nakakabahala na kasi. Wish ko lang mag-grow na siya. You see, para kasing ulam lang 'yan. Kapag palagi ng pareho ang nababasa mo, nakakasawa rin. Nakakaumay. How about you, guys? Anong opinion niyo?
Comments:
Pink Butterfly: True! Actually, tumigil na ako sa pagbabasa ng mga bagong nobela niya. May twist naman kahit papaano para sa ordinaryong plot na paborito niyang isulat pero ayaw ko na ng ganoon. I want more!
Book Addict: I feel you, RB. Unlike Pink Butterfly, nagbabasa pa rin naman ako ng mga gawa niya. Pero kagaya mo, malapit ko na rin na tigilan. Sa pagkakatanda ko, ni hindi pa siya nakakapagsulat ng libro na may LS 'di ba?
Romantic Bookworm: @Book Addict: Mayroon. Isa lang. Pero hindi ganoon elaborated. Wala nga akong na-feel. Paano, parang sinabi lamang niya na may nangyari at walang description kung ano nga ba talaga iyon, kung paano ginawa, ganoon.
Book Addict: @Romantic Bookworm: Oh... Baka hindi niya kaya. Pero sana magbago na siya. Sana magkaroon ng bago...like 'yung mga uso ngayon. Erotic. Mala-fifty shades of Grey. Hi-hi. Lagi ko silang nakikitang nag-uusap ni Nina Kareene sa Facebook. BFF yata sila. Sana hawaan ng kaunting kamunduhan ni NK si Candice para mag-grow naman siya.
Lovely Princess: @Book Addict @Romantic Bookworm: Magdilang anghel sana kayo. Paborito kong writer 'yan si NK. Versatile kasi siya. Though gusto ko rin naman si Candice pero nagsasawa na nga ako sa puro pa-tweetums lang. 'Buti pa si NK, lahat kayang isulat. Favorite ko 'yung bago niya, iyong The Rough Ride. Ang hot, grabe! Try niyo kung hindi niyo pa nababasa.
@Romantic Bookworm: @Lovely Princess: Nabasa ko na rin iyon. I couldn't agree more. Malapit na ngang palitan ni NK si Candice bilang favorite writer ko. Medyo naiintindihan ko rin naman si Candice kung bakit ilang siya sa love scenes. Conservative kasi siya, eh. Pero 'di ba bilang writer, kailangan rin nila na maging updated at open-minded? Try naman sana niyang magbago.
@Lovely Princess: @Romantic Bookworm: Like...writing erotica? Hihi.
@Romantic Bookworm: Why not? Challenge iyon. Saka mas magiging maganda ang dating noon sa readers kasi na-feel nila na lumabas na siya sa box. Magiging best-seller 'yun, tiyak!
"HINDI ko naman pinangarap na maging best seller." Katwiran ni Ice habang binabasa ang thread sa forum ng Lovely Romance Publishing---ang romance publishing company kung saan siya nagsusulat. Thread iyon sa topic tungkol sa kanya. Bagong pakulo ng kompanya nila na gumawa ng forum kung saan ilalagay ng mga readers ang feelings at views ng mga ito para sa isang writer. Ginawa iyon ng kompanya para raw maisip ng mga writers kung ano ang kailangan pa nilang i-improve sa pagsusulat.
Hindi na sana gusto ni Ice na basahin iyon. Tama naman ang isa sa mga nag-comment sa thread. Open-minded dapat ang isang writer. Pero masasabi ni Ice na hindi siya ganoon. She don't write to please the readers. She writes to please herself. Ganoon ang motto niya at umaayon naman sa mga nakalipas na taon. Palagi naman kasi siyang nabibigyan ng komento na magaganda raw ang mga gawa niya. Paborito nga siya ng boss niya.
Dati.
Hindi mahilig magbasa si Ice ng komento tungkol sa mga gawa niya. Kaya lamang niya nalalaman ang mga feedback tungkol sa kanya ay dahil kay Miss Bridgette---ang may-ari ng LRP. Kapag nagkikita sila, palagi nitong sinasabi na best seller ang mga libro niya. Ganoon rin ang mga editors na siyang nagbabasa ng mga gawa niya. Lahat ay may positibong feedback. Hanggang sa magkita sila ni Miss Bridgette noong Sabado kung saan kinuha niya ang tseke niya para sa isang approved manuscript.
"Ang laki ng binaba ng sales ng mga libro mo ngayon, Candice." Nang malaman ni Miss Bridgette na pupunta siya ng opisina ay nag-set ito ng one-on-one meeting para sa kanya. Candice ang itinawag nito sa kanya dahil iyon ang pen name niya---galing sa totoong pangalan niya na Candida Iceliana.
"Ah, ganoon ba, Ma'am?" Paano ba siya magre-react? Wala naman siyang madalas na pakialam sa sales. Matagal na siyang nabayaran para sa mga lumalabas niyang libro.
Kinuha ni Miss Bridgette ang Ipad nito. Ipinakita nito sa kanya ang website forum ng LRP.
"Aware ka naman sa site na ito 'di ba? Subukan mong bisitahin para sa improvements mo."
Napalunok si Ice. Aware siya pero hindi siya nagbubukas. Iniiwasan niya iyon.
Improvements---iyon ang sinabi ni Miss Bridgette at dahilan kaya ginawa ang forum. Kung ganoon, paniguradong magsasabi roon ang mga readers ng negative feedback. Kinakabahan si Ice. Ayaw niya ng ganoon. Mabilis siyang maapektuhan sa mga nababasa. Paano kung sa halip na tanggapin sa positibong paraan ay maging masama pa ang dating noon sa kanya?
"Ma'am, blocked po ako ngayon, eh. Baka mamaya, makapagbasa ako ng masama diyan at---"
"Bakit ka block? Dahil sa napapagod ka ng magsulat ng tweetums na story?"
Natigilan si Ice. Nasapol siya ng boss. Iyon na nga ang nangyayari sa kanya. Pakiramdam niya ay napapagod na siyang magsulat ng teenager, light stories. Pero hindi naman niya gustong magsulat ng bago. Hindi niya kayang magsulat ng adult romance, lalong-lalo naman ang drama. Hindi siya mahilig sa mga mabibigat na kuwento. Mabilis rin siyang umiyak. Kaya sa apat na taong pagsusulat niya, palaging light romance lamang ang genre niya. But then, naggawa na yata niya ang lahat ng plot tungkol roon. Wala na siyang maisip na bago. Ang kinuha niyang tseke ngayon ay ang huli niyang manuscript na naisulat which is two months ago pa simula nang natapos niya. Pagkatapos noon, wala na siyang naisulat muli na bago.
"Iyon ang madalas na sinabi sa 'yo sa thread na ito." Huminga nang malalim si Miss Bridgette. "Hindi naman kita gustong puwersahin na magsulat ng kakaiba, Candice. Naapektuhan ang kompanya, oo. Pero wala naman akong kontrata sa inyo na nagsasabing kailangan na i-try niyo ang genre para pilitin kita na magsulat sa ibang imprint. Iyon lang, sana ay isipin mo na as a writer, kailangan mo rin na mag-grow. Kailangan mo rin na magsulat ng out of the box sa kinasanayan mo."
"Sige po. Magsusulat na po ako ng drama next time."
Nalukot ang mukha ni Miss Bridgette. "Wala na bang iba? I mean, oo, bago iyon para sa 'yo. Pero ang dami na nating writers sa LRP na drama ang genre."
"Ah, okay. Historical romance po. Wala po tayong writer na nagsusulat ng ganoon 'di ba?" mahilig naman siyang magbasa ng historical romance. Hindi naman siguro magiging mahirap kung susubukan niya kahit medyo hindi interesting sa kanya ang history ng Pilipinas na madalas na dapat ay setting ng romance novel niya dahil Tagalog romance iyon.
Hindi nagbago ang mukha ni Miss Bridgette. "Uso pa ba ang ganyang libro? Saka wala tayong imprint na ganoon."
"Gothic na lang. Or action romance?!" ngingiti-ngiti si Ice. Pero sa totoo lamang ay gusto niyang mapangiwi. Gothic? Ni wala siyang makitang interesting sa mga lobo, bampira o aswang. Hindi totoo ang lahat ng mga iyon. Hindi siya naniniwala sa mga ganoong nilalang kaya paano niya mabibigyan ng justice ang nobela? Action romance---utang na loob. Namumutla na nga siya makakita pa lamang ng dugo. Kapag nakakarinig pa lamang ng mga taong nababalian ng buto ay nanghihina na siya. Hindi niya kaya ang mga iyon.
Natigil ang pagsasalita ni Ice nang tumayo si Miss Bridgette. Kumuha ito ng isang libro mula sa cabinet. Ngingiti-ngiting iniabot nito sa kanya ang libro na published ng LRP at isinulat ng kaibigan niyang writer na si Nina.
"Uso ito ngayon."
Napilitang abutin ni Ice ang ibinigay na libro ni Miss Bridgette sa kanya. Naglagay siya ng mental note sa isip na magpabasbas sa kapitbahay niyang pari pag-uwi niya sa apartment niya.
Wala siyang lakas ng loob na magsulat ng erotica!
"Eh ano kung uso? Ano kung hindi ko kayang mag-improve? Mayroon akong paninindigan sa sarili. Hindi ko aalisin iyon. Mahalaga iyon. Mas mahalaga pa kaysa sa career ko sa pagsusulat---" napatigil si Ice habang nag-iinarteng kausapin ang sarili.
Nasasaktan si Ice. Napilitan na siyang buksan ang forum. Hindi niya nagustuhan ang nakasulat. Tama nga si Miss Bridgette. Hindi na maganda ang feedback sa kanya. Hindi niya gustong tanggapin iyon.
Gusto ng mga readers niya na magsulat siya sa ibang genre. Nagsasawa na ang mga ito. Pero hindi rin naman niya masisisi ang mga ito. Hindi ba at ganoon rin naman ang nararamdaman niya? But...erotica?! Hindi niya kaya iyon. Hindi siya kagaya ng malapit niyang kaibigan niyang writer na si Nina Kareene. Hindi siya versatile.
Pero siguro nga minsan sa buhay natin ay kailangan rin natin na tanggapin na change is inevitable.
Itinigil na ni Ice ang pagbabasa. Sapat na ang kanyang mga nabasa. Iisa lang naman ang punto 'di ba? Magsulat siya ng iba. Ng erotica. Ah, bakit ba kasi nauso iyon? Iyon tuloy at na-e-encourage pa siyang magsulat ng ganoong genre.
Pakiramdam tuloy ni Ice ay lalo siyang na-block. Paano na? Halos tatlong buwan na lamang, pasko na. Kailangan niyang kumayod para magkaroon ng extra na pera. Hindi magiging sapat ang lahat ng gastusin sa pasko sa suweldo niya bilang sekretarya. Halos lahat naman kasi ng kabuuan ng suweldo niya ay ipinapadala niya sa Batangas---ang probinsya niya, kung saan siya lumaki at kasalukuyang naroroon at iginupo ng sakit ang pinakamamahal na tao niya---ang Lola Mercy niya.
Part-time job na lamang ngayon ni Ice ang pagsusulat pero iyon at nagkaka-problema pa siya. Hindi maaari. Kailangan niya ng higit na pera ngayon. Pero ano ba ang solusyon para sa writer's block?
Isinara ni Ice ang website. Natira ang unang tab na binuksan niya. It was a blank tab. Mistulang bumalik tuloy siya sa home page ng browser niya kaya nakita niya ang frequently opened sites niya. Sa ginawa, nagkaroon ng pag-asa si Ice na maalis ang matagal-tagal na rin niyang sakit na pinagdadaanan.